Sa pagkalabit ng Gatilyo: Isang preview sa unang album ni BLKD at DJ Umph

ni Rogene A. Gonzales

0
4936
[ultimate_spacer height=”1000″]

Sa pagpanday ng Gatilyo: Isang preview sa unang album ni BLKD at DJ Umph

Nitong Setyembre 4, nakabilang ang Manila Today sa mga unang tagapakinig sa collaboration album ni BLKD at DJ Umph na opisyal na ire-release sa darating na Setyembre 18.

 

mula sa Instagram ni switchtrik
mula sa Instagram ni switchtrik

 

Kulang-kulang 25 katao kaming sabik na nag-antabay sa ekslusibong listening party sa loob ng Treskul Records & Cafe, sa Bonifacio Avenue, Mandaluyong – isang hub na magsisilbing bagong base ng eksenang hip hop sa Maynila. Simple lamang ang sisté: patutugtugin nang isang pasada ang buong 9-track album habang ninanamnam naman ito ng mga tenga namin.

 

Gatilyo ang pamagat ng album. Marahil ang unang magiging pagtingin mo: maangas o malupit, dahil mistulang nakakabit ito sa kulturang gangster.

Pero tulad ng identidad ni BLKD bilang hitik sa pagbitaw ng mga linya o bars na makahulugan sa kaniyang rap battles – matutuklasang ibang “angas” at “lupit” ang tinutukoy niya rito. Sa intro track pa lamang, ilalahad niya na: “Pagmulat ay pagkasa, tayo ang gatilyo.”

 

 

Si BLKD bilang tibak at battle emcee

Nakilala si BLKD sa unang taon pa lamang ng FlipTop noong 2010. Tatak niya sa pagba-battle rap ang pagiging “malalim managalog,” puno ng “double meaning,” at pagkakaroon ng political sense. Aabangan ito lagi ng mga manonood tuwing maisasalang siya sa laban. Nitong 2014, naging runner-up pa siya sa FlipTop Isabuhay Tournament.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, nagsimula lamang si BLKD bilang simpleng tagapakinig nina Gloc-9 at Eminem. “Bata pa ako ay nakahiligan ko na ang rap o hip hop in general; pero dati masaya na ko sa pagiging tagapakinig lang at tagasuporta ng mga iniidolo ko,” aniya. Bilang lumaki sa Naic, Cavite – bayan ng mga magsasaka at mangingisda – naging likas na kay BLKD ang tipo ng pananalita ng mga Kabitenyo. “Hindi ako nalalaliman doon (sa pananalita ko). Nagkataon lang siguro na ‘yung mga salitang ginagamit ko ay normal lang sa amin pero hindi gaanong naririnig sa FlipTop.”

 

Nang mag-aral siya ng B.S. Community Development sa Unibersidad ng Pilipinas, naging bahagi siya ng Sinagbayan, isang grupo ng mga alagad ng sining. Sa panahong ito niya rin mababasa at makikilala ang kaniyang mga impluwensiya sa paggawa ng mga tula na sina Axel Pinpin at Ericson Acosta, na kapwa naging detinidong pulitikal. Ilang buwan pagkatapos niyang maging miyembro ng Sinagbayan, sumubok si BLKD sa tryouts ng FlipTop.

 

“Hopefully, sa pamamagitan ng Gatilyo, mas maipapaliwanag ko sa kanila ang aktibismo o ang aking mga adbokasiya. Sana’y makatulong itong mamulat sila sa mga isyung panlipunan, at mahimok na kumilos para masolusyunan ang mga ito,” saad niya.

 

Gawaing teatro ang kanilang magiging tutok sa Sinagbayan kaya, aniya, magiging pamilyar na siya sa mga proyektong “collaborative.” Dito rin siya mamumulat sa pangangailangang maging aktibista o “tibak,” na madalas ding gamiting tampulan ng mga katunggali niya sa FlipTop. Pero sa pakikipagtalakayan ni BLKD sa lahat ng nakalaban niya sa entablado, wala naman talagang hindi sang-ayon sa aktibismo at sa halip pa nga’y nakasuporta ang mga battle emcee rito. “Sa rap battle kasi,” paliwanag niya, “kung ano ‘yung alam mong nasi-stick-out na katangian ng kalaban mo, na alam din ng crowd, ‘yun yung mga gagamitin mo.” Ang nais lamang basagin ni BLKD sa ganitong anggulo ng pag-atake sa kaniya sa FlipTop ay ang “stereotyping” o maling pag-unawa ng crowd sa konsepto ng aktibismo.

