Sinalubong ng mga grupo ng pesante ang ika-19 anibersaryo ng Hacienda Luisita Massacre sa isang protesta sa tapat ng Department of Agrarian Reform (DAR) bitbit ang panawagang hustisya at tunay na reporma sa lupa noong Nobyembre 16.

Pinangunahan ng Unyon ng Manggagawang Agrikultura (UMA) and Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Hacienda Luisita (AMBALA) ang paggunita kasama ng Malayang Kilusang Samahang Magsasaka ng Tinang (Makisama – Tinang) at iba pang progresibong grupo kasabay ng kanilang pag-apela sa DAR at administrasyong Marcos para panagutin ang nagpapatuloy na panggigipit sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita. 

Magpahanggang ngayon ay panawagan pa rin na mabigyan ng nararapat na katarungan ang pitong napaslang na mga magsasaka sa asyenda. Giit nila na patuloy ang pagsupil sa kanilang karapatan lalung-lalo na sa 350 ektaryang lupain na hindi naipamamahagi sa kanila.

“Kasalukuyang pinaglalaban namin ay 350 hektarya na tinago ng pamilya Cojuangco na hanggang ngayon hindi pa pinapamahagi yun,” saad ni Felix Nakpil, pangalawang pangulo ng UMA.

Aniya, bogus ang pagpapawalang-bisa  sa notice of coverages (NOCs) na nilathala ng DAR noong 2013 na naglalayong maipamahagi sa kanila ang walong lupa sa ilalim ng Tarlac Development Corporation (TADECO) na pinamumunuan ng mga Cojuangco. 

Panahon pa ng administrasyon ni Noynoy Aquino nang inisyu ang NOCs matapos ang matagumpay at matapang na pagkilos ng AMBALA gaya ng pag-okupa nila sa mga lupang pinag-aagawan sa kabila ng mga karahasan laban sa kanila. 

Ayon sa pahayag ng TADECO noong 2016, pumalya ang DAR na mailatag ang mga NOCs sa kanila na nagtulak sa kanila para ipawalang-bisa ito. 

Subalit, mariin itong itinanggi ng UMA at binatikos ang pagpabor ng administrasyong Marcos Jr. sa pamilyang Cojuanco pagkatapos sang-ayunan ang apela ng TADECO noong 2022. 

Katarungan para biktima ng Hacienda Luisita massacre

“Kaya natuto kaming lumaban, dati humuhingi lang kami ng dagdag sahod, dagdag trabaho pero ang sinagot nila sa amin ay puro bala,” ani Nakpil.

Ang hiling na katiting na lupang sakahan ng mga magsasaka, at pagpapataas ng sahod sa kanila ay nauwi sa isang malagim na trahedya noong 2004.

“Namatay ang aking kapatid sa mismong kubol namin, sa mismong ipinaglalaban namin, sa mismong barikada namin, binaril sila ng mga militar at pamilya Cojuangco,” saad ni Federico Laza na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin tanggap ang nangyari sa kapatid na si Jesus Laza

Kabilang din sa programa ang pagsindi at pagtirik ng kandila bilang simbolo ng mariing panawagan para sa katarungan sa pitong martyr ng Hacienda Luisita Massacre na sina Adriano Caballero Jr., Jaime Pastidio, Jhaivie Basilio, Jessie Valdez, Jesus Laza, Jhune David, at Juancho Sanchez. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here