Pinaslang si Erwin ‘Boy Pana’ Segovia, isang batikang radio broadcaster at station manager ng Radyo Gugma sa Surigao del Sur habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Barangay Mangagoy sa Bisilig City sa nasabing lalawigan noong Hulyo 21.
Pauwi pa lamang si Segovia matapos ang kanyang segment na “Diretsahan ni Boy Pana Segovia” sa 95.8 DXCB FM nang siya ay paslangin ng hindi pa mga nakikilalang salarin.
Kilala si Segovia sa kanyang mga matatalas na komento at pagsusuri sa mga usaping pampulitika sa pambansa at lalawigan ng Surigao Del Sur.
Nanawagan naman ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na wakasan na ang walang habas na pagpatay sa mga mamamahayag.
“If the killing is determined to be connected to his work, he would be counted as the fifth journalist murdered in the line of duty under the Marcos Jr. administration,” ayon sa pahayag ng NUJP.
Sa tala ng unyon, aabot sa higit 177 kaso ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag kabilang ang mga pagpaslang sa mga mamahayag na sina Juan Tumpag Jumalon, Percy Lapid, Renato Blanco, at Cris Bunduquin sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Bukod sa pagpaslang, tinukoy ng NUJP at iba’t ibang international coalitions ng mga mamamahayag ang papasidhing kalagayan ng mga mamamahayag sa bansa.
Ayon sa sa Reporters Without Borders (RSF), ika-116 ang Pilipinas sa 180 bansa sa mga tinaguriang “deadliest and most dangerous for the press” sa 2025 World Press Freedom Index. Dito tinukoy ang mga kalagayan kung saan signipikante ang kalagayang pampulitka, ekonomiya, lehislatura, at kaligtasan ng mga mamamahayag.
“The brutal murder of Filipino radio journalist Erwin Segovia must not go unpunished. We urge the Philippine Department of Justice to conduct a thorough investigation so that the perpetrators and instigators of this horrific crime are brought to justice. We also call on President Ferdinand Marcos Jr. to take the strongest measures to definitively end the culture of violence against journalists in his country, and to the sense of impunity that only encourages criminals to target the press,” pahayag ng RSF.
Bukod sa pagpaslang, nananatili ang usapin hinggil sa sahod, benepisyo, at trabaho ng mga mamamahayag sa Pilipinas. Tinukoy rin ng NUJP ang banta ng impunidad, red-tagging at Anti-Terrorism Act of 2020 laban sa mga mamamahayag tulad nina Frenchie Mae Cumpio at Deo Montesclaros, kaugnay rin ito sa mga pagsusuri ni United Nations special rapporteur on the promotion and protection of right to freedom of opinion and expression Irene Khan.
Nanawagan naman ang NUJP sa mga awtoridad na agad na imbestigahan ang insidente upang maibigay ang hustisya kay Segovia. Hinikayat din ng unyon ang Kongreso at ang administrasyon ni Marcos Jr. hinggil sa agarang pagpapatupad ng mga matagal nang panawagan para sa proteksyon, kapakanan, at hustisya ng mga mamamahayag sa bansa.





























