Taong 1898 nang opisyal na pinag-arian ng Estados Unidos (US) ang bansang Pilipinas sa pamamagitan ng Treaty of Paris. Nilalaman ng kasunduang ito ang pagbili sa Pilipinas ng Estados Unidos mula sa Espanya sa halagang $20 milyon.

Taong 1899, sumiklab ang giyera sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos (US). Tila nagbago ang ihip ng hangin dahil ang dating magiliw na mga Amerikano ay wala ring ipinagkaiba sa mga mananakop na Espanyol. Nagapi ang mga Pilipinong rebolusyunaryo sa pagsuko ng mga ilustrado at sa kalagayang hindi pantay ang lakas at teknolohiya ng mga manlulupig sa magigiting na rebolusyonaryo. Sa buong mundo naman, itinataguyod ng US ang kanyang dominasyon sa pulitika, ekonomiya at military: ang imperyalismo!

Taong 1935, itinayo ang Philippine Commonwealth na isang transition government na nagsasabing nangangailangan ng patnubay ng Estados Unidos ang Pilipinas bago ito maging ‘self-sufficient’ na bansa. Nakalakip din sa Commonwealth ang pagkasangkot ng Pilipinas sa away ng Amerikano at Hapon na nagbunga sa pagkamatay ng daan-daang mamamayang Pilipino.

from http://napalmjoy.tumblr.com/
from http://napalmjoy.tumblr.com/

Samantala, malalim nang umuugat ang impluwensiya ng US sa ekonomiya at kultura ng bansa. Nandiyan ang pagpasok ng mga produkto mula Amerika na halaw sa mga hilaw ng materyales ng Pilipinas; ang pagtakda sa Ingles bilang pangunahing lenggwahe sa eskwelahan; at ang pagkakampo ng mga Amerikanong base-militar sa Subic bukod sa iba pa.

Ang panghihimasok ng mga banyagang bansa sa panloob na kapakanan ng isang bansa ay nagpapatuloy at napapadali ng isang pamahalaang sunud-sunuran. Kung kaya’t hindi nawala ang kontrol at impluwensiya ng imperyalismong US sa Pilipinas magpalit man ng nakaupong administrasyon. Sa pagtatapos ng pagkapangulo ni Noynoy Aquino, narito ang listahan ng mga 15 tampok na panghihimasok ng US sa bansa mula 2010:

15Pinatupad ang PFG para manghimasok ang US sa repormang pampolisiya ng Pilipinas

litrato mula sa USAID.GOV

 

Saksi si Pangulong Aquino nang tanggapin ng Pilipinas ang kasunduang Partnership for Growth (PFG) ng US noong 2011. Ayon sa kasunduan, nagpapabagal umano ang paglago ng Pilipinas dahil sa poor governance at narrow fiscal space. Ang nakikitang solusyon ng PFG ay ang mas malaking gampanin ng mga pribadong sector sa mga larangan ng pulitika at ekonomiya.

Ngunit para maisakatuparan ang mga ito, nangangailangang baguhin ang Konstitusyon ng bansa para gawin itong mas liberal at mas paborable sa mga pribadong sektor.

14Pagbigay ng MCC ng grants kapalit ng pagsunod sa mga rekomendadong polisiya ng US

Sinimulan ni PNoy ang kanyang termino bilang pangulo ng Pilipinas sa pagpirma ng kasunduang Millenium Challenge Corporation (MCC) Compact sa New York.’

source: U.S. Department of State’s Photostream

 

Kaalinsabay din ng MCC ang Partnership for Growth (PFG) na bilateral agreement ng Pilipinas at ng US. Para mapili ang Pilipinas na maging grantee ay kinailangan nitong pumasa sa MCC scorecard indicators tulad ng Trade Policy, Land Rights Access, Rule of Law at Control of Corruption and Democratic Rights. Makakamit lamang ito kung aayon ang bansa sa 471 na rekomendasyong inihapag ng Arangkada Philippines Project (TAPP) sa ilalim ng PFG.

