Top 15 Sining Biswal na Nagsalarawan ng Pakikibaka ng Mamamayan

ni Chantal Eco

SINING

Tuwing naglulunsad ng mga kampanya at pakikibang masa ang iba’t ibang organisasyong pangmasa, mahalaga ang papel ng mga obrang sining biswal para pukawin ang interes ng mamamayan hinggil sa mahahalagang usapin sa ating bansa.

Ngayong taon, maraming tumampok na mga obra na ginawa at naipalaganap sa mga alternatibong espasyo—kalsada, pader, protesta, kampuhan, konsyerto, labas ng gusali ng pamantasan, damit at iba pa. Kaiba ito sa mga obrang sining biswal na makikita sa mga art gallery kung saan kaunti lang ang nakakakita at kailangan pang dayuhin.

Narito ang Top 15 ng mga sining biswal na mahusay na naisalarawan ang pakikibaka ng mamamayan ngayong 2015.

15Isang Milyong Bungo Laban sa EDCA

Litrato mula sa UgatLahi Artists Collective

 

Nakita sa mga lansangan ng Kamaynilaan ang mga bungong idinikit sa mga pader, poste, signages na nananawagan sa pagbasura ng Enhanced Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Gawa ang wheat paste operation ng grupong Ugatlahi Artist Collective. Layon nilang umabot sa milyon ang maidikit na mga bungo para makatawag atensyon sa panawagang ibasura ang EDCA.

14
Protect Sierra Madre live art

 

Bago magsimula ang Himig ng Tolaog, Oyayi ng Sierra Madre, isang benefit concert na ginawa sa para sa kampanyang Protect Sierra Madre ay sinimulan na ng mga myembro ng Guhit Pilipinas Caloocan ang paglikha ng live art nila. Ayon sa Guhit Pilipinas, gusto nilang isalarawan ang nakikita ng mga katutubong Dumagat na pagsira ng mga dayuhang mina sa kanilang lupang ninuno. Sa mga miyembro ng grupo na nagpipinta, tiyak ang bawat hagod ng kanilang brush sa bahagi nila sa ipinipinta kaya bago pa matapos ang programa ay tapos na nila ang obra.

13Save our Culture mural

Litrato ni Michael Joselo

Sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas, may isang pader ang kolehiyo na tinagurian nilang freedom wall. Nang pumutok ang isyu ng pagpatay sa mga Lumad at ang kanilang paglikas, ipinakita ng mga estudyante ng kolehiyo ang kanilang suporta sa pamamagitan ng mural na nananawagan ng pagprotekta sa mga katutubong Lumad.

12Stop Lumad Killings graffiti

Litrato ni Sim Tolentino

 

Madadaanan sa kanto ng Luzon Avenue at Commonwealth Avenue sa lungsod ng Quezon ang graffiti na likha ni Sim Tolentino na nananawagang itigil ang pagpatay sa mga Lumad. Saktong inilabas ni Tolentino sa social media ang larawan ng graffiti sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

11Louie Jalandoni Revolutionary: An Illustrated Biography

 

Inilunsad ang libro noong ika-46 na anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ang libro ay pinagtulong-tulungan ng iba’t ibang artist at illustrator sa pangangasiwa ng Concerned Artists of the Philippines. Isinalarawan ng libro ang buhay ng Pinuno ng Negotiating Panel ng NDFP na si Luis Jalandoni. Ang kaiba sa talambuhay na ito ay hindi purong nakapokus ang kwento kay Jalandoni kundi sa mga taong nakasalamuha niya katulad ng mga magsasaka’t manggagawa at ang kanilang pakikibaka na malaki ang naging papel sa paghubog sa kaniya bilang isang rebolusyonaryo.

10Protect Sierra Madre backdrop

 

Sa mga aktibidad ng Protect Sierra Madre, isang kampanya para protektahan ang lupang ninuno ng mga katutubong Dumagat sa Sierra Madre laban sa mapanirang pagmimina, makikita ang backdrop na ito. Isinasalarawan ng obra ang masiglang kultura at masaganang pamumuhay ng mga katutubo at iba pang nakatira sa Sierra Madre.

9Desaparecidos (Memorializing Absence) installation art

Litrato ni Karl Ramirez

 

Pighati hanggang maging galit ang unang reaksyon kung makita ang installation ng mga iskultura ng mga taong mula sa iba’t ibang sektor na butas ang mga dibdib. Interpretasyon ito ni Toym Imao sa pighati ng mga kapamilya ng Desaparacidos o biktima ng sapilitang pagkawala. Apatnapu’t tatlo (43) imahe ang ginawa ng artist at bawat imahe ay nagrerepresenta ng 43 taon mula nang idineklara ang Martial Law.

Unang inilagay ang installation sa makasaysayang AS Steps (Palma Hall na ngayon) sa University of the Philippines Diliman. Maraming estudyante ang dumadagsa araw-araw sa building na ito at nadadaanan dito ito ng mga motorista at joggers. Makikita ngayon ang installation art sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon Avenue sa Lungsod Quezon.

