Kinundena ng Kalipunan ng Mamamayang Pinagkaisa sa NBP (KAMPINA) ang red-tagging sa tabing ng isang community outreach program ng Southern Police District (SPD) kalakip ang pagpapalabas ng bidyo na tinutukoy ang iba’t ibang mga progresibong organisasyon bilang ‘terorista’.
Ayon sa KAMPINA, alas-9 ng umaga hanggang alas 2 ng tanghali isinagawa ang programa sa komunidad ng Magdaong, Brgy. Poblacion, Muntinlupa City. Tampok dito ang pamamahagi ng grocery packs, pagpapakain ng lugaw, at mga seminar discussions.
“Subalit sa mismong programa ay may tinawag na guest speaker na dati umanong miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), at kasunod ay nagpalabas ng mga video na tinuturo ang mga progresibong grupo tulad ng Anakbayan, GABRIELA, at KADAMAY na mga legal front organizations ng mga ‘terorista’,” saad ng KAMPINA.
Kasalukuyang hinaharap ng komunidad ang usapin sa katiyakan sa paninirahan at ang banta ng demolisyon.
Noong ika-27 ng Setyembre, tinipon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga lider-residente ng iba’t ibang samahan sa nasabing komunidad kasabay ng pagpapaabot ng notice to vacate. Idiniin umano ng mga opisyales ang 30 araw upang gibain at lisanin ng mga residente ang kanilang mga tahanan kundi ay sila mismo ang gigiba rito.
Hindi ito ang unang beses na isinagawa ng SPD ang pakanang community outreach kadikit ang testimonya umano ng sumuko at dating miyembro ng CPP-NPA. Matatandaan nitong Pebrero ay naglunsad din ang mga kapulisan ng parehong programa sa Maysapang, Brgy. Ususan, Taguig City.
Dito ay mayroon ding nagpakilalang residente umano ng nasabing lugar at naging miyembro ng CPP-NPA. Ang nagpasimula nito ay pumaling na sa kapulisan at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang magpatuloy sa pagpo-profile sa mga komunidad, panreredtag sa mga organisasyon at aktibista sa tabing ng umano’y pagsasagawa ng community outreach programs.
Nabuo ang NTF-ELCAC sa pamamagitan ng Executive Order No 70 (EO 70) na nilagdaan ng dating pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang “whole of nation approach” sa usaping pangkapayapaan ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) at ng CPP-NDF-NPA. Sa esensya, ang itsura ng EO 70 sa kanayunan ay ang paglulunsad ng Focused Military Operations (FMO) at Retooled Community Support Program Operation (RCSPO).
Bagama’t pangunahing pinupuntirya ng FMO at RCSPO ang mga komunidad sa kanayunan, maaari ring mangyari ito sa kalunsuran lalo na sa NCR sa konteksto ng mga operasyon ng raid, gawa-gawang pang-aaresto gamit ang mga pekeng warrants, kasama ang mga paglulunsad ng mga outreach sa mga paaralan at komunidad sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP) ng NTF-ELCAC.
Sa katunayan, ngayong 2022, ang NTF-ELCAC ay nilaanan ng napakalaki na P17.1 bilyon para sa BDP at inaasahang magbibigay ng P12 milyon sa mga barangay na lalahok sa programang kontra-insurhensya.
Noong nakaraang taon, mismong bayan ng dating pangulong Duterte na Davao City ang may pinakamalaking tatanggap mula sa BDP ng NTF-ELCAC ng hindi bababa sa P20 milyon sa higit 215 barangay o hindi bababa sa P4.3 bilyon ang inilatag para sa isang rehiyon.
Ayon sa GRP, ang CPP-NPA ay tinaguriang terorista at sinumang may kaugnayan dito ay maaari ding makulong lalo na sa pamumuno ng isinabatas na Anti-Terrorism law na binatikos ng maraming human rights group dahil sa mga probisyon na labis-labis sa daan at hindi malinaw.
Bigo naman ang gobyerno na maideklarang terorista ang CPP-NPA matapos ibasura ng Manila Regional Trial Court Branch `9 ang kaugnay na petisyon ng Department of Justice. Saad ng desisyon na kung ang CPP-NPA mismo ay hindi maikakategorisang terorista, lalo pa ang mga inuugnay na tao o grupo rito o iyong mga nire-redtag. Bunga nito, ni-redtag din ang huwes na naglabas ng desisyon na si Judge Marlo Malagar ng dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC. Nagresulta sa malawak na kundenasyon ang red-tagging sa huwes at binalaan at pinagpaliwanag ng Korte Suprema ang naglabas ng mga banta laban sa huwes.
Saad ng KAMPINA, ito ang ginagawa ng gobyerno kung saan talamak ang pananakot, pandadahas, sa kabila ng paggamit ng panawagan ng mga residente para sa katiyakan sa paninirahan.
“Kaming mga residente ng NBP Reservation ay buong tapang na pinaglalaban ang aming karapatan sa paninirahan. Ngunit bakit ginagamit ang aming pakikibaka bilang daluyan ng malawakang red-tagging sa mga progresibong grupo? Bakit ginagamit ang aming panawagan bilang abenyu ng pambibintang ng terorismo gayong pinabulaanan naman ito ng korte?” tanong ng KAMPINA.
Dagdag ng grupo, malinaw ang kanilang adhikain sa pagpapamahagi ng lupa sa mga residente sa abot-kayang presyo at maisulong ang katiyakan sa disenteng paninirahan.
“Ang ‘tulong’ na aming hinihingi ay nakaugnay sa mga batayang pangangailangan naming mahihirap. Hindi kami papayag na ang aming kampanya ay gamitin ng mga ‘di umano’y “nagmamalasakit sa bansa” para lamang itulak ang kanilang propaganda,” dagdag ng grupo.