Naglunsad ng talakayan ang Defend Jobs Philippines at National Union of Journalists of the Philippines na pinamagatang “PIRMA AT PAGLABAN” hinggil sa pagsasara sa ABS-CBN na nagdulot ng pagkawala ng maraming kabuhayan sa pinakamalaking network sa bansa na may 11,000 empleyado.

Isinagawa ang talakayan isang araw bago ang huling pag-ere ng TV Patrol sa lahat ng regional stations ng ABS-CBN.

Atake sa ABS-CBN ng administrasyong Duterte

“Sa nalalapit na National Heroes’ Day, ang mga journalist ay frontliners din, kasama sila sa binibigyang saludo natin, na kahit may krisis o emergency ay nagbibigay-serbisyo sa mamamayan,” ani Raymond Palatino, tagapangulo ng Bayan Metro Manila.

Sinimulan niya ang diskusyon sa balita ngayong linggo ay binigyan ng 25-taong prangkisa ang ‘third telcom’ na Dito Telecom. Aniya, ang kawalan ng debate sa mabilis na pagbibigay ng prangkisa sa Dito Telecom ay kinumpara sa matagal na pagtalakay sa prangkisa sa ABS-CBN na dumulo pa rin sa ‘rejection.’

“Maraming mga isyu na tinanong noon sa ABS-CBN ay hindi pinag-usapan sa pagbibigay ng franchise sa Dito Telecom, halimbawa ang usapin sa foreign control o papel ng mga banyaga sa isang kumpanya, usapin ng labor contractualization ay hindi pinag-usapan,” ani Palatino.

Aniya, ipinapakita nito na ang issue talaga ay hindi issue na legislative, ito ay isyung political.

“Hindi lang nakadiin lamang sa Congress leadership ang isyung ito, kundi sa presidente. Ang kanyang boses ang pinakamahalaga sa pagbibigay ng desisyon ng Kongreso, kung saan mayroong supermajority ang ruling party. Kailangang hindi dapat mawala ang paghingi ng accountability mula mismo sa presidente, na kung saan,” ani Palatino.

“Ang kanyang personal na kagustuhan ay nagtranslate sa isang legislative action. At ang legislative action ay nagresulta sa pag-deny sa franchise, pagkawala ng trabaho ng libu-libo at pag-deprive sa milyon-milyon sa information sa panahon ng pandemic,” dagdag niya.

Hindi dapat matapos sa Congress ang pag-raise ng mga relevant na usapin, tulad ng pagtatayo ng mga Chinese-influenced telecom towers sa loob ng ating mga kampo, ‘yung usapin ng labor, ‘yung usapin ng pagbibigay pabor sa mga negosyanteng malapit diumano sa pangulo.

Pinabulaanan niya na ang sinasabing pagpapasara sa ABS-CBN ay pag-atake sa oligarkiya, kundi isang ‘attack on media at personal vendetta na nagtranslate sa partisan political attack.’

Nangyayari rin aniya ang mga atake sa media sa ibang bansa, gaya sa raid ng opisina sa Al Jazeera sa Malaysia, raid sa Apple Daily sa Hongkong, at pagsuspinde ng lisensya ng 24 News sa Pakistan na dudulo sa pagsasara nito. Kung isasama ang ginawa sa ABS-CBN, ang kumon sa mga ito ay ang pagbibigay ng midya ng komentaryo sa loob ng mga ‘authoritarian’ na gobyerno sa mundo.

Ipinaalala niya na sa loob ng isang buwan ay gugunitain ang Batas Militar, na sinasabi rin ng marami na malapit sa mga nangyayari sa kasalukuyan, kasama na rin ang pagpapasara sa ABS-CBN na bukod sa ngayon ay ipinasara noong panahon ng diktadurya.

Nakabalik naman daw ang ABS-CBN matapos ang ilang taon. Kung paano nakabalik, napatalsik ang diktador.

Gaya rin noon, naging marahas na panunupil ang sinagot ng gobyerno sa krisis sa bansa. Sa panahon naman ngayon ng pandemya, isinabay sa lockdown ang sentralisasyon ng kapangyarihan ng namumuno sa gobyerno, malupit na crackdown sa mga kritiko, aktibista at critical media.

“Ang krisis sa kasalukuyan ay nangangailangan ng isang political solution na nakatuon sa buong mamamayan. Isang politikal na solusyon ang kailangan, kung paano makakapagpahayag ang marami para pigilan ang mga diktador at huwag hayaan na magpatuloy ang ganitong pamumuno. Maraming pamamamaraan ang mga ‘political solution’ gaya ng congressional initiative, people’s mobilization, sustained public activity para sa information, awareness, engagement, hanggang maibalik ang ABS-CBN at maipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag,” pagtatapos ni Palatino.

Last day ng regional stations, first at second wave ng tanggalan, pay cuts

Isa sa mga nagbahagi ng karanasan sa talakayan ang matagal nang reporter ng istasyon na si Adrian Ayalin.

