Sa gitna ng pagiging abala ng mundo sa krisis pangkalusugan, isang panibagong paglaganap ng labanan ang sumiklab. 

Sa pagkubkob ng Taliban sa Kabul, ang sentro ng Afghanistan, ipinakita nito ang kakayahang maibalik muli sa kanilang paniniwala, patakaran at sistema ang pamamahala ang bansa. Sinikap ng mga Taliban na muling magpalakas at humanap ng pagkakataong lusubin ang pamahalaang may mahinang pundasyon.

Para sa iba, ang desisyon sa pagpapaalis ng tropang sundalong Amerikano at mga kaalyadong bansa nito sa Afghanistan ang naghudyat para simulan ng mga Taliban ang unti-unting pag-abante tungo sa sentro ng bansa. Ngunit sa kabilang banda, panahon daw ito na ipakita na ang pamumuno sa bansa ay dapat magmula sa kanilang bayan na hindi kontrolado ng mga makapangyarihang bansa. Anuman ang dahilan at layunin, iisa lamang ang malinaw, ang mga inosente at ordinaryong mamamayan ng Afghanistan ang dehado. 

Litaw sa mga mukha ng mamamayang Afghan ang takot at pagkadismaya sa posibilidad ng pagbabalik ng mga ‘di makatarungang patakaran at matinding karahasan na kanilang naranasan sa ilalim ng Taliban, kaya naman sumugod ang marami sa paliparan para magbakasakaling matakasan ang bansa.

Nagmistulang exodus ang mga eksena at desperadong kilos ang namayani habang lumilipad ang eroplano ng mga Amerikano at commercial flight ng bansa. Nagpapatuloy rin ang pagbobomba lalo na sa matataong lugar tulad ng paliparan at ang mga insidenteng ito ay inako ng teroristang ISIS. Nababalot ng karahasan ang iba’t ibang sulok ng kapital. 

Hindi nalalayo ang karahasang nangyayari sa Afghanistan sa Pilipinas. Habang may panloob at panlabas na digma sa Afghanistan ay mayroon namang panloob ng digma sa Pilipinas. Magkapareho ang pangunahing bansang nagpondo ng gera at mga kagamitang panggera sa Afghanistan at Pilipinas. Ang pantustos at suporta ay para sa mga pinili o nahirang ng mayamang bansang ito para mamuno sa bansa. Hindi nalalayo na tulad sa Afghanistan ay direktang manghimasok din ang Estados Unidos sa Pilipinas kung aabante ang lokal na pwersang kumakalaban sa kasalukuyang dito ay naghahari.

Kaya’t sa kasalukuyan, ginagamit ang pondo at armas laban sa ordinaryong mamamayang maaaring pagsimulan ng anumang pagtutol at paglaban.

Una, ang budget na nilaan ng gobyerno para sa NTF-ELCAC na napakataas at patuloy pa ring sinusuportahan ng administrasyon sa kabila ng mga batikos na buwagin ang ahensya. Patuloy ang pag-red tag ng ahensya sa mga itinuturing nilang indibidwal at organisasyong kumalaban sa gobyerno. Malinaw na walang maayos na napatutunguhan ang buwis ng mamamayan dahil sa lumalaganap na pagpaparatang sa mga inosenteng mamamayan. 

Pangalawa, ang kuwento ng mga Lumad  at iba pang katutubong grupo sa bansa na patuloy na pinapaalis sa kanilang lupang ninuno dahil sa diumano’y isyu ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga rebelde o terorista. Sa kabila ng pagpapaliwanag at pagpapatunay na hindi sila bahagi ng anumang teroristang grupo, nagpatuloy  ang pandarahas at pagsunog sa kanilang mga paaralan.

Sa kasalukuyan, winasak ng sundalo ang pangarap na makapag-aral ng mga batang Lumad, may pamilyang nawalan ng ama, ina, anak at kapatid dahil sa maling paratang. Patuloy ang paglisan ng mga Lumad sa kanilang kinagisnang lugar, pinalayas sa sariling lupa dahil sa patuloy na militarisasyon. Patunay lamang na hindi rebelde at terorista ang naging kalaban kundi ang mismong pamahalaan na dapat na nangangalaga sa kapakanan ng lahat. 

Hindi lang mga Lumad ang nakararanas ng ganitong kalagayan, maging ang mga Dumagat dahil sa napipintong pagpapatayo ng Kaliwa Dam na pinondohan ng dayuhang bansa. Malinaw na kalapastanganan ito sa sistema ng pamumuhay ng ating mga katutubo, sila ang itinuturing na mas higit na  nakauunawa  sa kalikasan, mas nakaaalam sa gawi ng paligid at higit sa lahat ang mga tagapagbantay ng Inang Kalikasan. Ang mga Dumagat ay larawan ng pang-aapi sa ngalan ng modernisasyon. 

Panghuli, hindi mailalayo ang karanasan ng mga bayan sa Mindanao tulad ng Marawi, Cotabato, Maguindanao at iba pa na dumanas ng matinding digmaan sa pagitan ng diumano’y  rebelde at sundalo. Winasak ng digmaan ang lipunang ginagalawan ng ating mga kababayang Muslim. Nagmistulang pinulbos ang kabuuang bayan ng Marawi, patuloy ang dagundong ng mga bala at kanyon na bumabaksak sa iba’t ibang espasyo. Iniwang pulpos ang bayan na hanggang ngayon ay pilit na bumabangon. Mahirap isipin ang abang kalagayan ng mga bata, matatanda at kababaihan na naipit sa digmaan. Sa kalagayan ng mga kababayang Muslim na naghahangad  ng pangmatagalang kapayapaan, mahalagang mabigyang pokus ang kanilang tunay na hinaing at repormang nais itaguyod.

Ang danas ng mamamayan ng Afghanistan ay danas ng mga Pilipino. At ang mga kwento ng mga bansang ito ay kuwento ng ating mundo sa kasalukuyan. Habang nagpapatuloy na may mayayaman at makapangyarihang bansang nais igiit ang sariling patakaran sa teritoryo ng iba at may mga uri sa lipunan na mas nagpapahalaga sa sarili nilang karapatan—digmaan at pagkabusabos ang haharapin ng mga ordinaryong mamamayan. Kapangyarihan, kayamanan, karahasan—mga bagay na pinagkait sa ordinaryong mamamayan at siya ring ginagamit laban sa kanila.

Sa patuloy na pakikipaglaban sa pandarahas, terorismo, pagpatay at pang-aabuso, mahalagang unawain ang ugat ng bawat kaguluhan sa pamamagitan ng muling pagbabalik sa sarili at kasaysayan. At doon malalaman nating makakamit natin ang tunay na kapayapaan sa pamamagitan lamang ng katarungan. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here