P9,600 ang quarterly bonus na binibigay sa mga manggagawang limang taon at higit na sa kumpanya. Pero kung kailan tumama ang pandemya, saka naman nagdesisyon ang management na bawasan ito at gawing P3,200 na lamang. Kinseng manggagawa ang nagreklamo – lahat sila ngayo’y suspendido at humaharap sa gawa-gawa at pinalaking mga kaso. Tinanong ngayon sa kanila, “May pag-asa pa ba?”
May ilang saglit din ng katahimikan bago ang nag-aalangang sagot, “Meron pa naman.” Tapos sinundan pa ng, “Basta magsikap lang.”
Tingin ko ito na ang inabot ng indibidwalista o makasariling kulturang matagal nang ipinunla ng sunod-sunod na dayuhang mananakop at pinagpapatuloy ngayon ng kanilang mga papet. Kaya naman daw alpasan ang kahirapan, basta ika’y magsisikap at magsisipag, tiyak ang iyong pag-asenso.
“Ako Mismo.”
Sasabihin ng marami, hindi ba’t tama naman? Susog pa siguro ng ilan, hindi ba’t may punto naman? Bagamat may punto, mali siya, buhat ng tunggaliang ipapakita natin sa paglapat ng ideyang ito sa aktwal na mga kalagayan ng lipunan. Ipapakita nating hindi siya inspirasyon, kundi lasong humahadlang sa pag-asenso hindi lang ng iilan kundi ng mas nakararami.
Kahit ano pang pagsisikap ang gagawin ng indibidwal na manggagawa, hangga’t ganito ang kalagayan ay hindi ka aasenso. Kaso may puntong, ‘di ba’t marami naman nang halimbawa ng mga nakaraos mula sa kahirapan,’ tapos ay magbabagsak ng mga kwento ng inspirasyon.
Napanuod ba natin ang pelikulang ‘Hunger Games?’ Ito ang esensya ng ganoong sitwasyon. Ang pinapatampok, at sa ganoon ay tanging nakikita natin ay ang iilang nagiging kampyeon, kasama ng mga kwento ng kanyang kadakilaan at sakripisyo para makaabot sa tuktok.
Hindi na nilalabas ang kwento ng iba pang tribute na tumumba, at lalong hindi na isasama ang kwento ng mga patuloy pang naghihirap at nagdurusa sa labas ng mismong laro. Kumbaga, hindi sila pumasa sa unang pagsubok, ang pagpili ng mga ‘swerte.’
“Tamad Kasi kayo.”
Madalas iputak ng mga ekonomista ang pangangailangang higit pang dagdagan ang produktibidad ng mga pagawaan at manggagawa para sa mas mabilis na pag-unlad ng ekonomiya. Sa esensya, sinasabi nitong kailangan pang higitan ng manggagawa kung anuman ang kanyang nililikha o inilalakong serbisyo para umunlad parehong siya at ang lipunan.
Kahit anong sipag ng manggagawa, kahit gaaano pa karami ang malikha niyang produkto, o kahit ilang taon pa ang abutin niya sa kumpanya, nananatiling pako sa minimum ang kanyang sahod. Marami ang ipit pa rin sa siklo ng tig-limang buwang endopara hindi maregular. Ang mga hindi na-renew, nagpapalipat-lipat ng kumpanya, kung saan may trabaho, at madalas kontraktwal o ahensya lang din. Kaunti o madalas wala pang natatanggap na benepisyo.
Ito ang buhay ng manggagawa hangga’t umiiral ang iskemang ito ng kontraktwalisasyon na patok sa mga kapitalista at kinukunsinte ng gobyerno. Hanggang ganito, hindi niya maiaahon ang sarili o ang pamilya. Makikinabang lang dito ang mga kapitalistang milyon-milyon ang naida-dagdag sa kita bunga ng natitipid mula sa mga hindi na kailangang bayarang benepisyo o dagdag-sahod na karaniwang natatanggap ng dating mga regular at unyonisadong manggagawa.
Hindi katamaran, kundi kontraktwalisasyon ang dahilan kung bakit hindi kailanman kayang iahon ni Juan at Mariang Manggagawa ang sarili mula sa kahirapan.
“Di Mo Na Lang Gayahin Si..”
May isang kwento ni Bo Sanchez tungkol sa kapitbahay mong si Henry. Sisi ka ng sisi sa gobyerno, bakit di mo tularan si Henry. Dahil nagsikap siya sa kanyang negosyo, kahit naka-ilang palit pa ng presidente, hindi siya nalugi at bagkus, lalo pang umunlad. O diba, si Henry na mismo!
