Sa gitna ng bukid sa isang simpleng bayan sa isang hindi pinangalanang probinsya nananahan ang isang ekstraordinaryong nilalang na si Lola Igna. Ekstraordinaryo sa unang tingin at sabi, sapagkat sino lang ba ang nakaabot ng 118 taong gulang sa panahon ngayong lubhang mababa na ang pamantungang edad ng buhay ng tao (nasa 69 na lang yata sa Pilipino) dahil sa modernong mundo at pagbabago sa ating pamumuhay. Sariwang hangin, sariwang pagkain lang, sabi ni Lola Igna, ang kanyang sikreto. Pero mas ekstraordinaryo dahil sa naging buhay niya.

Maraming nakakaakit at dramatikong elemento ang pelikulang Lola Igna na kung minsa’y mahirap nang sumukat, at mas mainam na lang sumandal, langhapin ang sariwang simoy na alay ni Eduardo Roy, Jr. sa kanyang ikatlong pelikula.

Habang tila paupos na ang lakas at buhay kay Lola Igna, malago at masagana ang halamanan sa kanyang paligid. Larawan ng laging sumisibol na buhay at pagbibigay-buhay. Gaya mismo ng pangunahing tauhan ng pelikula. At sa hinaba ng buhay ni Lola Igna, mapait bagamat matamis, na hindi pa rin tapos ang pagbibigay-buhay at pagkalinga ni Lola Igna sa mga bagong henerasyon hanggang sa hindi pa nalalagot ang kanyang hininga. Maaaring talinghaga na rin kung paanong ang pagmamahal ng ating mga lola ay naghahabi sa ating buhay habang sila ay nandito at kahit sila ay mawala man sa mundong ito.

Bagamat ekstraordinaryo ang mabuhay ng 118 taon, si Lola Igna ay katulad ng marami sa ating mga lola. Matanda na, pero matalas ang pandama, singtalas ng kanyang dila. Prangka na, lipas na sa kanya ang mga karaniwang pagpitagan, pero hindi bastos. Ang mga banat niya ay nakakatawa, katamtamang nakakasakit, sinasabi na lang ang payak na katotohanan sapagkat wala na siyang pakundangan sa mga moral na sensibilidad, pero naniniwala pa rin sa mga pangitain. Tuwing sasabihin niyang ‘gusto na niyang mamatay,’ nakakaiyak na nakakatawa kasi hindi ba’t maaari namang pagbigyan na natin siya, ngunit sa isang banda wala namang kasinglungkot ang mawalan ng mahal sa buhay.

Bagamat mahirap ang pamilya maging ang buong bayan, hindi kahirapan ang sentral na tema o usapin sa pelikula. Nakinabang ang bayan sa paghahabol ng titulong pinakamatandang nabubuhay sa buong mundo para kay Lola Igna, ngunit hindi naman nang-aabuso ang pamilya ni lola maging ang mga kabaryo. Sila’y mga mamamayang binayaan ng pamahalaan kung kaya’t lubhang atrasado pa rin ang bayan, ngunit sa kanilang sarili’y nagsikap mabuhay.

Tila walang kontrabida at walang salungatan kundi ang hinihintay na kamatayan, kaya hindi inaasahan ang sasapitin ni lola sa dulo. Banayad ang paglalahad sa mga pangyayari, parang ang payak na buhay ni lola sa araw-araw, pero sa tuwi-tuwina’y maraming kurot sa dibdib, maraming paglalarawan na malapit sa tunay na buhay na makakaugnay ang mga manonood.

Ipinakita nito kung paano matatagpuan ang kabaitan at pakikipagkapwa saanmang lugar at kalagayan sa buhay. At ekstraordinaryo man ang premise na isang lola na 118 taong gulang, ang mga mas unibersal na tema sa pelikula ang mas titimo – payak na pamumuhay, pagsisikap sa anumang sitwasyon sa buhay, at pagmamahal sa pamilya.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here