Kinundena ng BAYAN Manila ang “lantarang paniniktik” sa kanilang opisina at mga myembro ng mga nagpakilalang kapulisan ng Manila Police District Station 4 sa Sampaloc.

“Sa gitna ng krisis pangkalusugan na kinakaharap ng bansa ay abala ang gubyernong ito na lantarang mang-harass ng mga organisasyon at indibidwal na nagsusulong ng interes ng mamamayang Pilipino. Ito ang mukha ng military lockdown ni Duterte bilang solusyon nya sa COVID19, pasismo at pananakot sa mamamayan sa halip na magpatupad ng solusyong medikal at sosyo ekonomikong plano para sa taong bayan,” pahayag ng BAYAN Manila.

Bandang alas-6:40 ng gabi ng Marso 29, dalawang nagpakilalang pulis na sina PSSG. Arnel Pornillosa at PCPL Teodirico Serrano ang nagpunta sa opisina ng BAYAN Manila sa 1822 Honradez, Sampaloc Manila.

Nagpakilala ang dalawa na mula sa Manila Police Station 4 Intel Operative Department at nagtanong kung para saan ang Donation Drive Campaign at Mass Testing na naka-post sa Facebook page ng BAYAN Manila.

Tinanong din nila kung sino si Kiro Deinla na nakalagay na contact person sa nasabing pagkalap ng donasyon.

Nai-post ang ‘call for donations’ noong Marso 29 bago magtanghali, o may 6-7 oras pa lamang bago ang pagpunta ng dalawang pulis sa opisina ng BAYAN Manila.

 

CALL FOR DONATIONS! Mahigit dalawang linggo na ang nakakalipas simula nang ipatupad ni Duterte ang lockdown bilang…

Geplaatst door BAYAN – Manila op Zaterdag 28 maart 2020

 

Ayon sa pahayag ng BAYAN Manila, nakasibilyan ang mga nagpakilalang pulis. Tumanggi rin ang dalawa na makuhanan ng litrato.

“Nang tanungin bakit sila nakasibilyan at hanapan ng ID ng mga nasa opisina, ang sagot nila ay intel operation naman daw ang ginagawa nila kaya hindi nila kailangang mag-uniporme. Hinahabol daw nila ang nagpapakalat ng mga fake news at mga pekeng donation relief effort,” saad ng pahayag.

Ang binanggit na presinto ng mga pulis ay nasa kalye ng G. Tuazon sa Balic-Balic, malapit lang sa opisina ng BAYAN Manila.

“Hindi kaila sa mga residente ng Barangay 446 at sa mga kapulisan sa Presinto 4 ang matagumpay na relief operation noong panahon ng Tulong Taal na ginanap sa opisina ng Bayan Manila kaya kalokohan na tiktikan at harassin ang opisina at mga myembro dito at pagdudahang nagpapakalat ng fake news at naglulunsad ng pekeng relief effort,” giit ng grupo.

Iniulat na ng grupo sa mga grupo sa karapatang pantao ang insidente.

Nakakulong naman sa mga “gawa-gawang kaso” ang mga myembro ng BAYAN Manila at mga kasaping grupo nito simula Nobyembre 5, 2019 na sina Ram Carlo Bautista, BAYAN Manila PSC Director, si Ina Nacino ng Kadamay Manila at Alma Moran na Manila Workers Unity Educational Staff. Ni-raid ng kapulisan ang opisina ng BAYAN Tondo kasunod ng mga raid sa mga opisina ng mga ligal na grupo at aktibista sa Negros at Maynila na isinagawa mula katapusan ng Oktubre hanggang unang linggo ng Nobyembre sa panahong ito. Sinampahan sila ng mga kasong illegal possession of firearms na galing sa umano’y mga tanim na ebidensya. Kasalukuyan silang nakapiit sa Manila City Jail.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here