“Sino ang magbabayad sa required na COVID-19 testing?” tanong ni Sarah Prestoza, pangalawang tagapangulo ng BPO Industry Employees Network (BIEN).

Kinuwestyon ng grupo kung sino ang magbabayad sa mandatory COVID-19 testing sa mga manggagawa na inilabas na Joint Memorandum Circular ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) hinggil sa pagkontrol sa pagkalat ng virus sa lugar ng mga trabaho.

“Hindi naman lahat ng HMO ay covered ang COVID-19 at mayroon nang mga manggagawang nagpagamot sa COVID-19 na nagamit na iyong insurance nila para doon. Kung sa LGU naman, malalaman pa kung magiging prayoridad nila ito kasi sa dati ay mga may sintomas lang naman ang tine-test nila sa mga komunidad,” dagdag ni Prestoza

Anila, bagaman nakasaad sa memo na maaari itong sagutin ng PhilHealth, private health insurance o iyong mga health maintenance organization o HMO na bahagi ng binabayaran ng mga empleyado o maaaring iugnay sa mga lokal na pamahalaan, hindi direktang nakasaad sa mismong panuntunan na gobyerno ng sasagot sa iniutos nitong test sa bawat empleyado o manggagawa.

“Baka ang kauwian nito ay ang mga empleyado ang gagastos sa testing kada tatlong buwan na hinihingi ng DOLE at DTI,” ani Prestoza.

Ang mga empleyado sa manupaktura, pampublikong serbisyo sa economic zones sa Special Concern Areas ay kailangang magpa-test isang beses kada tatlong buwan.

Ang mga tinuturing namang Frontline at Economic Priority Workers, gaya ng high priority sector sa pribado at pampublikong sektor, mataas ang pakikisalamuha sa publiko, nakatira sa Special Concern Area ay kailangang magpa-test isang beses kada 4 na linggo. Kasama rito ang mga empleyado sa transportasyon at lohistika, pagbebenta ng pagkain at iba pang produkto, edukasyon (kung mayroon nang face-to-face na klase), serbisyong pampinansya, iba pang serbisyo, manininda sa palengke, manggagawa sa konstruksyon, at mas midya.

Nakasaad sa memo ng DOLE at DTI na ang mga empleyado sa hospitality at turismo sa El NIdo, Boracay, Coron, Panglao, Siargao at iba pang tourist zone na idedeklara ng Department of Tourism ay kailangang magpa-test isang beses kada 4 na linggo.

Sa online press conference na isinagawa ng BIEN noong Agosto 18, ibinahagi rin nila ang kanilang pagkabahala sa taas ng bilang ng mga call center agents na nagpositibo sa COVID-19.

“Marami pa rin sa kanila yung walang contact tracing, nasaan yung unit ng gobyerno na dapat natin singilin?” tanong ni Prestoza.

Noong nakaraang linggo, nagsalita ang grupo hinggil sa dumaraming kaso ng COVID-19 sa 15 call center.

“Kung noong simula pa lang noong Marso ay ginawa na ng gobyerno ang libreng mass testing at epektibogn contact tracing, hindi sana mangyayari ang hindi makontrol na pagkalat ng COVID-19 sa mga BPO,” ani Prestoza.

Dumalo rin sa press conference ang nanay ng isang namatay na BPO worker mula sa Bacolod. Binahagi nito na nagkaroon ng sintomas ng COVID-19 ang anak niya, tapos nang pumanaw ay dineklarang namatay sa COVID-19 sa kabila ng hindi pa naman lumabas ang resulta na may COVID-19 nga ito.

Isa pang empleyado ng BPO ang nagrereklamo sa hindi pagsunod ng kumpanya nito sa mga naung panuntunan ng DOLE at DTI at ngayo’y mayroon nang 120 kaso ng COVID-19 sa kanyang kumpanyang pinagtatrabahuhan.

Nireklamo rin ng BIEN ang kawalan ng ayudang pampinansyal mula sa gobyerno para sa mga empleyado ng BPO.

“Nagbabayad kami ng tax, hindi kami kasama ayuda, para saan yung tax na binabayad namin?” tanong ni Prestoza.

Binahagi naman ni Mylene Cabalona, tagapngulo ng BIEN, na bago pa ang SONA ni Pangulong Duterte sila’y naghain na ng tatlong kahingian para sa kaligtasan ng mga BPO workers sa bansa sa gitna ng pandemya.

“Una, dapat ma secure ang trabaho ng mga BPO workers sa ganitong pandemic, no to floating status at sana magkaroon ng ayuda para sa mga BPO workers. Never kami naging qualified sa SAP or any government assistance,” pahayag ni Cabalona.

Nais din nilang magkaroon ng kasiguruhan para sa kanilang kaligtasan at kalusugan.

Ani Cabalona, “Pangalawa, safety and health pag pumapasok hindi naming alam kung sino mag shoulder ng swab test, walang contract tracing at walang quarantine facilities.”

“Pangatlo, yung panawagan naming na occupational health and safety committee which would guarantee na nache-check ang mga companies, kung na-follow ba nila [ang] basic safety measures,” pagtatapos ni Cabalona.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here