Nito lamang Disyembre, tumanggap ng pangalawang grant ang bansa para bigyang tulong ang pagsasakatuparan ng mga reporma sa mga pulitikal at ekonomiyang polisiya ng bansa.

13Kinampanya ni US Ambassador Harry Thomas ang pagpapalawig ng foreign ownership sa mga lokal na industriya

US Ambassador Harry Thomas |litrato mula sa U.S. Department of State

 

Nangampanya si US Ambassador Harry Thomas na magkaroon ng charter change sa Pilipinas noong 2011. Aniya, hindi lumalago ang ekonomiya ng bansa dahil sa limitasyon ng foreign ownership sa mga negosyo sa bansa, kaya nangangailangan ng pagbabago ng Konstitusyon alang-alang sa pag-unlad.

Pati ang US Trade Representative at US State Department ay nagrereklamo sa mga balakid sa Konstitusyon sa mabilis at madulas na pagpasok ng foreign investors lalo na ng Estados Unidos. Isa-isa nilang kinausap ang Chief Justice ng Korte Suprema, Speaker of the House at dating Senate President Juan Ponce Enrile para ilatag ang pagbabago ng Konstitusyon.

12Pagpursigi ng US sa programang K to 12 na nagtataguyod ng labor export policy

litrato mula sa Bulatlat.com

 

 

Kalahok si United States Agency for International Development (USAID) – Philippine Head Gloria Steele sa pangatlong taunang pagtitipon para sa Philippine Business for Education (PBEd). Magkadikit ang USAID at PBEd sa mga proyekto patungkol higher-education. Kasama sa mga napag-usapan ang programang K to 12 ng administrasyong Aquino.

Nagpahayag ng buong suporta ang USAID sa programang K to 12 at naglunsad ito ng trainings sa dalawampung chief trainers sa Kagawaran ng Edukasyon. Nilalayon ng K to 12 ang pagdagdag ng dalawang taon sa sampung taong batayang edukasyong modelo ng Pilipinas. Tungkulin nitong makasunod ang Pilipinas sa international standards para makakuha ang estudyante ng trabaho pagkatapos ng labindalawang taon sa paaralan sa loob at labas ng bansa.

Ang pagsuporta ng USAID ay nagpapakita ng pagsang-ayon sa mababang antas na pagtatapos ng mamamayang Pilipino. Ang ganitong iskema ay magpapatuloy sa pangingibang bansa ng mga Pilipino para tugunan ang pangangailangan ng mga ng mga blue-collar employees sa developed countries tulad ng Estados Unidos.

11Nagmahal ang presyo ng kuryente dahil sa paglalayon ng TAPP na isapribado ang power industry ng bansa

 

Isinabatas ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) noong 2001 para diumano maging abot-kaya ang gastusing kuryente ng gobyerno’t mamamayan. Ang solusyong nakita dito ay ang pagsasapribado ng power industry sa Pilipinas.

Nagbunga ang ilang dekadang pribatisasyon ng industriya sa pagtaas ng presyo ng kuryente sa bansa. Tinagurian ang Pilipinas bilang isa sa may pinakamahal na singil sa kuryente sa rehiyong Timog Silangang Asya. Kaya naman noong 2014, nagpetisyon ang mamamayan laban sa isa na namang electricity rate hike ng Manila Electric Company (Meralco). Pinapaimbestigahan rin sa administrasyong Aquino ang hindi makatarungang dagdag-singil sa mamamayan.

Ang Arangkada Philippines Project (TAPP) ay isa sa nagbigay ng rekomendasyon na ipagpatuloy ang tahasang pribatisasyon kasama ng pag-alis subsidiya ng gobyerno para umano ay makamtan pagpapababa ng presyo sa kuryente. Sinasabi ng TAPP na kailangan mas tumaas sa 70 porsyento ang pagmamay-arian ng mga pribadong kumpanya sa mga power plants ng bansa.

Kung mapatupad ang TAPP, hindi na natin maaasahang bababa ang presyo ng kuryente sa bansa.