“Hopefully, sa pamamagitan ng Gatilyo, mas maipapaliwanag ko sa kanila ang aktibismo o ang aking mga adbokasiya. Sana’y makatulong itong mamulat sila sa mga isyung panlipunan, at mahimok na kumilos para masolusyunan ang mga ito,” saad niya.

 

si DJ UMPH Ang katuwang ni BLKD sa paglikha ng album
si DJ UMPH Ang katuwang ni BLKD sa paglikha ng album

 

Sa kumpas ng beats ni DJ Umph

 

Si DJ Umph ang nagsilbing beat producer at arranger ng Gatilyo. Ang naging proseso ng paglalapat niya ng hip hop beats at melody ay batay sa naging kapâ niya sa temang tinalakay ni BLKD. “Tinry ko lang na magkaroon siya ng cohesive na piece, na nagfo-flow kahit iba’t iba‘yung topics. Hindi tumatalon kundi may koneksyon,” paliwanag niya. Kadalasan kasi sa paglikha ng rap songs, nauunang gawin ng DJ ang beats at aangkop na lamang ang rapper mula rito. Kaya aminado siyang relatibong nahirapan siya sa kanilang proseso dahil naging trial-and-error ang ilang tracks bago makuha ang akmang tugtog.

Hindi na bago kay DJ Umph ang mga paksang tinalakay sa Gatilyo.Ang mga magulang niya mismo ay mga aktibista noong panahon ng Martial Law ni Ferdinand Marcos.

Hindi na bago kay DJ Umph ang mga paksang tinalakay sa Gatilyo.Ang mga magulang niya mismo ay mga aktibista noong panahon ng Martial Law ni Ferdinand Marcos. Umabot pa sa puntong nakulong ang kaniyang tatay ng dalawang taon dahil dito. Kaya agad siyang pumayag na maging DJ nang ibukas ni BLKD sa kaniya ang proyekto na kulang-kulang isang taon ang inabot bago mailuwal. “It was something like, I grew up in these stories, to what happened to my parents and their friends,” kwento niya. Ilan sa tracks ay kapansin-pansing mayroong “eerie” o nakapangingilabot na himig batay na rin sa kaseryosohan ng tema. Ang iba nama’y kakaiba’t tiyak na mapapa-head bob ka kapag narinig mo.

 

Lumaki at nanirahan si DJ Umph sa Berkley, California. Late 1980’s niya unang natuklasan ang hip hop mula sa pakikinig ng kaniyang mga pinsan. “I was old school; I was a kid and I never heard anything like it. So from there I was hooked! From the Beastie Boys, DMC, NWA, Public Enemy – those were the things that I listened to,” kuwento niya.

 

Second year high school siya nang lumipat ng Pilipinas at noong early 2000 siya bumili ng equipment upang seryosohin ang pagiging DJ dito. Masasabi niyang nasa panahon pa rin ang Pilipinas ng “pagtutuklas” ng mga rap artists kung ikukumpara sa Amerika na marami nang malalaking pangalan sa larangang ito. Sa ngayon, bukod sa pagiging DJ, siya rin ang opisyal na videographer at taga-upload sa Youtube ng videos ng FlipTop.

 

Sa diwang rebolusyonaryo ni Bonifacio

 

Samu’t saring mga pagbangga sa kanser ng lipunan ang laman ng lirisismo ni BLKD. Walang takot na maglalantad upang gapiin ang mga kamalayang bulok at pang-aalipin ng iilang makapangyarihan. Mula rito, masusi niyang ilalahad ang solusyon.

 

Isinulat lahat ito ni BLKD habang isinasaisip ang prinsipyo ni Andres Bonifacio na ginamit ang kaniyang tapang at dunong sa paglulunsad ng rebolusyon. Tulad din ni Bonifacio na gumamit ng tabak at baril, tila mga patalim at bala sa kaaway ng sambayanan ang bawat binigkas na taludtod.