8Ka Parago painting

 

Gawa ang 9×10 talampakang painting ng pumanaw na New People’s Army commander na si Leoncio “Ka Parago” Pitao ng artist ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Metro Manila na si Aldrein Silanga. Katuwang niya si Rollie Andalisa, isa ring musikero na nagmula sa grupong pangkultura sa komunidad na lumaban sa demolisyon, ang Sining ang Bala ng Kabataan (SABAK). Ginawa ang mural bilang parangal sa pulang kumander at ipinakita sa isang parangal sa UP Diliman kung saan nag-umapaw ang UP College of Science Auditorium ng mga dumalo.

7Panagutin! digital graphics

 

Sa kasagsagan ng isyu ng engkwentro ng MILF at PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao, inilabas ang disensyo kung saan sentro si Noynoy at kanyang mga alyado at panawagang panagutin ang mga ito hinggil sa pangyayari. Kumalat sa social media ang disenyo at inimprenta rin sa mga t-shirt. Suot ng iba’t ibang sektor ang t-shirt na ito noong protesta kasabay ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

6Edukasyon para sa lahat! graffiti

 

 

Spray paint ang gamit ni Sim Tolentino para gawin ang graffiti ng mga mukha ng iba’t ibang kabataang Pilipino at tangan ang panawagan na “Edukasyon Para sa Lahat!” Katuwang ni Tolentino ang iba pang artist mula sa iba’t ibang organisasyon ng kabataan. Ibinigay ang espasyo ng pader ng University Center for Culture and the Arts (UCCA) ng Polytechnic University of the Philippines para maging daluyan ng artistikong ekspresyon ng mga estudyante nito.

5 “Hatol ng Bayan” backdrop sa Araw ng Paggawa

 

Taun-taon ay tampok sa protesta sa Araw ng Paggawa ang gahiganteng backdrop sa entablado. Ngayong taon, tampok ang mamamayan na nais paalisin sa pwesto si Pangulong Noynoy Aquino na nakasakay sa isang drone at angkas ang representasyon ng Estados Unidos. Gawa ang backdrop ni Melvin Pollero.

4Mural sa alaala ni Leoncio “Kumander Parago” Pitao

Litrato ni Lana Linaban

 

Nang ibinurol ang isang commander ng New People’s Army (NPA) mula sa Davao na si Leoncio Pitao o kilala bilang Kumander Parago, nagsama-sama ang ilang mga artist para gumawa ng mural sa alaala ng namatay na kumander. Mapangahas ang paggawa ng mga mural na ito na direktang nagpupugay sa isang mandirigma ng NPA at rebolusyong inilulunsad ng Communist Party of the Philippines (CPP). Ginawa ang mural sa gilid ng isang mayor na kalsada sa Matina, Davao City pero agad na binura ito ng mga hinihinalang ahente ng militar bago pa madaanan ng libu-libong dumalo para sa libing ni Kumander Parago.

image019
Litrato ni Jaja Necosia

3Sentrong imahe ng protesta noong SONA

 

Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang protesta para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino. Sentrong disenyo ng kanilang entablado at mga placard ang digital painting na pinapakita si PNoy, kanyang mga alyado at mga mayor na isyung pinupukol sa kanyang administrasyon. Inimprenta sa malaking tarpaulin ang disenyo. Mahusay nitong naisalarawan ang kagustuhan ng mamamayan na tapusin na ang rehimen ni Aquino. Umabot sa 20,000 ang dumalo sa protesta.

2Stop Lumad Killings painting sa plywood

 

Unang nakita ang painting sa Pangiyaki! Isang konsyerto para sa mga Lumad na nakakampo sa Liwasang Bonifacio noong Oktubre. Mula noon ay naging tampok na ang mural sa entablado ng Manilakbayan sa Liwasang Bonifacio hanggang sa Baclaran. Mahigit 700 mga Lumad at iba pang sektor mula sa Mindanao ang pumunta sa Kamaynilaan noong Oktubre hanggang Nobyembre para kalampagin ang sentrong pamahalaan hinggil sa militarisasyon at pagpatay sa mga Lumad. Gawa ang backdrop ng grupong Ang Gerilya.

1PNoy Grim Reaper effigy

Litrato ni Iris Arellano

 

Sentro ng mga malakihang protesta sa Pilipinas ang mga effigy. Ito ang interpretasyon sa pangunahing may pananagutan sa mga usaping pambayan ng mga organisasyong nangunguna sa mga protesta. Kadalasan ay mula sa imahe ng pangulo ng bansa ang ginagawang effigy. Gawa ito sa paper maché na matamang hinulma mula sa clay, dinikitan ng maraming patong ng papel hanggang mabuo ang mukha’t katawan nito, at pininturahan . Umaabot sa dalawang linggo ang paglikha ng mga effigy. Sa protesta, susunugin ang effigy bilang simbolo ng pagkamuhi ng mga nagpoprotesta.

Sa protesta ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Maynila, agaw atensyon ang madetalyeng 11.5 talampakang effigy na gawa ng BAYAN Metro Manila katuwang ang Ugatlahi Artist Collective. Imahe ito ni Pangulong Noynoy Aquino bilang isang grim reaper o ‘kamatayan’. Kamatayan umano ang hatid ng administrasyong Aquino para sa mga manggagawa dahil sa mababang sahod, hindi maayos na kundisyon sa paggawa at laganap na kontraktwalisasyon.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here