10Pinag-usapan sa APEC ang madulas na kalakaran ng US sa Asya sa pagpapatupad ng TPP

APEC Leaders’ Meeting | Litrato mula sa www.government.ru

 

Pinangungunahan ng US ang pagbuo ng free-trade area sa rehiyon ng Asya Pasipiko. Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Trans-Pacific Partnership (TPP) na malayang pinag-usapan sa nagdaan na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Maynila noong Nobyembre.

Ang pagbubuo ng malayang kalakaran sa Asya ay isa sa mayoryang programang dala ni Pangulong Obama na tinatawag niyang ‘re-balancing Asia’. Siya mismo ang nagsabing malaking ambag ang magagawa ng madulas na kalakalan sa rehiyon sa pagbabalik-sigla sa ekonomiya ng US. Ilan sa isasakatuparan nito ay ang pagtanggal ng natitirang balakid sa pamumuhunan, mahigpit na pagsasakatuparan ng intellectual property laws na nagbubunga ng monopolyo, at pagbibigay ng kalayaang magsampa ng kaso ang mga pribadong kosporasyon laban sa mga estado sa harap ng international tribunal. At para maging miyembro ng TPP ang Pilipinas, nangangailangang magbago ng konstitusyon ang bansa.

Nagpahayag na si Pangulong Aquino ukol sa interes ng Pilipinas na sumali sa TPP. At kung maging ganap na miyembro ang Pilipinas sa kasunduang kalakaran, tiyak na lalakas ang kontrol ng US sa ekonomiya ng Pilipinas.

9Binigyang pahintulot ang US na gamitin ang pasilidad pangmilitar ng bansa sa pamamagitan ng EDCA

Balikatan exercises | litrato mula sa https://www.dvidshub.net/image/1898526

 

Para palakasin ang relasyong pangmilitar ng US at Pilipinas, pinirmahan ang kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong Abril 2014. Pandagdag ito sa mga nagpapatuloy na mga kasunduan tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1999 at Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951. Nakalakip sa kasunduang ito ang palagiang pag-iikot ng mga sundalong Pilipino sa iba’t ibang base ng AFP, pagbaba ng kagamitang pang-militar sa bansa, at paggamit ng mga pasilidad. Ito ay kapalit ng pagprotekta ng US sa Pilipinas.

Marami ang nag-akyat ng petisyon laban sa pagsasakatuparan ng EDCA. Dahilan ang permanenteng pananatili ng militar ng US sa Pilipinas na sagka sa soberanya ng bansa. Ang iba naman ay pinoprotesta ang pag-abuso ni Pangulong Aquino sa kanyang kapangyarihan sapagkat ay kasunduang EDCA ay isang tratado na dapat dumaan muna sa Kongreso at Senado.

Sa kasalukuyan ay naghahanda pa rin Korte Suprema sa usaping ligalidad ng EDCA dahil naiurong na naman ang court ruling sa nabanggit na kasunduan.

8Pagsagawa ng operasyong pangmilitar sa pamamagitan ng relief work para sa Bagyong Yolanda

mula sa http://www.dvidshub.net

 

Mabilis na nagresponde ng US troops nang lubhang nasalanta ng Bagyong Yolanda ang Eastern Visayas. Agarang nag-deploy ng aircrafts, cargo planes at naval vessels sa mga naapektuhan ng bagyo; kasama na ang pagdala ng mga relief goods at kagamitang pang medikal.

Ayon sa doktrinang ‘population-centric’ na sinusulong ng US Counter-insurgency Guide, kasama ang humanitarian aid work, gaya ng pagtulong sa natural disasters, sa operasyong pangmilitar ng sundalong Amerikano. Kaya itinuturing ang relief work sa Yolanda bilang joint military operation ng US at ng Pilipinas. Maraming kumundena sa gawaing ito ng US na tinawag ding “disaster militarism” o ang paggamit sa mga kalamidad o disaster para sa layuning pang-militaar, gaya ng paniniktik, pagbabase, at iba pa.