Ito ang kalokohang pagdadakila sa mga kapitalista bilang halimbawa ng mga nairaos ang sarili sa kahirapan. Siguro totoo na may mga nagtagumpay nga dito, halimbawa na lang ang mga bagong apelyidong humahamon ngayon sa kilala nang mga pangalan ng pinakamayayaman, ang tinatawag na noveau riche, o mga bagong-yumaman. Binago ba nito ang konsentrasyon ng yaman sa kamay ng iilan? Hindi. Magpalit man ang apelyido, ganoon ka pa rin naman ang kalakaran. May umangat mang isa, o dalawa mula sa kumunoy, paano naman iyong milyun-milyon pang natira?
Dahil ba nagsipag si Henry Sy ay pwede na niyang samantalahin ang libu-libong manggagawa niya? Kung madadala ba si Pacquiao ng boksing at pagiging pulitiko sa listahan ng mga mayayaman, maiaangat na ba nito ang buhay ng halos 25 milyong nabubuhay pa rin hanggang ngayon ng mababa pa sa P48 kada araw? Para gamitin ang sumbat ng isang manggagawang tinanggal sa trabaho, maisasaing ba ang inspirasyong bigay nila?
“Puro Kayo Reklamo.”
Pero aminin natin, hanggang sa group-chat at comment, o di kaya’y sa inuman lang tayo matapang na nagrereklamo. Takot ang isa sa pangunahing humahadlang sa mga manggagawa para magpaabot ng mga puna sa kani-kanilang management, ayon sa isang pag-aaral na ginawa sa mga nagtatrabaho sa isang export-processing zone sa Timog Katagalugan noong taong 1996.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala ang mga urong-sulong, matapang sa labas, pero kimi pag kaharap na si bisor o si manager. Ayon sa pag-aaral na nabanggit sa itaas, may batayan ang takot na ito. Nakasalalay kasi ang hanapbuhay – ang pagiging regular o kahit ang mismong trabaho sa usapin. Sa ganitong kalagayan, maiipit talaga ang manggagawa sa imposibleng desisyon – ipaglaban ang tama at manganib ang trabaho, o unahin ang kapakanan ng pamilya at sarili, at manahimik na lang?
Dagdag pa rito ang pagiging walang silbi ng gobyernong dapat maasahan ng manggagawang kakampi dapat niya. Kahit nga labag sa batas, kung sasabihin ng kapitalistang hindi niya gagawin, wala namang magagawa ang gobyerno. Ilang malalaking kumpanya kabilang ng PLDT, Magnolia, SMC at iba pa ang nakatanggap na ng atas para i-regular ang mga manggagawa bunsod ng D.O. 174 ng DOLE, pero imbes na mag-regular, nagtanggal pa nga sila ng manggagawa. Puro pangako, pero sa huli ay wala rin namang nagawa ang DOLE, o maging ang Presidente.
Tapos sasabihin nung ulul sa Malakanyang na binaklas na niya ang mga oligarkong may kontrol sa ekonomiya?
Siyempre hindi lang ang karapatang magpahayag ng mga saloobin at reklamo ang gusto sikilin ng mga kapitalista at ng gobyerno. Pangunahin pa rin nilang nais wasakin ay ang tanging pag-asang mayroon tayo para baguhin ang ganitong kaayusan – ang sama-sama at organisadong paglaban.
“Hindi ba komunista yan?”
Ito ang karaniwang sambit sa tuwing inaanyayahang magbuo ng unyon, o kaya ay sumali sa mga organisasyon. Ito ang resulta ng mahabang panahon ng paninira at pambabaluktot, hindi lang ng estado at militar, kundi maging ng mainstream media, ng akademya, ng simbahan hanggang sa mismong mga pamilya natin.
Bago pa man sila Marx at ang mga naunang komunista, nagbubuo na ng mga organisasyon at samahan ang mga inaapi sa buong kasaysayan, at sa pamamagitan nito lamang nila naiaabante ng mas mahusay ang mga adhikain.
Sa isang banda malaganap din ang kanya-kanyang paglaban, at magbakasakaling mabigyang inspirasyon pa ang ibang galit din sa mga naghahari. Matingkad pa rin ganitong indibidwalistang mga paglaban. Ngayon nga may pinapairal pang tinatawag na kilusang walang namumuno.
Ang pinag-iba lang, nangyari ito dati dahil nagsisimula pa lang matuto sa estratehiya at taktika sa pakikibaka ang mga api ng uri, at bumubuo pa ng karanasan. Ngayon, sadyang hinahayaan pa ring lumaganap ang makalumang indibidwalistang pakikibaka sa mga bagong anyo para na panatilihing watak-watak at hindi makabuo ng mas matibay pang pagkakaisa ang mga mamamayan.