 

Sa“Mayyaman,” halimbawa, pinili niyang gamitin ang persona bilang “Ako ang Perlas ng Silangan.” Nakaistruktura ito na tila unang kabanata ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero, o ang paksang “Mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino.”

 

Ang disenyo ng pabalat ni BLKD
Ang disenyo ng pabalat

 

 

Sa “Bente” naman, ilalantad ni BLKD ang esensiya ng ating panlipunang eksistensya ngayon: ang barya-baryang kita mula sa ubos-pagod man o kapit-sa-patalim na hanapbuhay. Walang anumang bahid ng paninisi si BLKD rito at sa halip ay itinatahi niya ito bilang pangkalahatang kuwento ng sistema ng ekonomiyang kailangan nang palitan.

 

Sa halip, tutukuyin sa kantang “Gastador” ang mga sanhi ng problemang nararanasan ng mamamayan. “Lechon na kayo bukas makalawa!” ang magsisilbing korus ng pagtitimpi at galit nating lahat sa mga kawatan. Ibubulong ng “Taksil” ang iba’t ibang uri ng kataksilang kinahaharap at maaring kaharapin natin kung hindi magiging maingat sapagkat “nand’yan lang sila.”

 

Natatangi rin sa album ang kantang “Para San Ang Tapang Mo?” bilang kritika sa nauusong gangsterismo sa hanay ng kabataan. Sa huling bahagi ng track, maririnig ang hamon ni Jose Rizal sa katauhan ng nasa bingit ng kamatayan na si Padre Florentino: “Nasaan ang kabataang dapat mag-alay ng kaniyang kasariwaan, ng kaniyang mga panaginip at sigasig ukol sa kabutihan ng kaniyang Inang Bayan?”

 

Sa “Sugod” tila Sigaw sa Pugadlawin niyang isasatinig ang “Mga kapatid, sugod!” Kasama ang huling track na “May Pag-asa” (na siyang nom de guerre ni Bonifacio sa Katipunan), ihahain ni BLKD ang pangangailangan para sa kolektibong pagkilos at pagbibigkis ng ating mga adhikain.

 

 

Ang pagmarka ng Uprising bilang alternatibo

 

Malaki na ang inunlad ni BLKD mula nang siya’y nagsimula bilang battle emcee, ayon kay Anygma o Alaric Yuson, ang tagapagtatag ng FlipTop, executive producer ng Uprising, at isa sa pangunahing nagtataguyod ngayon sa eksena. Ang Uprising ay isang hip hop collective at independent record label na binuo nila noong 2013.

 

anygma
mula sa FB page ni Anygma

Aminado si Anygma na si BLKD ang “pinakapulitikal” sa grupo. “Aral si BLKD sa mga teorya, hindi katulad ng iba. Madali lang ang maging makabayan, pero iba rin ‘yung galaw, iba rin ‘yung teorya,pag lubog ka talaga sa gano’n. At hindi lang basta-basta na ma-traslate mo ‘yun sa lyrics na malupit at epektibo. Kumbaga dahil dito, masasabi ko, tumataas talaga lagi ‘yung antas ng hip hop, sa lyricism at siyempre ngayon sa pagiging socially aware pa,” diin niya.

 

Naniniwala si Anygma na kung hindi ka man pamilyar sa mga isyung pulitikal o sa aktibismo, mauunawaan mo pa rin ang mga paksa ni BLKD sa Gatilyo; kung ano ‘yung perspektibong binubuo niya sa mga kanta. Dagdag pa ni Anygma (na aminado rin namang ganito ang turing niya sa iba pang produkto ng Uprising), “Parang krimen na kung hindi pa ito pakinggan ng ibang tao.”

kjah
si BLKD at KJah. Mula sa FB page ni KJah

 

Ganito rin ang pagtingin ni KJah, isa rin sa mga miyembro ng Uprising at kasabayan ni BLKD sa pagpasok sa FlipTop. Featured rapper si KJah sa track na “Kawal” na tumatalakay sa tungkulin ng mga alagad ng sining na palayain ang ating kamalayan sa gapos ng kabalintunaan.

