Sana all. Ito ang nasasambit o di kaya’y maririnig sa tuwing magbubukas ng social media, laman ang mga larawan na nagsisilbing batayan ng ganda sa ating lipunan.

Ang pagkakaroon ng makinis na balat, mababang timbang, at makisig na pangangatawan ay ilan lamang sa mga katangiang hinahangad ng isang ordinaryong mamamayan. Ngunit sa halip na umayon sa isang pamantayan na kumukulong sa likas nating pagkakaiba, bakit hindi na lamang ito magsilbing panawagan upang ipagdiwang ang lahat ng uri ng ganda?

Noong ika-10 ng Agosto, naglabas ang isang beauty clinic ng isang maikling patalastas na tampok ang isang babaeng tila nag-iba ang anyo habang nanonood ng mga balitang kaugnay sa pandemya. Umani ito ng kaliwa’t kanang pambabatikos mula sa mga tao dahil sa insensitibo umano nitong nilalaman.

Tampok sa palabas ang karikatura ng pagkakaroon ng tigyawat, labis na paghaba ng buhok sa kilay at kili-kili, pagbigat ng timbang, at pagkakaroon ng dark circles sa ilalim ng mga mata.

Itinuturing ito ng kumpanya na epekto ng pandemya sa itsura ng mga tao na marahil ay dulot ng matinding stress sa mga kaganapan at kawalan ng panahon upang pangalagaan ang sarili.

Ngunit ang talim sa patalastas na ito ay nakatarak sa pagdidikta sa kung ano ang katanggap-tanggap na itsura lalo ngayong kinakaharap ng bansa ang krisis na dulot ng pandemya. Lalo lamang nitong binabawasan ang kapanatagan ng mga tao sa kanilang mga sariling pagkakakilanlan.

Isa ang Pilipinas sa mga bansang may matinding pagpapahalaga sa ganda. Makikita ito sa laganap na kultura ng beauty pageants sa parehong panlalawigan at pambansang antas. Kaya’t hindi maitatanggi ang pagkakaroon ng pamantayan na sinasang-ayunan ng karamihan pagdating sa kagandahan.

Sa bansa, ehemplo ng kagandahan ang pagkakaroon ng maputing balat, makinis na kutis, at balingkinitan o makisig na pangangatawan. Ang sensibilidad na ito hugot sa Kanluraning batayan ng kagandahan, bakas ng daantaong pagkaalipin at pagkasakop ng Kastila at Amerikano sa bansa.

Subalit ang pagpapanatili sa pisikal na itsura at kalusugan ay isa sa mga matinding naapektuhan ng hindi matapos-tapos na pandemyang kinakaharap ng bawat isa. Bukod kasi sa kailangan mong maghanap ng sapat na mapagkukunan ng kabuhayan, hindi mo rin maiiwasang isipin ang mga nangyayari sa iyong kapaligiran. Kaya’t masasabi ngang insensitibo, wala sa lugar, at hindi akma sa panahon ang patalastas.

Malaking papel ang ginagampanan ng midya sa pagpapalawig ng kultura, kaugalian, at mga paniniwala sa mga tumatangkilik nito—ang taumbayan.

Sa araw-araw na laman ng balita, mapapagtanto kung ano ang mga dapat gawin, ano ang mga bagay na napapanahon, at ano ang mga hindi katanggap-tanggap sa lipunan ngayon. Kaya’t sa pagtatampok ng isang imahe na siyang nagsisilbing pamantayan sa kung ano ang katanggap-tanggap, malaking impluwensiya o pagkukundisyon ng isip ang dulot nito sa mga manonood, lalo na sa mga kabataan. Na tila’y nilalayo tayo sa pangunahing suliranin natin sa kasalukuyan.

Sinasakyan nito ang mga kahinaan at kinamumuhiang katangian ng mga tao sa kanilang mga sarili upang hikayatin silang magpaganda.

Ang desisyon ay nananatili sa may-ari ng katawan at hindi dapat panghimasukan ng opinyon ng iilan. Lahat tayo ay magkakaiba sa larangan ng hugis, anyo, kakayahan, at maging sa pinaniniwalaan.

Ang persepyon ng kapangitan ay hindi epekto ng pandemya bagkus ng isang mapanghusgang lipunan na nakakahon sa pamantayang itinatampok sa midya.

Malaki ang gampanin ng midya sa pagpapahayag ng mahahalagang mensahe lalo na sa panahon ng pandemya. Sa panahong dinaranas ng lahat ang mabigat na epekto nito sa ekonomiya, kalusugan, at pang-araw-araw na buhay, ang kailangan ng mga tao ay kapanatagan at hindi pambabalahura sa kung ano ang nakikita ng mata.

Sana all? Sana all-isin na ang pamantayang nagdidikta sa kung ano ang katanggap-tanggap na itsura sa harap ng lipunan. Ang katawan ng tao ay hindi katatawanan, ito ay nirerespeto anuman ang anyo at hugis.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here