“Kung Hindi Ngayon, Kailan Pa?”
Hindi na uubra ang ganitong mga kalat-kalat na pamamaraan sa panahong ngayon. Kailangan nang mapangahas na umabante, at hindi iyong bumubuntot lang sa mga atrasadong mga pananaw. Minsan kasi sa kagustuhang “manghamig,” napapalabnaw na ang mga prinsipyo at kalaunan, nagiging atrasado at lalong mapanghati na rin ang mga tindig:
“Iba kasi ang paniniwala namin. Hindi ba pwedeng respeto na lang?” – Okay.
“Masyado kasi magulo pag rally, pwede ba online na lang?” – Okay.
“Mahirap nang ipagpatuloy ang pakikibaka, pwede bang support-supportna lang?” – Okay.
Hindi uubra ang nakikisimpatiya lang, yung mga tipong hindi mo sigurado kung magpupulasan sa oras ng kagipitan. Kung tingin natin na tama naman ang pinaglalaban, humakbang tayo patungo sa direksyong ito. Sa bawat hakbang patuloy ang pag-aaral, at pag-intindi sa mga prinsipyong dala-dala ng organisasyon, dahil ito ang magiging sandigan natin sa oras ng pag-aalangan na tiyak dadapo sa bawat isa sa atin.
Nariyan ang mga magulang na naatim magpagamit sa mga pasista para lang mapatigil sa pakikibaka ang kanilang mga anak. Ang mga gurong iipitin at aalipustahin ang kanilang mga estudyante dahil sa pagiging kritikal. Mga kaibigang ikagugulat mong ang kaisipan pala’y hindi pa nakausad mula sa panahon ni Damaso.
Tandaan nating maraming galamay ang kaaway. Hawak niya ang ating mga sikmura gawa ng ating mga hanapbuhay. Kontrolado niya ang gobyerno at ang batas para gawing lehitimo ang kanyang paghahari. Impluwensiyado niya ang mass media, akademya, simbahan at mismong ang pamilya natin na silang nagpapanatili sa kulturang patuloy tayong hinahati.
Higit sa lahat, hindi rin mawawala ang mismong kamay na bakal ng mga armadong pwersa ng estadong kunwa’y mga bayani at tagapagtanggol daw laban sa “droga” at “terorista,” pero hindi naman magdadalawang isip na patahimikin habang buhay ang sinumang papalag sa pinaglilingkurang naghaharing kaayusan.
“Organisasyon, Organisasyon, Organisasyon.”
Litaw na litaw na sa ganitong panahon ang tunggalian ng mga uri, at sa gayon, hinog na ang pagkakataon para sa pagpapabagsak sa mga naghahari at pag-agaw na ng uring manggagawa sa kapangyarihan. Hindi natin ito makakamit kung tayo’y kanya-kanya, na para bang karwaheng may kanya-kanyang nais puntahan ang humahatak na mga kabayo.
Pinakamainam pa rin ang magkakabigkis na hakbang tungo sa iisang direksyon. At ang tanging behikulo para dito ay ang pagbubuo ng mga unyon o organisasyon.
Pero hindi na lang ito basta katulad lang ng mga nakasanayang tradisyunal at burges na mga organisasyong ang kaya lang organisahin ay mga outing at piging. Kinakailangan natin ang isang organisasyong hindi mangingiming ipalaganap sa pinakamarami ang dala-dala nitong mga prinsipyo’t adhikain, at di mahihiyang anyayahan silang sumapi at magpaloob dito. Kinakailangang hindi ito tigang, at nakukulong lang sa teoretikal na mga diskurso, kundi handa ring isapraktika sa militanteng pagkilos ang mga pinaglalaban nito.
Burges na pantasya lamang ang paniniwalang maghintay lang, at balang araw ay mamumulat din ng kusa ang mga tao. Burges na kahangalan naman ang ipilit ang pagkakapantay-pantay ng magkakaiba at magkakatunggali nang opinyon, na para bang lahat ay tama. Hindi uusad ang anumang pakikibaka kung magpapatali lang sa mga tendensiyang ito.
Ito sana ang pagsikapan natin – imbes na sumabay na lang sa agos kahit pa nakikita na nating tinatangay na tayo patungo sa kumunoy ng kasaysayan, bakit hindi natin subukang magpumiglas? Yakagin ang lahat ng kapwa nating manggagawa at mga mamamayang pinagsasamantalahan, at sa iisang diwa’y basagin ang nabubulok nang kaayusan, at sama-samang bumuo ng isang bago, at mas maalwal na lipunan.




























