Naglunsad ng serye ng mga kilos protesta ang iba’t ibang progresibong grupo upang kundenahin ang naging desisyon ng Senado na i-archive ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte noong Agosto 7.
Matatandaan noong Pebrero ay bumoto ang House of Representatives pabor sa impeachment, subalit pagdating sa Senado ay nanatili itong nakabinbin ng higit anim na buwan kasunod ang hatol ng Korte Suprema na “unconstitutional” ang naturang impeachment complaint.
Sa kahabaan ng Quezon Memorial Circle, nagprotesta ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) bitbit ang anilang timbangan ng hustisya na sumisimbolo sa burukrasya sa Korte Suprema, Senado at administrasyong Marcos Jr. hinggil sa pagiging mas matimbang ng korapsyon ni Sara kaysa sa katotohanan.
“Ito ay mga traydor sa taumbayan, mga traydor sa sambayanang Pilipino, inuna ang pansariling interes, ginagamit ang tinatawag nilang rule of law hindi para sa taumbayan, kundi para sa kanilang makasariling interes at para protektahan si Sara Duterte!” ani BAYAN secretary general Mong Palatino hinggil sa mga senador na bumoto pabor sa archiving.
“Gusto nilang makalimutan natin ang P612.5 million in confidential funds.” saan naman ni Kabataan Partylist representative Atty. Renee Co ng Kabataan Partylist. Aniya, kaysa sagutin kung saan napunta ang pera na sana napunta sa pagpapaaral ng mga kabataan o sa pangkalusugan, napunta lamang ito kay Mary Grace Piattos.


Kaugnay nito, sinundan pa ng isa pang kilos-protesta kinahapunan sa pangunguna naman ng BAYAN National Capital Region sa kahabaan ng España Blvd. sa Maynila.
Iginiit naman ni Mhing Gomez mula sa Anakbayan na walang karapatang manawagan sa rule of law ang mga Senador na sangkot sa mga iligal na gawain. Aniya, isang rule of impunity at rule of power ang dahilan kung bakit patuloy nananatili sa bulok na sistema ang bansa.
“Sino ang mga senador na ito para manawagan sa rule of law kung sila mismo ang numero unong kriminal?” aniya.
Para naman kay Alwen Santos ng BAYAN NCR, binaliwala ng Senado at Korte Suprema ang karapatan ng taumbayan para singilin at panagutin ang mga opisyales na nagkasala.
Aniya, napatunayan na ng kasaysayan ng bansa ang kakahayan ng taumbayan pagdating sa pagpapatalsik at paniningil ng mga opisyales mula sa diktadurang Marcos Sr., hanggang kay noong dating Pangulong Erap.
“Pinatunayan na natin sa kasaysayan ng ating pakikibaka na nagawa ng sama-samang pagkilos ng mamamayan na magpatalsik ng isang diktador na presidente,” ani Santos.
Sa Agosto 8 ay tutungo sa Korte Suprema ang Makabayan Bloc upang maghain ng motion for reconsideration kaugnay sa naging hatol ng korte hinggil sa impeachment. Ang mga inihain na motion for reconsideration ay dedesisyunan sa Agosto 12 na sasabayan din ng pagkilos ng mga grupo.





























