Ito ang mensaheng paulit-ulit na idinidiin ng mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, mga consultant ng National Democratic Front of the Philippines, sa peace forum na isinagawa sa Pasig City Library, Setyembre 23.

“Importante na lahat ng makabayan, demokratiko at elementong sinserong naghahangad ng mga batayang reporma kaugnay ng makatarungan at matagalang kapayapaan na patuloy na kumilos, patuloy na dalhin sa mas marami pang mamamayan ang mga layunin at prinsipyo ng makatarungang kapayapaan,” ani Benito.

Inilahad ng mga Tiamzon na paborable ang sitwasyon ngayon sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte para maipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan, kaiba sa mga nagdaang administrasyon.

“Back on track ang peace talks, hopefully magkaroon ng breakthrough sa mga mayor na usapin. May atmosphere ng goodwill, mutual trust at confidence,” pagbabahagi ni Benito.

Ang huling mayor na kasunduang pangkapayapaan ay nalagdaan noong pang kakaupo pa lang ni Pangulong Joseph Estrada. Itong kasunduang ito ay ang Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), ang una sa apat na substantive agenda na laman ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas (GRP) at NDFP.

May apat na substantive agenda na tatalakayin nang sunod-sunod, tungo sa layuning matugunan ang ugat ng armadong paglaban ng mamamayan, paliwanag ng mga NDFP consultants.

“Dahil may magandang sitwasyon ngayon para palakasin ang tunguhing makabayan at demokratiko, dapat gawin ang abot ng makakaya para samantalahin ang mga oportunidad na ito. Anuman ang mangyari ay nasa pusisyon ang mamamayang makakilos nang ayon sa pinakamainam ang kabuuang layuning makamit ang makatarungan at matagalang kapayapaan, kasama na ang mga batayang repormang matagal nang hinahangad ng ating bayan,” tugon ni Benito sa tanong kung anong scenario ng usapang pangkapayapaan matapos ang pamumuno ni Pangulong Duterte.

Hindi rin daw maiaalis ang mga biglang pihit na maaaring magtapos sa kasalukuyang usapang pangkapayapaan, lalo pa’t kinikilala ng NDFP na mahirap ang mga susunod na usapin.

Nakasalang sa pagpapatuloy ng peace talks sa Oktubre 6-10 sa Oslo, Norway ang pagsisimula sa pagtalakay ng dalawang panig sa mga panlipunan at pang-ekonomiyang reporma.

Tinataya ng NDFP na lalala ang mga kontradiksyon sa loob at labas ng administrasyong Duterte kapag nailatag at ipapatupad na ang mga nasabing reporma na kinabibilangan ng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal, pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon, karapatan sa trabaho at disenteng sahod at kundisyong paggawa, at iba pa.

“Sa pinakamasamang sitwasyong pwedeng mangyari, pwede talagang sagasaan ang mga kasalukuyang kasunduan. Silang mga nasa poder pwede nilang sagasaan ang kanilang mga sariling batas para itaguyod ang kanilang interes. Sa pinakamasamang pwedeng mangyari, tuloy ang laban,” ani Wilma.

act-peace-forum
Pangunahing tagapagsalita ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, mga konsultant ng NDFP, sa peace forum sa Pasig noong nakaraang Setyembre 23, 2016.

Minarkahan ng aktibidad na ito ang muling pagbabalik ng mga Tiamzon sa lungsod Pasig kung saan sila nagtapos ng hayskul. Huling nakatuntong ng Pasig ang mag-asawa 30 taon na ang nakalipas. Sina Benito at Wilma ay nagkakilala at naging magkasintahan sa Rizal High School, kinikilalang isa sa may pinakamalaking populasyon ng estudyante sa bansa.

Ang peace forum ay dinaluhan ng 250 guro at mga estudyante mula sa lungsod Pasig.