“Umabot na ng 23.3 million ang ating enrollees. Everyday, patuloy parin ang late enrollees. Ibig sabihin ang mga parents ay buo ang tiwala sa DepEd,” ani Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa kanyang press briefing ngayong Agosto 17.

Sa datos ng ahensya, umabot na ngayong Agosto 17 sa 83.88% sa mga nag-enrol noong nakaraang school year ang nag-enrol sa bagong school year sa pampubliko at pribadong paaralan at sa mga state universities at colleges.

Pinuna ng grupong Anakbayan NCR ang pahayag ni Briones.

“Maraming nag-enrol kasi marami nang gusto mag-aral. ‘Yung 400,000 na sinabi mismo ng DepEd na lumipat sa pampubliko dahil na rin sa maraming nawalan ng kabuhayan, nasa kalahati ng labor force sa bansa ayon sa survey ng SWS, gusto rin nila mag-aral kaya lumipat sila sa walang mataas na tuition na babayaran. Pero hindi pa tiyak ng mga nag-enrol sa public kung makaka-comply ba sila sa programang inihain ng DepEd kung saan kalakhan ipapasa sa estudyante, magulang at pamilya ang pag-aaral,” ani Mark Fernando, Tagapangulo ng Anakbayan NCR.

Ang nag-enrol sa pampublikong paaralan ay 21.64 milyon (92.8%), habang sa pribado ay 1.62 milyon (6.95%).

“Ang ibig sabihin nito, sa 23.3 milyon na nag-enrol ay mababa pa sa 1.62 milyon ang nakapagpatuloy na sa pag-aaral. Nagsimula na ang pasukan sa maraming pribadong paaralan. Pero ‘yung sa pampubliko, hindi pa rin magsisimula at umaasa sa gobyerno kung anuman ang maaasahan mula rito,” ani Fernando.

Batay sa datos ng DepEd, mayroon pang 4.3 milyong mag-aaral mula sa nakaraang school year ang hindi pa nag-eenrol.

“Maraming hindi makakapag-aral, higit 4 milyon pa yung hindi nag-enrol. Marami nang napag-iwanan ngayon pa lang, at maraming tiyak na hindi makakapag-aral sa programang inaalok ng DepEd na distance learning. Itong program nila sa edukasyon ay sumasalamin sa kainutilan ng gobyerno sa pandemya at katamaran ng DepEd na gumawa ng mga pag-aaral at paghahanda kung paano sa pinakamadaling panahon ay makakabalik sa pisikal na pagpasok sa klase kung saan may guro ang mga estudyante at may pasilidad ang mga paaralan,” ani Fernando.

Dagdag niya, ang pagsuspindi sa pasukan ay hindi lang naglalarawan ng pagiging hindi handa ng DepEd, kundi nagpapahiwatig din sa kapalpakan ng gobyerno sa pandemya.

“Kung gaano katagal nabibinbin ung pag-aaral na higit 90% sa mga nag-enrol ay ganoon din natatagalan ang kapalpakan ng gobyernong ito sa pagharap sa pandemya, kaya’t pati ang edukasyon ng kabataan ay nasagasaan na,” ani Fernando.

Noong Agosto 15, sinuspindi muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang petsa ng pagbubukas ng pasukan. Sa halip na Agosto 24, magsisimula na ito sa Oktubre 5. Sa Republic Act (RA) 11480 na naisabatas noong Hulyo 17, maaari nang itakda ng pangulo ang araw ng pagsisimula sa klase. Sa dating batas na sinusunod na RA 7797, nakatakda ang pagbubukas ng klase sa pagitan ng unang Lunes ng Hunyo at huling araw ng Agosto.

“All systems go tayo for October 5. Mayroong nakaumpisa na. Hindi natin yan pipigilan lalo na sa private schools. Sumunod lang sila sa atas ng Presidente na sundin ang requirements ng DOH,” ani Briones.

Mula pa Marso 9 kinansela ni Duterte ang klase sa mga paaralan, o ilang araw matapos makumpirma ang lokal na transmisyon ng COVID-19 sa bansa. Lampas limang buwan nang kanselado ang klase sa elementarya at hayskul.

Sa muling pagkaurong ng pasukan sa Oktubre 5, magtatapos ang school year sa Hunyo 16, 2021 para makaabot sa tinakdang 200 hanggang 220 araw ng pasok. Ang bakasyon sa Pasko ay mula Disyembre 20 hanggang Enero 3, 2021.

Sinabi naman ng DepEd na gagamitin nila ang isa’t kalahating buwang suspensyon ay gagamitin nila para sa mga usapin sa mga lugar na may limitasyon sa lohistika sa mga erya na nakapailalim sa lockdown. Aayusin din nila ang mga nakitang mali sa mga isinagawang brodkas.

“More than 500 na ang dry runs saka simulation. Ipagpatuloy itong mga dry-runs hanggang October,” ani Briones.

Dahil sa utos na suspensyon, nilinaw naman ng DepEd na maaaring magpatuloy o magsimula ng klase ang mga pribadong paaralan basta’t walang face-to-face classes.

 

Natatagalan naman ang mga grupo ng pribadong paaralan sa Oktubre 5 na pagbubukas ng klase na sinabi nilang masyado nang matagal na naantala ang pag-aaral ng mga kabataan.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here