7Pumasok sa Subic ang nuclear attack submarine USS Cheyenne

USS Cheyenne | mula sa wikipedia.org

 

Isang linggo matapos sirain ng USS Guardian ang parte ng Tubbataha Reef, isang US nuclear attack submarine USS Cheyenne ang dumaong sa Subic, Zambales. Ang submarine na ito ay may cruise missiles na siyang ginamit sa Iraq noong labanan sa rehimen ni Saddam Hussein.

Ayon sa konstitusyon ng Pilipinas, ipinagbabawal ang pagpasok ng mga nuclear weapons sa loob ng bansa. Ngunit sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA), nakakapagpasok ang US military ng anumang gamit na hindi kailanang kumpirmahin o inspeksiyunin ang laman. Mas lalo pa itong pinatibay at pinalawig ng EDCA.

6Nagbigay ng mga barko si Obama para lumakas ang hukbong-dagat ng bansa laban sa Tsina

Ang M/V Melville | mula sa wikipedia.org

 

Para bigyang-daan ang ‘Pivot to Asia’ na kampanya ni US President Obama, nangako siyang tutulungan ang Pilipinas sa pagpapalakas ng hukbong-dagat nito. Kaya naman bago idinaos ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), nagbigay ang US ng dalawang barko: isang US Coast Guard cutter na Boutville at isang research vessel na R/V Melville. Dagdag pa ito sa dating ibinigay na isa ding US Coast Guard cutter.

Sabi ni Obama, ang paghahandog ng mga kagamitang pandagat ay naglalayong bigyang kakayahan ang Pilipinas na protektahan ang mga dagat ng bansa at rehiyon laban sa pag-angkin ng Tsina lalo na sa South China Sea. Ngunit ang totoong layunin ay nasa planong ‘Pivot to Asia’ mismo, kung saan nais ng US protektahan ang mga interes nito sa rehiyon at itayo ang mga base nito sa pinakamaraming estratehikong lugar.

5Pinasok at sinira ng USS Guardian ang Tubbataha Reef

USS Guardian | litrato mula sa US Navy

 

Pagpasok ng taong 2013, pinasok ang Pilipinas ng isang 224-foot na minesweeper USS Guardian ang Tubbataha Protected Area. Parte ng tinaguriang importanteng lokasyon ng marine and biological diversity ang nasira sa pagpupumilit ng barko na dumayo papuntang Indonesia mula Subic. Tatayang isang henerasyon pa ang itatagal bago mapalitan ang nasirang mga coral.

Naging usap-usapan na ang presensiya ng USS Guardian sa Tubbataha Reef ay bahagi ng pamamasyal ng sundalong Amerikano. Tiyak na kayang alamin ng isang minesweeper na sasadsad ito sa mga corals. Kaya’t hindi maipaliwanag bakit nag-angkla ito malapit sa bahura kung saan may malalakas din alon na maaaring tumangay dito sa mga bahura. Kinundena ng mga Pilipino ang pagkawasak ng kalikasan, ngunit ang gobyerno ay pinaligtas sa napakaliit na danyos ang US.

4Naglunsad ng taunang military exercises ang US kasama ang AFP

Balikatan exercises 2015 | mula sa www.dvidshub.net

 

Ang Balikatan exercises ang taunang joint military exercises ng mga armadong pwersa ng Pilipinas at ng Estados Unidos para sa pagsasanay sa hukbong sandatahan ng Pilipinas.

Dahil kasama sa programa ng administrasyong Obama ang pagpapatibay ng national at regional security ng mga bansa sa Asya-Pasipiko, masigasig na ipinagpapatuloy ng Estados Unidos ang ganitong programa sa Pilipinas. Subalit kung ating sisipatin, ginagamit ang Balikatan exercises para sa programang counter-insurgency ng US sa buong mundo gayundin ang pagpapalakas ng presensiya at impluwensiya nito sa mga bansang kinukubabawan nito.

