Tunay na nakatataba ng puso masaksihan ang nag-uumapaw na tulong na ipinararating ng mga karaniwang Pilipino mula sa iba’t-ibang sektor, samahan at mga organisasyon, unyon, paaralan, kumpanya at mga relihiyoso para sa kapwa Pilipinong apektado ng pagputok ng Bulkang Taal.

 

BALSA NG TULUNGAN

Nitong Enero 23, 2020, katuwang ang daan-daang Pilipinong nagmamalasakit, naglunsad ang BALSA (Bayanihan Alay sa Sambayanan ng Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN) ng relief operations sa Tanauan City College Evacuation Center sa Brgy. Trapiche, Tanauan City Batangas na tumugon sa ilang pangangilangan ng 355 na pamilyang naroon.

Alas-10 ng umaga, nakarating sa  evacuation center (EC) na may convoy ng 8-9 na sasakyan kabilang ang trak na nagkarga sa mga relief packs. Pagdating sa lugar,  agad nakipag-ugnayan ang grupo sa camp manager na si G.Michael Lirio na siya ring presidente ng kolehiyo. Maayos ang pamamalakad sa evacuation center. Mayroong maayos na sistema at iskedyuling sa mga nais magpaabot ng tulong gaya mobile kitchens, mga medical missions. Maayos rin ang sistema ng pangangasiwa na ipinatutupad para sa mga gawain sa EC sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga floor leaders, cleaning leaders at mobile kitchen teams mula sa hanay ng evacuees mismo.

Naging maayos at mabilis ang relief operations. Bago ipinamahagi ang mga relief goods, bandang ala-una ng hapon, nagkaroon muna ng maikling talakayan hinggil sa Bulkang Taal sa pangunguna ng Agham group.

Ang laman ng bawat BALSA family relief pack: 5 kilong bigas, 3 delata, mga biscuit at noodles, 3 pirasong sipilyo, toothpaste, sabon, shampoo, napkin, 3 panty, 2 brief, banig, kumot at 4 na galon ng tubig, kasama ang ilang diapers para sa may mga sanggol o maliliit na bata.

Organisado at maayos ang mismong pamamahagi ng relief goods Sa tulong ng mga floor leaders, hinati sa tatlo ang distribution, at wala pang 30 minutes tapos na ang distribution, malinis na rin ang paligid.

Dahil may sobrang 100 family packs ang hindi naipamahagi, napagkasunduan ng mga organisasyong masa sa lugar at ng BALSA na ipamahagi ang ito sa iba pang evacuation center na kailangan din ng tulong.

Sa pakikipagtalakayan ng mga kalahok sa relief operations ng BALSA, lumalalim ang pag-unawa sa kalagayan ng mga evacuees. Nakita at nasuri  rin ang mga kakulangan at pangangailangan. Marami sa evacuees ang namomroble sa mga hayop na naiwan na bahagi ng kanilang kanuhayan. Marami rin ang nais na sana makabalik na sa normal ang buhay upang makapagtrabaho. Nais na rin mag-aral muli ng mga estudyante. Kasabay naman ng muling pagsisimula klase, subalit hindi pa natatapos ang kalamidad, nangangamba silang ilipat sa malayong lugar, posible daw sa Quezon.

Bukod dito ay namahagi rin ng ready-to-eat lunch packs ang mga miyembro ng GABRIELA samahan ng mga kababaihan sa Region 4 chapter.

Ilan sa mga personalidad na kalahok sa relief operations sina Teddy Casino ng Bayan Muna, dating DSWD chief Prof. Judy Taguiwalo ng BAYAN, at KMU Vice Chairman Lito Ustarez. Kasama rin ang ilang myembro ng CEC, AGHAM, KMU, All UP Workers Union, Bulatlat, KODAO at iba pang mga volunteers.

 

AKTIBONG BULKAN

Nananatiling aktibo ang Bulkang Taal makalipas ang mahigit isang linggo, ayon sa ulat noong Enero 21 ng  (PHIVOLCS). Nagpakita man ng paghupa ng aktibidad nang mga nagdaang araw ang bulkan, nananatili ang posibilidad ng pagputok ng Bulkang Taal na maaring magresulta ng base surge, volcanic tsunami o/at mas matinding pag-ulan ng abo at bato. Kung kaya’t nananatili pa rin ang Alert Level 4, at pagdeklara sa 14 km radius mula sa panguahing bunganga ng Bulkang Taal bilang danger zone na dapat lisanin ng tao.

Sa daan-daang natutulungan ng pribadong inisyatiba ng mammayan, libu-libo pa ang mga nasalanta na dapat tugunan ang pangangailangan. Ayon sa DSWD Dromic Report, aabot sa 86,214 na pamilya o 336,449 na indibidwal ang apektado ng pagputok ng Bulkang Taal sa CALABARZON.

