Ang kalatas na binabasa mo ngayon ay tungkol sa sining at kultura. Ang mensaheng nilalaman nito ay naglalayong makatulong sa pagbibigay-reaksyon at paglilinaw hinggil sa pamamaraan ng pagmumulat at pagbubukas sa isip ng masa tungkol sa umiiral na sining at kultura.

Sining

Ang paniniwala ng ilan, walang ipinag-iba (o pareho lang daw) ang sining at kultura. May pagkakamali sa ganitong paniniwala sapagkat ang musika, sayaw, teatro, brodkast, panitikan, sining biswal at arkitekto ay mga sangkap ng sining na siyang nagpapagalaw sa ating mundo. Kung wala ang sining, mistula tayong nasa isang maliit na isla, nakatunganga sa kawalan na ang naririnig lamang ay ang huni ng mga ibon at pagaspas ng hangin sa kapaligiran. Kaya napakahalaga ng sining sa ating buhay at pagkatao.

dscf7330
Mga painting na nagsasalarawan ng mga hangarin ng mamamayan na nilikha ng Ugatlahi, Karatula at Tambisan sa Sining para sa unang SONA ni Pangulong Duterte. (Manila Today photo/Chantal Eco)

 

Magkakaroon lamang ng silbi ang anumang likhang sining kung ito ay naglalaman ng mga makabuluhan at makabayang mensahe na naglilingkod sa interes at kapakanan ng masa, ng sambayanan, ng mga bumabasa, nakikinig, nagsusulat at nanonood sa kani-kanilang mga obra. May bukol sa singit ang kokontra dito!

Kultura

Ang kultura at kaisipan ng isang tao ay mahigpit na magkaugnay at hindi puwedeng paghiwalayin.

“Kapag binabago mo ang kultura ng isang tao, kasabay mong binabago ang kaniyang kaisipan.”

Kapag kultura ang paksa ng usapan sa mga umpukan, laging tumatampok ang mga tradisyong umiiral at namamayani sa ating lipunan – ang mga nakamulatan, nakaugalian at ginagawa pang panata ng ilang tao. Buhay na halimbawa nito ang kultura’t kaisipang dinala sa atin ng mga Kastila at Amerikano nang tayo ay kanilang sakupin sa napakahabang panahon.

Halimbawa nito ay ang mga araw ng masayang Kapaskuhan at Kapistahan, lalo na’t kadalasan ay nangungutang para makapaghanda lang. Tampok din dito na kapag nakagagawa naman ng kung anu-anong kamalian ay itinuturing nila itong isang kasalanan. Kaya’t ang mga tao ay lumuluhod para personal na humingi ng tawad sa Diyos.

Matalino ang masa. Kapag inugat mo sa kanila ang pinagmulan ng ganitong kultura ay madulas na mabubuksan ang kanilang kaisipan na ang katotohanang “nang ibinihag ng mga dayuhan ang ating bayan ay binihag na rin nila ang kultura’t kaisipan ng ating mga ninuno.”

Pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos

Sa panahon ng pagmumulat, kailangan nating basagin ang kultura at mga tradisyong hindi naglilingkod sa interes ng sambayanan. Kailangan nating basagin ang mga nakalakhan at nakamulatan ng masa upang mapalaya ang kanilang kaisipan. Mahalaga itong mga sangkap sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa upang makatuwang at makasama natin sila sa pakikibaka para sa pagpapalaya ng bayan.

Tandaan: ang pagmumulat ay hakbang-hakbang. Hindi pabigla-bigla. Saanman, kailanman.

Dapat nating ilantad ang lumang kultura at kaisipang isinaksak sa atin ng imperyalismong Amerikano, kolonyalismong Espanyol at iba pang sumakop sa ating bansa. Patampukin natin ang kultura at tradisyon ng mga manggagawa na ipinagdiriwang tuwing sumasapit ang unang araw ng Mayo; ang kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, bilang ama ng rebolusyong Pilipino at iba pang nag-alay ng buhay para sa paglaya ng bayan; ang pandaigdigang araw ng pagkakatatag ng mga rebolusyunaryo at mga progresibong organisasyon. Kailangan natin silang ipagdiriwang sapagkat ang mga tradisyong ito ay nagmula sa kaisipan ng mga rebolusyunaryo na nagiging kultura na rin ng samabayanang Pilipino at mamamayan ng daigdig na naghahangad ng tunay na pagbabago.

12314614_1063890960288841_3901263114836957286_o
Gumanap bilang Andres ang isa sa kasama sa rally para gunitain ang Araw ni Bonifacio noong Nobyembre 30, 2015. (Tudla Productions photo)

Gawin nating magandang halimbawa ang pang-araw-araw na ginagawa at nalilikha ng mga manggagawa, ng mga magsasaka, ng mga intelektuwal at mga pangkaraniwang tao na siyang bumubuo ng 70 porsiyento ng ating lipunan. Mahalagang maidetalye sa masa ang taglay nilang kultura’t kaisipan at patampukin ang kanilang pagiging malikhain at hindi palaasa. Lingunin ang interes ng dalawang porsiyentong walang problema sa usaping pangkabuhayan pero nababalot ng pangamba ang kanilang kaisipan. Habang ang isang porsyento naman ay kampante sa tronong kanilang kinalalagyan. Nakaupo sa mga silyang de gulong na gumegewang-gewang at nakatakda nang bumulusok pabagsak, bunga ng nagaganap na tunggalian ng mga uri sa isang lipunan.

Kapag hindi naging malalim ang gagawing pagtalakay nito sa hanay ng masa ay tiyak na mababaw ang maaabot ng kanilang kaalaman sa usapin ng kultura’t kaisipan at lalong titindi ang kirot ng bukol mo sa singit.

xe2b1711
Martsa ng mamamayan para salubungin ang unang 100 araw ng panunungkulan ni Pangulong Duterte. (Manila Today photo/Chantal Eco)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here