Ito ang sinabi ni National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Renante Gamara sa idinaos na forum hinggil sa peace talks sa siyudad ng Marikina noong Nobyembre 24, 2016.

“Sa mga mamamayan, dapat makialam at aktibong lumahok sa mga isyu, magkaroon ng mga pagkilos para ang mga pinag-uusapan sa peace talks ay maipakita na kailangang kailangan na at maitulak ang gobyerno na lalong maging seryoso sa usapang pangkapayapaan.”

Nakabitin sa ngayon sa usapang pangkapayapaan ang pagtupad ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangakong pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.

Ayon sa tala ng Karapatan – Alliance for the Advancement of People’s Rights, umaabot sa 482 ang bilanggong pulitikal sa bansa sa ngayon. Sa bilang na ito, 130 ang may sakit, 103 ang nakulong nang higit sampung taon, 37 ang matatanda at 33 ang kababaihan.

Tinututulan naman ng NDFP ang balak ng gobyerno ng Pilipinas na pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal sa pagtatapos pa ng buong negosasyong pangkapayapaan sa pamamaraan ng amnesty. Sinabi ng grupo sa mga naunang pahayag na “magiging hostage ng usapang pangkapayapaan” ang mga bilanggong pulitikal kapag ganito ang ginawa ni Duterte, lalo pa’t hindi naman dapat sila nakulong.

Kamakailan lang ay nagsalita si Duterte ukol sa pagpapalaya sa mga matatandang bilanggo sa panahon ng Kapaskuhan para paluwagin ang mga bilangguan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng executive clemency.

Ibinahagi ng NDFP consultant na si Alan Jazmines ang mga pangyayari sa usapang pangkapayapaan sa isang pagtitipon sa Marikina noong Nobyembre 24, 2016. (Litrato ng Tudla Productions)
Ibinahagi ng NDFP consultant na si Alan Jazmines ang mga pangyayari sa usapang pangkapayapaan sa isang pagtitipon sa Marikina noong Nobyembre 24, 2016. (Litrato ng Tudla Productions)

Nakasalang din sa usapang pangkapayapaan ang ikalawa sa apat na substantive agenda na dapat lubusin ng dalawang panig, ang social and economic reforms. Ibinahagi ni NDFP peace consultant Alan Jazmines ang pagsusulong ng NDFP ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Aniya, kung maisusulong ang pambansang industriyalisasyon ay masusuportahan nito ang pagsisikap ng mga mamamayan gaya ng industriya sa sapatos ng Marikina. Ang industriya sa sapatos ng Marikina ay kinilala na isa sa dalawang tunay na industriyang Pilipino, ngunit hinarap nito ang lubos na paghina mula nang bumaha ang mga mumurahing produkto mula sa Tsina.

Dumalo sa nasabing peace forum si Mayor Marcelino Teodoro at Konsehal Manny Tarangka.

Nasa 200 ang dumalo na nagmula sa iba’t ibang organisasyon/paaralan kasama na ang Sto. Niño High School, Genuine Unity of Youth and Students (GUYS), Liga ng may Kapansanan, Anakbayan Marikina, Gabriela Marikina, Sumabay Marikina, Anak ng may Kapansanan at Magkakabuklod na Mamamayan ng Pasig (AKMMP), at People’s Initiative for Duterte Advocacy Campaign (PIDAC).

Naging posible ang peace forum sa pagtutulungan ng Makabayan Marikina, Metro Manila Duterte Movement (MMDM) at Office of the Mayor ng Marikina.

Mula sa ulat ni Jade dela Cuadra

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here