Nakipagtalakayan si Narod Eco ng AGHAM hinggil sa nangyayari sa Bulkang Taal. Tanghali man at kakakain pa lang ng mga tao, naging tutok sa talakayan ang mga tao. Maraming katanungan mula sa posibilidad ng pagputok ng iba pang crater ng Taal hanggang kung paano nagkaroon/nabubuo ang bulkan. Subalit ang madalas na itananong ng mga evacuees ay ang bagay na PHIVOLCS at ang pamahalaan lamang ang matapat na makasasagot: Bakit hindi agad napaabutan ang mga tao na puputok pala ang Taal noong Enero 12, 2020.

Sinikap itong sagutin ng AGHAM sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng gawain ng PHIVOLCS o Philippine Institute of Volcanology and Seismology. Nilinaw rin na Marso 2019 pa lang, nagpapaalala na sa pamahalaan, lokal at nasyunal ang PHIVOLCS hinggil sa aktibidad ng bulkan at tungkkulin ng pamahalaan na kumilos ng naaayon sa paabot na ito ng PHIVOLCS. Namahagi rin ng leaflets hinggil sa tinalakay ang AGHAM.

 

GOBYERNONG LAGING ‘DI HANDA

Bagamat marami ang tumutulong, at marami pa ang handang tumulong, marami rin ang dapat abutin ng tulong at hindi pa malinaw ang itatagal ng kalamidad na ito.

Malaki pa ang pangangailangan ng mamayan, lalo pa’t kulang na kulang ang pagtugon ng pamahalaan na siyang pangunahing institusyon na may rekurso at pondo para maagap na maka-responde at magbigay ayuda sa mga nasalanta.

Nasa ₱9,477,896.00 ang tulong na naipapaabot ng kagawaran, habang aabot naman sa 20,288 na family food packs(ffps) ang naipamahagi. Sa madaling salita, dalawa lamang sa bawat walong biktima ang nabigyan ng ffps 10 araw mula nang ideklara ang Alert Level 4. At usapin pa lamang ng food packs ito na tinatayang pagkain ng pamilya sa loob ng tatlong araw. Hindi pa napag-uusapan kung ano ang mga gagawin upang tulungan ang mga residenteng nawalan ng kabuhayan:  ang mga pananim na nasira at mga hayop na napabayaan, at mga bahay na natabunan ng abo.

Dumanas na ang Pilipinas ng mga matinding kalamidad  gaya ng Bagyong Yolanda noong 2013, hindi pa rin nakaka-rekober ang mga pamilya – hindi pa rin naibabalik ang mga kabuhayan at tahanan sa kabila ng bilyon-bilyong pondo at donasyong nakuha.

Laging huli ang babala ng pamahalaan at laging delayed kundiman ay sa pagtugon sa sakuna. Lagi na lamang tayong ginugulat ng mga kalamidad at laging napapabayaan ang mga apektado at lubos na kulang ang tulong na naiaabot sa kanila. Imbes na pagtuunan ang pagharap sa kalamidad nitong panahon ng climate change, binawasan pa ang pondo para sa disaster mitigation, response, at recovery.

Kung kaya’t nakatutuwa man ang bayanihang isinasagawa ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad, mahalaga at mas matimbang pa rin na tiyaking ginagawa ng gobyerno ang tungkulin nitong magbigay agad ng tulong na sapat, tuloy-tuloy, at umaabot sa lahat ng nangangailangan.

Kasabay ng taus-pusong pagtulong sa mga apektado ng kalamidad na parang nagsisimula pa lang, mahalagang itulak ng sambayanan ang gobyerno sa mas sistematikong pagharap sa kalamidad sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa.

Sa tunay na reporma sa lupa, magkakaroon ng matatag na hanapbuhay ang mga magsasaka at mangingisda na bumubuo ng kalakhan ng populasyon sa kanayunan. Magkakaroon sila sapat na kita at kakayahan na depensahan ang kabuhayan at paninirahan sa mga ‘di maiiwasang pwersa ng kalikasan o sa mga kalamidad at mas mabibigyan ang sarili ng proteksyon sa mga kalamidad at pagkakataong makaahon sa sarili sa lagay na magiging mabagal at pahinto-hinto ang tugon ng pamahalaan. Mapapaunlad naman ang siyensa at mga industriya sa bansa at kabuhayan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon para mas maging handa sa kalamidad upang maiwasan ang matinding epekto sa paninirahan, kabuhayan at buhay ng mga maaapektuhan ng mga kalamidad.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here