Dismayado at galit ang mga magtatahong at mangingisda kay Navotas Mayor John Rey Tiangco nang hindi nito suportahan ang kanilang kabuhayang apektado sa pagtatambak para sa itinatayong Navotas Coastal Bay Reclamation Project (NCBRP) sa isinagawang pulong noong Marso 22 sa munisipyo ng siyudad.

Anila, namilosopo at sinabing kasuhan na lamang ng mga magtatahong si Mayor Tiangco dahil wala na raw itong magagawa sa patuloy na pagbubunot ng kanilang mga anahaw o tahungan.

“Ang itinuturo pa niyang may sala ay ang Korte Suprema. Ang mandamus ay nanggaling daw sa Korte Suprema. Itong mandamus na sinasabi nila, siguro ay isa man sa atin ay hindi alam ang ibig sabihin non lalong lalo na ako,” dismayadong pahayag ni Tony Lamutac, isang magtatahong.

“May nagtanong doon sa meeting na kasamahan namin, bakit po sa ibang nasasaklawan ng Manila Bay ay nagbibigay pa ng permit, ang sagot sa amin ay doon na lang daw kami kumuha ng permit,” dagdag ni Lamutac.

Ayon sa DEFEND CAMANAVA, panlilinlang ang ginagawa ng Navotas LGU para gamitin ang 2008 Supreme Court Mandamus.

Nakasaad sa mandamus ang rehabilitasyon at pangangalaga sa Manila Bay. Sinasakop ng Manila Bay ang ilang syudad na nasa Metro Manila kabilang ang Manila, Pasay, Parañaque, Las Piñas, at Navotas kasama ang mga baybaying lugar ng Bataan, Pampanga, Bulacan sa Region 3, at Cavite sa Region 4.

Para sa mga magtatahong tulad ni Tony, hindi rehabilitasyon kundi mapaminsalang proyekto ang NCBRP na papatay sa kabuhayan at yamang dagat ng Navotas.

“Hindi nakakasira ang tahungan namin. Pangkabuhayan ng mahirap iyan, ang higit na nakakasira riyan ay ang pagtatambak. Sinisira yong koral natin, sisisid tayo pero wala na tayong mahuli. Nabubulabog ang mga isda at tinatambakan nang tinatambakan yong tirahan nila. Sila ang nakakasira sa kalikasan, winawasak nila ang ating kabuhayan pati yong panirahan ng maliliit na mga isda,” saad ni Lamutac.

“Ang mayor natin ay talagang walang malasakit sa atin. Hindi ba? Kasi kung totoo yong batas na sinasabi nilang clean-up Manila bay, yong clean up operation ay dapat pangkalahatan. Ang pinagtataka namin, bakit dito sa Navotas ay iyon ang binibigyang pansin, kami ang tinitira, kinabukasan no’n nag-operate agad ng bunot,” dagdag pa ni Lamutac.

Aabot sa 650 ektaryang saklaw ang proyektong NCBRP na kabilang sa kabuoang reklamasyong itinutulak sa Manila Bay. May pondong P57.4 bilyon ang nasabing proyekto ng Navotas LGU kasosyo ang SMC.

“Dahil pinabayaan tayo ni Mayor, hahayaan ba nating magutom ang bawat pamilya natin? Hindi makapag-aral ang ating mga apo? Magkaisa tayong lahat at sama-samang tutulan ang pagtatambak na iyan. Lahat ng magtatahong at manginigsda, sa atin ang dagat,” ani Lamutac.

Sa paggunita ng Araw ng Palaspas, nagpahayag naman ng suporta ang mga nasa taong simbahan.

“Kayo ang nagbibigay ng tunay na palaspas. Kasi ang kahulugan ng palaspas ay ang pagsalubong kay Kristo sa puso at diwa. Ang willingness natin at kahandaan natin na sundin ang pagpapahayag ng katotohanan para isabuhay at ipaglaban ang ating karapatan,” ani Ofelia Cantor ng Ecumenical Bishops Forum.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here