“Pinapatunayan lamang ng tagal, napakaraming pasikut-sikot at paggamit ng teknikal na teminong ‘archive’ para lokohin ang taumbayan. Hindi interes ng Senado na pagbayarin si Sara Duterte sa kaniyang pagkakasala,” ani Alwen Santos ng Bagong Alyansang Makabayan National Capital Region (BAYAN NCR).
Kinondena ng BAYAN NCR ang pag-archive ng Senado hinggil sa impeachment case laban kay Vice President (VP) Sara Duterte.
Pananabotahe sa pananagutan
Sa botong 19 pabor, 4 na tutol at isang abstain, ibinasura ng Senado ang kaso gamit ang terminong “archive”. Isa si Sen. Rodante Marcoleta sa mga pangunahing nagtulak ng motion to dismiss, na kalauna’y naging motion to archive, sa naturang impeachment case laban kay VP Duterte kaugnay desisyon ng Korte Supremakung saan idineklarang void ab initio ang kaso dahil sa sinasabing “one-year bar” noong Hulyo 25.
Ngunit walang tiyak na probisyon sa Saligang Batas na nagsasabing awtomatikong walang bisa ang ganitong kaso; gayumpaman, pabor ang mayorya ng mga senador kabilang ang mga alyado ng dating Pangulong Duterte at kasalukuyang Pangulong Marcos Jr na sina Alan Peter at Pia Cayetano, Sherwin Gatchalian, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Bong Go, Imee Marcos, Loren Legarda, Lito Lapid, Camille at Mark Villar, Raffy at Erwin Tulfo, Bato dela Rosa, Robin Padilla, at iba pa.
Pinuna naman ito ng ibang mga mambabatas tulad nina Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Pic Lacson, Vicente Sotto, at Bam Aquino na naglinaw lalo pa’t wala pang pinal sa ruling ng Korte Suprema bago gumawa ng desisyon ang Senado.
Pagpapatuloy ng laban
“Mapanlinlang ang sinasabing ‘archiving’ lalo’t ang tunguhin lamang talaga nito ay ang kawalan ng pananagutan para kay Inday Lustay,” ani Santos.
Ang naturang impeachment complaint ay inihain pa noong Disyembre ng ilang mambabatas partikular ang Makabayan bloc at iba pang progresibong grupo para sa pananagutan si VP Duterte bunsod ng kanyang paglustay sa higit P650 milyong confidential and intelligence funds mula pa 2022. Ngunit Pebrero na lamang ito sinimulang talakayin sa Senado at ilang ulit pa itong naantala. Sa huli, inasa na lamang ng Senado ang desisyon sa Korte Suprema, na nitong Hulyo lamang ay naglabas ng pasya para ibasura ang kaso.
“Hindi na nakagugulat kung paano garapalang pinatay ang impeachment ni Inday Lustay dahil tukoy nating kalakhan naman ng mga mahistrado sa Korte Suprema ay mga itinalaga ng dating Pangulong Duterte,” dagdag pa ni Santos.
Bnatikos din niya ang Korte Suprema maging ang administrasyong Marcos Jr. na “nananatiling pipi at bingi” hinggil sa kaso sa kabila ng matinding panawagan ng mamamayan.
“Parehong Supreme Court, Senado at si Marcos mismo ang nagbalewala sa ating demokratikong karapatan na magpatalsik ng magnanakaw sa gubyerno,” ani Santos.
Muling nananawagan ang BAYAN NCR sa mga tagasuporta at kaalyadong organisasyon na patuloy na kalampagin ang Senado, Korte Suprema, at lansangan upang lalong palakasin ang pagmumulat, pagpapakilos, at pag-oorganisa sa mamamayan sa gayon ay agaran nang maitulak ang impeachment laban kay VP Duterte.
“Kagaya ng mga nauna nating pagkilos upang patalsikin ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr., alam natin na tanging sa sama-samang pagkilos ng mamamayan makakamit ang hustisya,” giit ng grupo.




