 

Para kay KJah, bagama’t masasabi niyang lahat ng klase ng kanta ay maaaring makatulong sa tao – lalo pa’t marami sa mainstream music ngayon ay pawang love song o pangmasa – ang mahirap sa ngayon ay “kakaunti lamang ‘yung gumagawa ng makabuluhan.” “Etong mga awitin na inaalay namin, at mga inaalay ni BLKD dito sa album na ‘to, ito yung makakatulong sa bayan [at] sa sarili kapag napakinggan,” saad niya.

 

Ang Gatilyo ang ikaapat na album na inilabas ng Uprising; ang iba pa ay ang Sa Gitna Ng Prusisyon ni KJah (Hunyo 2013), 5AM In Manila ng Fil-Am rap artist na si Bambu (Enero 2014), at Ganti Ng Patay ni Zaito (Agosto 2014). Ngayong darating na Nobyembre naman, nakatakda ang pagre-release ni KJah ng kaniyang bagong album na Agiw Sa Aking Talambuhay, na papaksain ang mga personal niyang pakikibaka bilang isang laki sa hiwalay na pamilya.

 

Ayon kay BLKD, prinsipyo ng Uprising ang paglikha ng sariling brand ng hip hop na dumadaan sa prosesong “hukayin ang kaibuturan ng utak at puso, at ang mga paksa na nais isigaw ng damdamin.” Bagama’t ganito ang tindig ng grupo, nagkakataon ding mayorya sa kanilang inilalabas ng tracks ay may panlipunang adbokasiya.

 

rise4
Tumungo si BLKD kamakailan upang sumuporta sa mga Lumad.

 

Napapanahong mga paksa, makabuluhang mga tugma

 

Sa loob at labas man ng mundo ng hip hop, nagpapatuloy ang pakikisangkot ni BLKD sa mga isyung nararapat tugunan ng gobyerno. Tulad na lamang ng pag-perform niya sa Davao City nitong Agosto para sa isang benefit show para sa mga kabataang Lumad na hindi na makapasok sa kanilang eskwelahan dahil sa matinding militarisasyon. Nitong Setyembre 1 lamang, makahayop na pinaslang ng militia group ng Armed Forces of the Philippines sina Emerito Samarca, Dionel Campos, at Bello Sinzo – mga nagtataguyod ng alternatibong paaralan para sa mga batang Lumad sa Lianga, Surigao Del Sur.

 

“Marginalized na ang mga katutubo to begin with. Hirap sa mga rekurso, hirap sa edukasyon. Tapos dumadagdag pa ‘yang militarisasyon. Kaya ang nangyayari, napeperwisyo, nadadahas sila at napipilitang umalis sa kanilang mga lugar,” saad ni BLKD.

 

Makabuluhan at napapanahon kung gayon ang mga paksang piniling talakayin ni BLKD sa Gatilyo. Isa itong diskurso sa pagitan ng rap artist at tagapakinig. Hindi ka na lamang dapat nananatiling nakikinig sapagkat narito’t inihaharap ang isang masalimuot na katotohanan. Sa kabila ng pamamayagpag ng mga feel good o party music, walang alinlangang ipapaalala ni BLKD ang kaayusang ang mga nasa poder at nakaaalwan ay nagbibingi-bingihan at ginagawa tayong bingi sa laganap na kagutuman at karahasan.

 

Sa pagtawid ni BLKD mula sa rap battle patungo sa mas malawak na mundo ng hip hop music, hindi na lamang kalooban ng crowd o ng mga hurado ang nais niyang kunin, kundi ang simpatya ng bawat Pilipino na nararapat magkaisa laban sa pang-aapi. Sa pamamagitan ng Gatilyo na “nagpapaputok ng mga tanong, damdamin, at panawagang alay sa makatarungang pagbabago,” hindi na lamang iisang tao na katunggali niya sa entablado ang nais niyang pabagsakin gamit ang mga salita, kundi ang mismong mga tagapagtaguyod ng sistemang panlipunang sadyang malupit at pahirap sa ating lahat. #

 

11921835_1019438198077269_5735213115618426766_o

 

Gatilyo Album Launch
Setyembre 18 | 9PM
B Side, Makati City

Event Page: bit.ly/gatilyoevent