3Pinalabnaw ang hatol kay Pemberton sa kasong pagpatay kay Jennifer Laude

Joseph Scott Pemberton

 

“I think I killed a he/she,” sa pag-amin ni Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa dalawa niyang kasamahang US Marine ukol sa pagkamatay ni Jennifer Laude. Nahatulan si Pemberton ng ‘homicide’ kaysa sa isinampang kasong ‘murder’. Mula sa 20 taong sentensiya, naging anim o walong taon na lamang ito. Mula sa Bilibid ay nakapiit si Pemberton sa isang bagong-tayo’t kumportableng kulungan sa Joint US Military Assistance Group (JUSMAG) detention facility.

Hindi na bago ang ganitong hatol sa mga kaso ng mga US Marine. Noong 2005, nagsampa ng kasong rape si Nicole laban kay Lance Corporal Smith ngunit noong 2009, nabalewala ang sentensiyang 40 taong pagkakabilanggo nang makipag-areglo si Nicole sa US at (hindi man nakulong) agarang pinalaya at pinabalik sa Estados Unidos si Smith.

Malaki ang papel ng VFA sa pagpapalabnaw ng mga hatol sa mga Amerikanong sundalong nananatili sa Pilipinas. Nakapaloob sa kasunduan ang pagkakaroon ng pasyang ibigay ang mga Amerikanong sundalo sa kustodiya ng US.

2Pagmando ng US sa Oplan Exodus sa Mamasapano

Nayanig ang mga mamamayan noong nalamang napatay ang 44 Special Action Force (SAF) commandos ng Philippine National Police (PNP), 18 Moro fighters, at 5 sibilyan sa sagupaan ng SAF at hukbo ng MILF sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong ika-25 ng Enero 2015. Sinasabing target ng Oplan Wolverine o Exodus si Zulkifli bin Hir o kilala bilang Marwan. Si Marwan ay kasama sa listahan ng mga terorista na inilabas ng US Armed Forces.

Base sa ulat ng isinagawang fact finding mission noong Pebrero, may nakitang isang foreigner na sundalong namatay sa engkwentro. Ayon sa saksi, kinuha ang labi ng helicopter ng US. Liban pa rito ay may nakuhang footage na pinakita ang dayuhang sundalong patay at nakahilata sa damuhan. Nalantad din ang pagpopondo ng US sa Operation Wolverine / Exodus, pagsasanay sa SAF at pagmamando mismo ng mga ahente ng US military sa operasyon. Ang pangyayaring ito ay malubhang pagyurak sa soberanya ng bansa na pinahintulutan ni Pangulong Aquino.

1Pagkopya ng US Counter-insurgency Guide sa programang Oplan Bayanihan ng AFP

mula sa ST Exposure

 

Ang kontra-insurhensyang programa ng Oplan Bayanihan ay parte ng Internal Peace and Security Plan (IPSP) na binuo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng administrasyong Aquino. Layunin nito ang pagpapanatili ng ‘peace and security’ ng bansa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng armadong pwersa sa mga mamamayan.

Nakalakip sa IPSP ang apat na importanteng elementong kaparehas sa US Counterinsurgency Guide (US COIN) na inilathala ng US Secretary of State, Secretary of Defense at Unites States Agency for International Development (USAID) noong 2009. Kaagapay ng apat na mga elementong ito layuning supilin ang mga insurhensya sa bansa. Ang guide na ito ay inilalapat ng US sa Iraq at Afghanistan.

Sa Pilipinas, ang Oplan Bayanihan ang tumatayong programang kaalinsabay sa kontra-insurhensiya ng Estados Unidos. Oplan Bayanihan ang puno’t dulo ng malalang rekord sa karapatang tao sa bansa.

Iilan lamang ito sa mahabang rekord ng pagkubabaw ng US sa Pilipinas. Kaya ang tanong ngayon, tunay nga ba tayong lumaya mula sa US?

 

[ess_grid alias=”TOP 15 GRID”][/ess_grid]