Mahilig sa videoke si Melanie dela Cruz, 44, manggagawa ng Regent Foods Corporation.

Sa tuwing maisingit ang pagdiwang ng okasyon kasama ang pamilya o mga kasama sa trabaho, nangunguna si Ate Melanie sa pagbirit ng mga paborito niyang kanta ng Aegis.

“Nakakawala ng stress sa trabaho ang pagkanta,” sabi niya.

Ngunit hindi na lamang pampawi sa pagod ang pagturing ni Ate Melanie sa pagkanta. Habang patuloy na nakatayo ang picket line ng mga nagwewelgang manggagawa ng Regent Foods Corporation, ginagamit niya rin ang kanyang boses sa pagpapaliwanag ng kanilang kalagayan sa paggawa.

Ang kantang isinulat ni Ate Melanie sa tono ng ‘Anak’ ni Freddie Aguilar

“Taong 2017 namin sinimulan ang aming laban. N’ung namulat ako sa kalagayan naming mga manggagawa, nagsimula akong mag-compose ng mga kanta habang nagrerepack,” kuwento ni Ate Melanie, na 24 taon nang namamasukan sa packaging section ng Regent.

Walang paliguy-ligoy ang mga titik ng mga kantang isinulat ni Ate Melanie, kaya tagos na tagos ang mga ito sa kapwa niya manggagawa. Idinetalye niya sa mga kanta ang pagtitiis sa mababang sahod, mahabang oras ng paggawa, kawalan ng oras sa pamilya, at maging ang pang-aalipustang natatanggap mula sa kanilang amo.

Mula [nang] kami namasukan
Sa malupit na mga dayuhan
Lahat ng pahirap nararanasan

S[o]brang init sa mga pwesto
Tiniis ng mga tao
Mas mahalaga, may trabaho

Kapitalista’y nagbubulag-bulagan
Sa baluktot na patakaran

“Hindi pa ganito kasahol ang pamamalakad dati ng kumpanya,” pagbabalik-tanaw ni Ate Melanie.

Tubong Ma-ayon, Capiz si Ate Melanie, at dumayo pa-Maynila noong 1995. Labingsiyam na taong gulang siya noon at hindi na nagpatuloy sa kolehiyo, kaya nagpasya siyang tulungan na muna ang kapatid na si Evelyn sa pag-aalaga ng kanyang baby. Noong nabalitaan niyang naghahanap ng mga trabahador ang Regent, agad siyang nag-apply.

Lumipas pa ang mga taon
Lalong lumaki ang produksyon
Tambak dito, tambak doon
Walang oras sa pamilya
Laging [f]ull-time sa pabrika
At pagsapit ng umaga 
Mga paa’t kamay namamanhid na 

Mula sa iilang produkto noong dekada 90, lumawak na ang inilalako ng Regent. Kasama na rito ang mga kilalang Snacku, Cheese Rings, Sweet Corn, at Tempura.

“Dumami ang produkto, humaba ang oras sa loob ng pagawaan, at bumaba ang aming sahod,” sabi ni Ate Melanie.

Araw-araw, nagsisimula ang produsyon ng alas-sais nang umaga. Hindi na hahaba sa 30 minuto ang lunch break ng mga manggagawa dahil tuloy-tuloy na ang operasyon ng makina. Sa pag-aalalang hindi matatapos ang trabaho bago mag alas-sais nang gabi, hindi na nalulubos ni Ate Melanie at ng mga kasamahan niya ang isang oras na pahinga. Dahil sinasahuran sila nang pakyawan, may mga pagkakataon pang palabas na sila ng gate ng pagawaan, ngunit haharangin sila ng guwardya at sa utos ng management ay sasabihang bumalik sa loob dahil may produkto pang hindi napa-pack.

Labindalawang oras ang itinatagal ni Ate Melanie sa paggawa, pero P1,700 hanggang P2,400 lingguhan na lang ang kanyang natatanggap mula sa kumpanya. Lumalabas na P283 hanggang P343 lang ang binabadyet niya sa araw-araw para sa asawa at limang anak. Hindi rin naman kalakihan ang kinikita ng kanyang asawang namamasada bilang tricycle driver.

Sumapit pa ang ilang taon
Utang dito, utang doon
Hanggang ngayon, hindi makaahon 

Paano na ang mga pamilya
Sa sahod lang umaasa?
Nasaan na ang karapatan
Sa tulad naming kababaihan?
Mga sahod namin binawasan

“Parang hindi tao ang turing sa amin. Sumasahod nga kami, pero hindi sapat para mabuhay. Tuwing malapit na ang Pasko, nagki-Christmas party sila ng management sa opisina habang patuloy kami sa produksyon,” daing ni Ate Melanie.

Sumapit ang dalawang dekada
Manggagawa nagkaisa
Nagdeklara ng welga
Para masupil at matuldukan na
Ang pananamantala

Noong Oktubre 16, ika-11 nang gabi, ipinutok ng mahigit 300 manggagawang miyembro ng Regent Foods Workers Union (RFWU) ang kanilang istrayk, matapos ang dalawang taong pagsisikap na maidulog sa Department of Labor and Employment ang kanilang makatuwirang mga hiling. Pang-aalipusta at pagtatangkang mag-runaway shop ang sinagot ng management.

Minsan nang nagtangkang buwagin ng pulis ang itinayong mga kubol sa tatlong gate – isa sa San Joaquin, Pasig at dalawa sa Tipas, Taguig – sa kabila ng nakasaad sa labor guidelines na hindi lalapit sa 50 metro mula sa kubol ang mga armadong entidad ng estado. Patuloy rin ang mga pagtatangka ng management na hatiin ang unyon sa pamamagitan ng pananakot at panunuhol.

Sa pagpasok ng unang linggo ng kanilang welga, nananatiling matatag laban sa harassment si ate Melanie, sampu ng kanyang mga kasamahan. Noong Oktubre 21, humarap na ang management sa isang mandatory conference. Nangako na rin si Pasig City Mayor Vico Sotto na kakausapin ang CEO at President ng Regent na si Ricky See.

Mandatory conference ng Regent Food Workers Union (RFWU) at management ng kumpanya. Larawan mula sa Defend Job Philippines

Diyalogo ng mga lider-manggagawa ng RFWU kay Pasig City Mayor Vico Sotto. Larawan mula sa Defend Job Philippines

“Ang aming boses ang aming armas sa labang ito,” sabi ni Ate Melanie, habang hawak hawak ang notebook na pinagsusulatan ng kanyang mga gawang kanta. “Gagamitin namin ito sa picket line, sa lansangan, hanggang sa kami ay magtagumpay.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here