“Malungkot sa kumpanya ngayon kasi bukas last day ng mga TV Patrol regional stations ay magpapaalam na. Dahil holiday sa August 31, last day na ng mga manggagawa sa August 28. Ang hirap na nasa newsroom ka tapos yung mga kasama mo kailangang magpaalam dahil sa ginawa ng 70 congressmen na bumoto ng yes sa pag-deny ang franchise ng ABS-CBN,” ani Ayalin.

Kwento niya, may binuong closed group sa mga empleyado ng ABS-CBN na nagse-share ng mga job opening, pero mahirap dahil hindi lahat ng trabaho available gaya ng para sa mga cameramen, editor, at iba pa ngayong may pandemya.

“Bukod sa first wave ng retrenchment namin, mayroon na ring mga sinabihan, nabigyan na ng 30-day notice at hanggang September na lang sila, so may second wave. Ang hirap sa ABS-CBN, araw-araw, parang may aasahan kang tawag mula sa boss mo, pwedeng iyon na iyong sasabihan ka na iyon na iyong last day. Ako personally nagkakaroon ng scare, itetext ako ng editor ko na ‘usap tayo later’ tapos iyon pala tungkol sa istorya,” pagbabahagi niya.

Hindi raw matanggal maisip o maitanong bakit sila mag-uusap at kung iyon na ba ang abiso na mawawalan na siya ng trabaho sa susunod na buwan.

“Nakaka-praning, any time pwede kang tawagan, hindi rin naman namig masisisi ang kumpanya kasi limitado ang advertisers kasi walang Channel 2 kung saan galing iyong bulk ng advertisters kaya limitado ang kita ng kumpanya, so kailangan talagang magbawas,” kwento ni Ayalin.

Nilahad din niya ang pagkakaroon ng boluntaryong pay cuts ng mga nananatiling manggagawa sa network.

“Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na may pay cuts kami, although voluntary ito, kung pwede kami tumulong sa kumpanya sa pamamagitan ng pay cut, ang mahalaga ngayon ay magsurvive ang company para makapagbigay pa rin kami ng balita at entertainment, masakit siya sa bulsa pero kailangan naming gawin iyon,” aniya.

Hindi pa rin naman daw sigurado kung sa pamamaraan ng pay cuts ay maka-survive ang kumpanya.

“Maganda na hindi natin kalimutan na nagsimula ito sa 70 na congressmen na hindi nagbigay ng prangkisa, nagsanga-sanga na ‘yung problema, nagsara yung kumpanya, nagkaroon ng pay cuts,” ani Ayalin.

Umaasa pa rin si Ayalin at marami sa kanyang mga kasamahan na makakabalik ang ABS-CBN at mabibigyan ng franchise, na “parang teleserye” ay magiging maayos din ang lahat sa dulo.

Atake sa press freedom

“Para sa NUJP, malinaw ang mensahe ng pagpapasara ng gobyernong Rodrigo Duterte sa pinakamalaking media network sa bansa: ang sinumang kritikal at independyente na mamamahayg ay gagantihan maski pa mawalan ng hanapbuhay ang maraming manggagawa,” ani Raymund Villanueva, National Director ng National Union of Journalists of the Philippines.

Aniya, hindi hiwalay ang ginawa sa ABS-CBN sa ginagawa sa Rappler, Inquirer at mga mamamahayag sa alternative media.

“Kinakasuhan, binabantaan, cyber attacks, red-tagging, at kung hindi yuyuko, papatayin. Itong konkulusyon na ito, hindi imbento. Si Ginoong Duterte na mismo ang nagbigay katwiran sa media killings at siya na rin ang nagsabi na paghihiganti ito sa aniya’y insulto sa kanya, nasaktan daw siya. Delikadong balat-sibuyas si Ginoong Duterte,” ani Villanueva.

Dagdag niya, may ‘chilling effect’ ang mga ito sa mga mamamahayag—itinuturo nito na hindi dapat gawin ng mamamahayag ang trabaho niyang magsiwalat na katiwalian at kapabayaan ‘na kitang-kita at ramdam na ramdam din naman ng mamamayan.’

Pagbabahagi rin niya, dahil sa pandemya, bagsak ang tradisyunal na kita ng media outfits, pero kaiba sa ABS-CBN na talagang isinara. Marami nang mga dyaryo at radyo sa mga rehiyon ang nagsasara at maraming mga manggagawa sa midya na nawalan at naghahanap ng trabaho at nadagdag pa ang mga nawalan ng trabaho sa ABS-CBN. Ang lahat ng ito, aniya, ay pananagutan ni Duterte at kanyang administrasyon.

Aniya, nakakalimutan ng mga nasa gobyerno na ang kanilang kapangyarihan ay nagmumula lamang sa mga mamamayan at ginagamit ang kapangyarihang ito sa kasamaan.

