Literal na hagalpak sa tawa ang daranasin habang pinapanood ang pelikulang The Panti Sisters ni Jun Robles Lana.

Halata naman sa trailer pa lang ay ibibigay nito ang komedyang patok sa mga manonood. Paano ba naman ay maraming bagay dito ang nakarerelate sa lipunang Pilipino, lalo na kung ikaw ay isang bakla o may kakilalang bakla. Sa kabila ng kiliti nitong ibinigay, ano nga ba ang hatid na kabuluhan ng pelikula?

Kuwento ito ng pamilya “Panti” kung saan si Don Emilio na isang mayamang negosyante (halata naman dahil may “Don” talaga bago ang pangalan niya) ay may tatlong lalaking anak na sa kalaunan ay malalaman niyang mga bakla pala. Dahil sa hindi pagtanggap sa piniling kasarian ng mga anak, matagal nang hindi niya nakakasama ang mga ito, hanggang sa ipatawag niya sila isang araw. Muli silang nagtipon-tipon para ipabatid ni Don Emilio na mayroon siyang kanser at malapit nang mamatay. Binanggit niya na ibibigay niya na ang kanilang mana na nagkakahalagang P300 milyon (o tig-P100 milyon bawat isa) sa isang kundisyon: kailangan bigyan nila ng apo si Don Emilio.

Dahil sa ganoong premise ng pelikula, nagkaroon ng malawak at maraming posibilidad na mabaybay ang maraming karanasan ng iba’t ibang karakter sa pelikula na LGBTQ. Ang tatlong karakter, bagamat pawang LGBTQ, ay nabibilang sa magkakaibang antas pang-ekonomya sa lipunan, sa ibang komunidad sa tirahan o propesyon at iba-iba ring ekpsresyon ng piniling kasarian. Nagkaroon ng mas maraming suson ang tema dahil dito, gaya na lang sa mga eksenang kung paanong ang mayaman na anak ay nag-out sa magulang at pinalayas at binantaan na tanggalan ng mga luho habang ang anak sa labas sa Tondo ay nag-out sa mga kapitbahay na parang nasa pulong masa. Ang mahusay na paglinang ng premise at tatlong karakter ng pelikula ay binigyang pagkakataon na ang pelikula—sa gitna ng maraming katatawanan na minsa’y eksaherasyon pero may hinuha pa rin sa realidad—ay maging kapsula ng kalagayan ng mga LGBTQ sa ating bansa.

Dalubhasa sa pagtatahi ng karanasan ng mga LGBTQ ang lumikha ng pelikula. Ang iba’t ibang makukulay na anekdota at karanasan na nararanasan ng LGBTQ o nalalaman ng mga nakapaligid sa kanila ay mas pinalalim ang pag-unawa o pandama sa mga eksenang itinampok ito, gaya ng kung paano nga ba magsabi sa mga pamilya ng piniling kasarian, paano nadidiskubre sa sarili ang pipiliing kasarian, atbp. Sa mga hindi pa rin masyado nakakaunawa sa kaibahan ng sexual orientation at gender indentity, mahusay na naipaunawa ito sa pelikula.

Sa gitna ng maraming tawanan, mabibigat ang tema at isyung inatake ng pelikula: same-sex marriage at kung bakit mahalaga ang seremonya kahit hindi kinikilala ng batas, ang patriyarka sa lipunan kung saan maaaring maiuugat ang diskriminasyon, karahasan at krimen laban sa mga LGBTQ, pagkilala ng Diyos o relihiyon sa LGBTQ, at iba pa.

Ibinigay ng pelikula ang kuwentong swak sa kinakailangang pagkabatid ng publiko sa kasalukuyang kalagayan ng LGBTQ. Pinatawa man nito ang manonood, sinabay naman sa mga linyahan nila ang mga bagay na dapat malaman patungkol sa kanilang kasarian. Inihapag sa pelikula ang danas ng mga bakla mula sa kaligayahan ng pagtanggap sa kanila at sakit ng mga diskriminasyon sa loob man ng kanilang pamilya o sa labas ng kanilang tahanan.

Sa bandang dulo ng pelikula naman ay magkukusang pumatak ang mga luha sa paglalahad ng resolusyon. Parang nakakabaliw lang na matapos tumawa nang tumawa ay makakaramdam ng mabibigat na emosyon. Pero mainam kung maraming ganito ang mararamdaman sa pelikula, na maaaring senyales na maraming umuunawa at nais sumuporta sa mga LGBTQ.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here