“Shutdown International Monetary Fund – World Bank (IMF-WB)!” ang sigaw ng mga nagkilos-protesta sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa harap ng Department of Finance (DOF) ngayong araw kaalinsabay ng gaganaping pulong ng IMF-WB sa Marrakech, Morroco.

Ayon kay BAYAN chair Raymond Palatino, maglulunsad din ng People’s Conference na sasabayan ng kilos-protesta ng mga organisasyon sa iba’t ibang panig ng mundo para kundenahin ang dikta ng IMF-WB sa mga programa at polisiya ng mga bansa tulad ng Pilipinas.

Taong 1945 o higit 78 taon na ang interbensyon ng dayuhang banko ng IMF-WB sa Pilipinas para tustusan ang mga proyekto ng bansa partikular sa ekonomya, imprastruktura, at iba pa.

Epekto ng programa, patakarag dikta ng IMF-WB sa sektor ng agrikultura

Lubos na pagpapahirap sa bahagi ng mga magsasaka ang dulot ng mga proyekto at patakarang umusad gamit ng pondong inutang sa IMF-WB tulad ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.

Ayon kay AMIHAN secretary general Cathy Estavillo, nagresulta ang SPLIT sa malawakang pagpapaalis at pagkamkam ng mga lupain ng mga magsasaka.

“Ito ay magreresulta ng malawak na displacement ng magsasaka para umano kagyat o mabilis na isanla sa mga banko ang lupa. Labag ito sa karapatan ng mga magsasaka na magdesisyon sa kanilang karapatan sa lupa gayundin sa pagtatanim ng gusto nilang itanim dito,” ani Estavillo.

Dagdag pa niya, nakararanas ng pananakot at panggigipit ang mga magsasakang lumalaban sa proyektong SPLIT sa mga lugar kung saan ganap na ang implementasyon nito.

“Sa ilang lugar kung saan inimplementa ang SPLIT, ayaw ng mga magsasaka at ipinaglalaban ang kanilang lupa. Pero kasama ang Department of Agrarian Reform (DAR) at ang mga pulis, sila ay nagpupunta sa bahay ng mga magsasaka na ayaw ipaloob ang lupa nila sa SPLIT. Ganito kagahaman ang DAR at ang pangangayupapa ng DOF sa mga dayuhang namumuhunan sa atin,” aniya.

Kinondena rin ni Estavillo ang itinutulak na gawing 10-0% ang taripa para sa inaangkat na bigas sa bansa na magtutulak muli sa mga magsasakang ibenta ang kanilang ani sa mababang presyo. Aniya, malaking pinsala ito sa kabuhayan ng mga magsasaka at kabiguan nitong ibaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Ayon sa AMIHAN, Rice Liberalization Law (RLL) ang mismong framework ng tarrification kung bakit itinutulak ang zero tarrif o reduction.

Ang Republic Act 11203 (RA 11203) o mas kilala sa tawag na RLL ay nilagdaang batas ng dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 14, 2019. Biibigyang laya rin ng nasabing batas ang pangulo para sa importasyon ng bigas sa panahong hindi bukas ang sesyon sa kongreso.

“Magreresulta ito sa pagbaha ng imported na bigas at pagbagsak ng farmgate price ng palay lalo pa at papasok na ang anihan. Mula nang ipatupad ang price cap sa bigas, napaulat na ang pagbaba ng presyo ng palay na P3 hanggang P6 kada kilo. Magbibigay-daan lang ito sa higit pang pambabarat sa palay ng mga magsasaka,” dagdag na reaksyon ng AMIHAN kaugnay sa desisyon ng administrasyong Marcos Jr. sa 10-0% tarrif sa importasyon ng bigas.

Noong ika-8 ng Setyembre unang ipinanukala ni DOF secretary Benjamin Diokno ang reduction ng taripa hanggang maksimum na 10%.

“Nananawagan din tayong ibasura ang RCEP dahil magdudulot ito ng tuluyang pagpatay sa ating lokal na industriya dahil hindi kakayaning magcompete ang ating mga lokal na industriya sa mga produkto galling sa mayayamang bansa na fully subsidized ng kanilang gobyerno.

Ilan pa sa panawagan ng grupong AMIHAN ang sumusunod:

  • Itigil ang pambabarat sa presyo ng palay ng mga magsasaka at bilhin sa presyong hindi bababa sa P20 kada kilo;
  • Ibaba kagyat ang presyo ng bigas para maging abot-kaya, accessible at ligtas sa mamamayan;
  • Magbigay ng subsidyo, ayudang hindi bababa sa P15,000, at suportang serbisyo, probisyon ng serbisyong irigasyon, post-harvest facilities, at suporta sa merkado, atbp;
  • Dapat buwagin ang rice cartel at parusahan sila sa pagmamanipula sa presyuhan ng palay at bigas at alisin sa kontrol nila ang buong industriya ng bigas at estado ang dapat na kumontrol;
  • Dapat singilin ang kapabayaan ni Marcos at Department of Agriculture at sabwatan nila ng mga sindikato sa agrikultura ng bansa:
  • Itigil ang import-liberalization at mga patakarang neoliberal, pagbasura sa Rice Liberalization Law, World Trade Organization – Agreement on Agriculture, at Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), at iba pang mga importation orders;
  • Pagsasabatas ng food security bills na inihain ng Makabayan reps katulad ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB), Rice Industry Development Act (RIDA) at iba pa;
  • Pagpapanatili ng mga magsasaka sa lupa, pagpapalawak ng mga sakahan, kultibasyon ng mga lupang tiwangwang, at pagpapatigil sa kumbersyon ng lupang agrikultura. Ipaglaban ang pagpapatupad ng Tunay na Reporma sa Lupa

Isulong ang tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon

Ayon sa League of Filipino Students National Capital Region (LFS-NCR), hindi rin kawala ang mga kabataan sa usapin ng komersyalisasyon pagdating sa sektor ng edukasyon.

“Isang halimbawa ang K-12 na gagawing K+10+2 na isasabatas ngayon, mas lalong mapapaga ang mga kabataan ngayon na sa pagtatapos pa lamang ng junior high school ay magttrabaho na ngayon. Pilit na nilalako ng gobyerno natin kasabwat ang IMF at World Bank sa dikta ng imperyalismong US. Pagpapahirap lamang ang dulot nito sa mga kabataang estudyante,” ani LFS spokesperson Joel Solde.

Giit ng mga nagprotesta na dapat nang kumawala ang Pilipinas sa “modelo ng pag-unlad” na dikta ng IMF at WB.

“Hindi natin makakalimutan ang IMF-WB na isa sa nagpautang sa gobyerno ni Marcos Sr noong batas militar. Hindi natin makakalimutan ang structural adjustment program na nakabatay sa maraming kondisyon na lalong nagpahirap sa ating ekonomya. Dahil sa IMF at WB, ipinatupad ang deregulasyon, liberalisasyon, at pribatisasyon. Dahil dito lumaganap anng importasyon, nagsara ang mga pabrika sa Pilipinas, nalugi ang mga magsasaka. Dapat managot ang WB at IMF kung bakit nanatiling mahirap ang mga Pililpino,” pagsusuma ni Palatino.

Panawagan ng mga grupo na kailangan ng bansa ng isang pamahalaan na magsusulot ng pag-unlad na nakaangkla sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here