Sa pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa bansa, muling pinagtitibay ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang unang limang buwan ang relasyon nito sa Estados Unidos sa pamamagitan ng pagpapasok ng mga bagong patakarang pang-ekonomiya at militar. 

Bilang bahagi ng “pivot to Asia” ng Estados Unidos, sineselyuhan nito ang relasyon sa iba’t ibang bansa sa Asya partikular sa Indo-Pacific region para sa pagpapalawig pa sa ekonomiko at militar na kontrol nito partikular sa Pilipinas.

Ayon sa pahayag ng International League of People’s Struggle (ILPS)– Philippines, higit lamang na malalagay sa alanganin ang buhay ng mga Pilipino sa ating bansa sa mga ipapatupad ng administrasyong Marcos Jr sa balangkas ng patakaran ng US. 

“Ang mga patakarang pang-ekonomiya na ito ay angkop na angkop sa loob ng Indo-Pacific Economic Framework na nagsisilbi lamang sa interes ng mga multinasyunal na korporasyon sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino na matagal nang nagdurusa sa mga epekto ng mga imperyalistang neoliberal na patakaran na nagpalala lamang ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa bansa,” banggit ng ILPS – Philippines.

“Sa pagkukunwari ng ‘partnerships and synergies’, lantaran ding isinubasta ni Marcos Jr. ang mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng patakaran ng kanyang ama sa labor export kung saan maaaring kumita ang mga korporasyon at mamumuhunan ng US,” dagdag ng grupo.

Matatandaang bago pa man bumisita si Harris sa bansa, nauna nang pumunta si Marcos Jr sa Estados Unidos nitong nakaraang Oktubre. 

Sa kanyang mga talumpati, dinidiin ni Marcos Jr ang pagiging bukas ng bansang Pilipinas sa malayang kalakalan sa mga dayuhang korporasyon. Ayon mismo sa pangulo, susundin ng Pilipinas ang “open, inclusive, and rules-based international order.” 

Mula rito, naglabas ng pagsusuri ang Ibon Foundation na bagama’t lilikha ng 112,285 na trabaho ang dala ni Marcos Jr na P230 milyong dolyar na invesment, nananatiling mahina pa rin ang ekonomya ng bansa dahil hindi naman nakatuon ang ‘investments’ na ito para sa agrikultura at pambansang industriya ng bansang Pilipinas.

“Iba sana kung ang dapat na investment commitments ay pagsuporta sa isang bago at orihinal na pambansang istratehiya ng industriyalisasyon ng Pilipinas,” paliwanag ng Ibon Foundation.

“Gayunpaman, kung sakaling ang mga ito ay magiging mga kumpanyang nakabase sa US na gustong samantalahin ang mga insentibo ng mamumuhunan nang hindi ibinabalik ang anumang bagay sa mga tuntunin ng makabuluhang pangmatagalang kontribusyon sa domestic development,” anang grupo.

Pagpapalawig ng pwersang militar 

Bukod sa patakarang pang-ekonomya, mas pinagtitibay nito ang relasyon sa Pilipinas sa usaping militar. 

Limang bagong baseng-militar ang nakatakdang ipatayo sa mga isla Palawan, Cagayan De Oro, Pampanga, Nueva Ecija, at Cebu sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). 

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), nakapanguna sa agenda ni Harris ang pagpapaigting ng militarisasyon sa bansa sa pamamagitan ng security arrangement sa ilalim ng mga hindi pantay na kasunduan ng US at Pilipinas katulad ng Visiting Forces Agreement (VFA), US-RP Mutual Defense Treaty, at Mutual Logistics Support Agreement para sa tumitinding kompetisyon nito laban sa bansang Tsina.

“Hinahanda ng US ang theater of war sa rehiyon sa pamamagitan ng pinatindi at malakihang combat exercises, at pag-deploy ng dagdag na pwersang militar at sasakyang pandigma,” ayon sa kanilang opisyal na pahayag. 

Dagdag pa, sa kasalukuyan, sinisimulan na ng US Indo-Pacific Command (INDOPACOM) ang pagpapakalat ng hukbong pandagat at pandigma ng Estados Unidos sa island chain ng Japan na babagtas patungong Timog Silangang Asya. Mula rito, tulak ng US na tapatan ang bansang Tsina sa usaping armas pandigma at pwersa sa mga isla at karagatan ng Asya. 

Kaalinsabay nito, habang pinapalawig ng US ang pwersang militar sa isla ng Pilipinas na tumutugon sa mga kasunduang ito, bibigyan ng $100 milyon ng ayudang militar ang pambansang gobyerno para sa counter-insurgency program

Simula 2015, ang Pilipinas ang nakatatanggap ng pinakamalaking ayudang militar sa buong Indo-Pacific Region. Sa ulat ng Ibon Foundation, nakatanggap na ang Pilipinas ng tinatayang US$308.5 milyon mula 2017 hanggang 2022 at inaasahang bubuhos pa sa mga susunod na taon. 

Panawagan at pagkondena laban sa imperyalistang agresyon 

Sinalubong ng iba’t ibang pagkilos ang pagbisita ni Harris noong Nobyembre 21 sa Morayta at Mendiola. 

Kinundena sa protesta ang pakikipagpulong nito kay Marcos Jr upang mas lalong paigtingin ang mga hindi pantay na kasunduan at patakaran sa ekonomiya, at militar sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Estados Unidos. 

“Sa pagbisita ni Kamala Harris, sinasabayan po nila ng halos 70 million dollars sa mga EDCA site dito sa Pilipinas. Sa pamamagitan nito, nagugulat na lamang tayo na sinasakop na ng mga base militar ng US ang buong Pilipinas,” ayon kay Ysabelle Briones, Secretary General ng League of Filipino Students – National Capital Region.

Samantala, nakatakda ring bumisita si US President Joe Biden sa Cambodia at Indonesia bilang bahagi ng US – ASEAN Summit. Nauna nang dumalo si Harris sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Bangkok, Thailand nitong nakaraang Nobyembre 18 hanggang 19 na sinalubong din ng protesta bago ito lumapag sa Pilipinas. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here