Malimit nating naririnig sa mga rally ang salitang imperyalismo na ayon sa mga aktibista, ay dapat ibagsak o tuluyang sirain. Ang imperyalismo ay ang pananakop ng isang maunlad na bansa sa mahirap na bansa sa pamamagitan ng pagkontrol sa pulitika, ekonomiya at kultura. Sa Pilipinas, mahigit isandaang taon nang kontrolado ng mga Amerikano ang ating pamahalaan, industriya at sistema ng pamumuhay. Ang mga patunay nito ay ang Military Bases Agreement noong 1947 at ang 1998 Visiting Forces Agreement na nagbibigay karapatan sa mga sundalong Amerikano na gamitin ang ating mga paliparan, daungan at karagatan sa ngalan ng mga programang kontra-terorismo. Isa pa ay ang Parity Rights na nagbigay karapatan sa mga Amerikano na angkinin ang ating mga likas-yaman at naglatag ng pundasyon upang makontrol ng mga kompanyang Amerikano ang ating ekonomiya hanggang sa kasalukuyan.
Noong panahon nina Andres Bonifacio at Dr. Jose Rizal ay hindi naman uso ang paggamit ng Christmas tree at Christmas lights pati na rin ang konsepto ng paniniwala tungkol kay Santa Claus
Tuwing sumasapit ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay damang-dama ang lalim at lawak ng impluwensiya ng mga kulturang Amerikano sa ating lipunan. Noong panahon nina Andres Bonifacio at Dr. Jose Rizal ay hindi naman uso ang paggamit ng Christmas tree at Christmas lights pati na rin ang konsepto ng paniniwala tungkol kay Santa Claus. Mga Amerikano ang siyang nagpauso ng mga ito bilang bahagi ng kanilang pangkulturang pananakop sa kamalayan ng ating mga ninuno noong pang 1900.
Tungkol kay Santa Claus, ang Father of American Cartoon na si Thomas Nast (1840-1902) ang unang gumawa ng imahe ng matabang Santa Claus noong 1863. Mula naman 1931 hanggang 1964 ay ginamit naman ng kompanya ng Coca-Cola ang mataba at masayahing imahe ni Santa Claus sa kanilang taunang mga advertisements at nakatulong ito nang malaki upang lumakas ang benta ng Coke sa buong mundo. Sa Pilipinas, nagsimulang makilala ng mga Pilipino ang Coke noon pang 1927 kasabay nang paglaganap ng konsepto ni Santa Claus. Ang presensiya ng mga billboards at posters ng Coca-Cola sa bawat tindahan sa kasuluk-sulukang mang bahagi ng Pilipinas ay patunay ng pagkontrol ng mga Amerikano sa kultura ng ating mga mamamayan. Sa bawat pag-inom natin ng Coke, bahagi ng kabayaran natin ay umuuwi sa kabang yaman ng Amerika.
Si Thomas Nast din ang isa sa unang lumikha ng imahe ni Uncle Sam na kahawig ni Abraham Lincoln. Ang imaheng ito ang karaniwang sinusunog ng mga nagra-rally bilang simbolismo ng pagdurog sa imperyalismo. Dahil sa kartunistang si Nast, lumilitaw na iisa ang may likha ng mga imahe ni Uncle Sam at ni Santa Claus. Samakatuwid, sa usapin ng imperyalismo, matibay ang ebidensiyang si Uncle Sam bilang mananakop at si Santa Claus bilang simbulo ng Pasko ay IISA. Ang kulay pulang suot ni Santa Claus ay ang sagisag ng dugo ng pang-aalipin ni Uncle Sam sa ating lahi. Ang mga regalong ipinamamahagi ni Santa Claus ay ang ang mga foreign aids gaya ng mga lumang eroplano, helicopter at armas na ibinibigay ng US sa ating mga militar. Totoong nakakautang ang bansa natin sa US contolled na IMF-WB ngunit ang mga utang ding ito ang sanhi ng paghihirap ng sambayanan. Ang Amerika ang isa mga pangunahing bansa na nakikinabang sa ating [quote_right]Ang konspeto ni Santa Claus na ginagamit ng mga magulang upang “pabaitin” ang kanilang mga anak sa panahon ng Kapaskuhan ay isang uri ng panunuhol at hindi wastong motibasyon upang hubugin ang pag-uugali ng mga bata.[/quote_right] likas-yaman at siyang nagtatambak ng mga surplus products na tinatangkilik naman ng ating mga kababayan. Kung sabagay, hindi lamang US ang may hawak ng ekonomiya natin sa ngayon kundi ang China, Japan, Korea at iba pang bansang Asyano na mas maunlad kaysa sa atin. Ang konspeto ni Santa Claus na ginagamit ng mga magulang upang “pabaitin” ang kanilang mga anak sa panahon ng Kapaskuhan ay isang uri ng panunuhol at hindi wastong motibasyon upang hubugin ang pag-uugali ng mga bata. Dapat ba magpakabait ang mga bata dahil may kapalit na laruan? Hindi ba dapat maging mabuti ang isang tao sapagkat mabuti at tama ang gumawa nang mabuti kahit na ito ay walang inaasahang kapalit?
Sa Mall of Asia ay may malaking atraksyon na kinatatampukan ng mga estatwang napapagalaw at nagpapakita ng pagdiriwang ng Pasko sa buong mundo. Sa tuktok ng mga estatwa ay makikita si Santa Claus bilang pangunahing bida. Wala ang imahe ni Hesus sa sabsaban. Samakatuwid, si Santa Claus na talaga ang sentro ng pagdiriwang ng Pasko. Ang imperyalismong US ay nangingibabaw sa materyalistiko nating pagdiriwang ng Pasko na pinatitingkad ng mass media at produkto ng Amerikanisasyon ng ating lahi sa loob ng mahigit isandaang taon.
Sa Noli Me Tangere, sinabi ni Pilosopo Tasyo kay Don Filipo na “ang magsaya ay hindi ang paggawa ng kabaliwan!” patungkol sa mga taong naghahanda nang labis-labis para sa kapistahan. Sana ay alisin natin ang ating mga kahangalan sa pagdiriwang ng Pasko. Ang Pasko ay paggunita sa pagkakatawang tao ni Kristo at ang pagbibigay niya ng sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ibigay naman natin ang ating sarili sa pagpapalaya ng ating isipan at ng ating bayan. Ang solusyon ay ang unti-unting pagbaklas at pagwasak sa imperyalismong US sa pamamagitan ng edukasyon at pagmumulat sa ating kabataan. Pag-aralan natin sa kasaysayan ang kabayanihan nina Macario Sakay, Teodoro Asedillo, Faustino Guillermo, Luciano San Miguel, Felipe Salvador at marami pang iba.
Si Joel Costa Malabanan ay isang musikero at kasalukuyang nagtuturo sa Philippine Normal University