Kaakibat ng pagdudoktor ay ang iba’t ibang espesyalisasyon—mayroong doktor sa puso, doktor sa mata, doktor ng mga bata, atbp. Si Dr. Israel Bactol ay isang batang cardiologist na isa sa mga unang nasawi sa gitna ng laban upang sugpuin ang COVID-19. Ngunit higit sa pagiging doktor sa puso, si Israel ay isang doktor ng masa.

Maaari niyang piliing magtrabaho sa isang sikat o prestihiyosong ospital at doon magpakadalubhasa matapos siyang gumradweyt sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at maging isang ganap na doktor noong 2012, ngunit pinili ni Israel ang isang daan na iilan lamang ang naglalakas loob na tahakin. Si Israel ay umalis ng Maynila at tumungo sa Occidental Mindoro kung saan siya ay nagsilbi bilang doktor sa mga baryo sa loob ng dalawang taon.

Mula sa Mindoro, nagpatuloy ang kanyang pagpupursige na maging doktor ng mga naghihikahos sa buhay. Kahit na siya ay puyat mula sa tatlumpu’t dalawang (32) oras na duty sa ospital, si Israel ay binibisita pa ang kanyang mga pasyente sa kanilang mga tahanan dahil hindi abot ng kanilang mga bulsa ang magpunta sa ospital.

“He would even take it out of his own time to look for medicines for his patients. He would talk to his contacts, for example, in the pharmaceutical field,” ayon pa nga kay Dr. Tom-Louie Acosta, isa sa malalapit na kaibigan ni Israel at kasamahan niya sa Premiere Medical Center, Cabanatuan City.

[Gagawin niya sa sarili niyang oras iyong maghanap ng gamot sa mga pasyente niya. Kakausapin niya yung mga contact niya, kunwari, sa larangang parmasyutiko.]

Nag-aalab ang kanyang puso na ilapit sa masa ang kanyang propesyon.

Si El sa kanyang mga mga kapamilya at mahal sa buhay ay isang tao na ang kasiyahan ay ang isang simpleng buhay.

“Ayaw niya ng masyadong luho…,” aniya pa nga ni Dr. Lerma Iglesia, kasintahan niya nang dalawang taon.

Naaalala pa nga raw niya noon na niligawan siya nito ay napakatorpe ng doctor. Dinaan daw niya si Dr. Lerma sa pamamagitan ng pagluluto ng mga pagkain at pagdadala sa kanya nito sa ospital kung saan siya naka-duty.

“Steak, sinigang, iyan ang mga niluluto niya para sa akin…,” ayon kay Iglesia.

Bagamat hindi mabulaklak magsalita si El, sobra-sobra naman ang pagpaparamdam niya ng pagmamahal sa mga taong nakapaligid sa kanya sa paraan kung paano niya sila alagaan.  Nang makapag-ipon nga ito ay agad niyang ibinili ng oven ang kanyang ina dahil tanda niya na gustong mag-bake nito noong sila’y mga bata pa.

Tatlumpu’t apat na taon—bagamat maikli, naging makabuluhan ang buhay ni Dr. Israel Bactol sa pag-aalay ng kanyang lakas at oras para sa kanyang mga mahal sa buhay at pagsisilbi sa kapwa.

Maaaring pumanaw na nga si Israel ngunit mananatiling immortal sa puso at diwa ng mga taong nagmamahal sa kanya ang mga ala-ala ng kabutihan ng kanyang kalooban.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here