“Marami sa atin iyong naghahanap ng tunay na kaparaanan upang i-assert ang ating tunay na kapangyarihan laban sa mga ginagawa ng gobyernong nakasasama sa taumbayan, isa na riyan lumitaw ang Pirma People’s initiative para sa franchise ng ABS-CBN at muling pagbuhay at panunumbalik ng network,” ani Villanueva.

Ilulunsad ng NUJP sa kanyang mga chapter sa buong bansa ang pangangalap ng 30% ng pirma ng mga botante sa bawat distrito. Simula bukas, Agosto 28, magpapapirma sila sa Sgt. Esguerra gate sa ABS-CBN.

PIRMA Kapamilya

Ipinaliwanag nina Atty. Third Bagro, Atty. Irene Aguila, Allan Pangilinan at Atty. Michael Tiu, mga convenors ng PIRMA Kapamilya, para ipaliwanag ang people’s initiative para sa prangkisa para sa ABS-CBN.

Bakit ba nagkaroon ng PIRMA Kapamilya?

Nagsimula ito noong July 10, noong nagbotohan sa Mababang Kapulungan ng ABS-CBN para hindi i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN matapos ang 13 hearing kung saan naipaliwanag naman ng ABS-CBN ang mga isyung ipinukol sa kanila, bukod sa walang napatunayang nalabag na batas. Naniniwala ang PIRMA na labag ito sa rule of law, kung saan kung gustuhin ng isang business o isang public service institution gaya ng ABS-CBN ay kaya itong ipasara. Nagkulang din sa malasakit ang 70 kongresista o ang Kongreso kung saan sa gitna ng pandemya ay tinanggalan nito ng trabaho ang libu-libong manggagawa. Mali rin at walang malasakit na sa gitna ng krisis at pandemya ay tatanggalan ang milyon-milyong mamamayan ng access sa information at ang lawak na naaabot ng ABS-CBN laluna sa mga lugar na ABS-CBN lang ang nakaaabot ay nawalan ng source ng information at source ng entertainment.

Kaya noong July 10, ang mga convenors na hindi magkakakilala noong simula, nagpost sa social media na tayo na lang ang gumawa ng paraan para ma-renew ang prangkisa. Kinabukasan ay nag-meeting sa Zoom at nabuo ang PIRMA Kapamilya.

Ano ba ang People’s Initiative at People’s franchise?

Lumabas sa isang survey, tatlo sa bawat apat na Pilipino ay hindi sang-ayon sa hindi pagbibigay ng prangkisa ang ABS-CBN. Sa survey ng Radyo Veritas, 68% ang sumusuporta sa pagsusulong ng prangkisa, kung kaya’t tingin ng grupo na kayang makakuha ng 7 milyong Pilipino na pipirma para mabigyan ng prangkisa at maibalik ang ABS-CBN.

Layon nito na maibalik ang ABS-CBN sa pamamaraang ibinibigay sa atin ng Konstitusyon.

People’s Initiative ay paraan ng pagbuo ng batas at maging amyenda sa konstitusyon na hindi na daraan sa Kongreso, Senado o Presidente.

Hinggil sa binalangkas na petisyon:

  1. Ang binuong petisyon para sa PIRMA ay alinsunod sa mga panuntunan sa pagbubuo nito.
  2. Ang mga co-convenors ang magiging kinatawan ng petisyon, ngunit lahat ng pipirma ay petitioners.
  3. Iginigiit nito ang Konstitusyunal at ligal na batayan ng pagsasagawa ng people’s initiative.
  4. Katwiran ng petisyon ang pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa, kalayaan ng midya at kalayaan sa pamamahayag
  5. Walang ginamit na pondo ng bayan ang pangangalap ng pirma at tinutustusan ito ng mga boluntir ng kampanya

Hinggil sa binalangkas na People’s franchise law:

  1. Pagbabalik ng frequency ng ABS-CBN, pagpayag sa kanilang operasyon, pagbabalik ng mga trabaho, pagpapatuloy ng serbisyo-publiko
  2. Pagdidiin sa tungkulin ng ABS-CBN sa pagbibigay ng serbisyo publiko
  3. Pagpapaunlad sa mga nakaraang kahinaan, kasama na ang isyu sa labor na ipinukol dito
  4. Pagpapalakas sa paghingi ng pananagutan sa bibigyang prangkisa
  5. Pagtitiyak ng ‘due process’

Paano makakapirma at paano tayo makakatulong na ibalik ang ABS-CBN sa ere?

May tatlong paraan para pumirma:

  1. Sa pamamagitan ng digital na pagpirma – kailangang sumangguni sa website ng DICT para makakuha ng digital signature na kaiba sa pagkuha ng piktyur sa sariling pirma
  2. Sa pamamagitan ng pagpirma sa petisyon na dala mga nag-house to house na PIRMA volunteers
  3. Sa sariling pag-download ng mga dokumento at pagpirma sa https://tinyurl.com/PIRMAKapamilyaKit. Pinakamainam na punuan ang sign-up sheet sa kada barangay at ipasa sa kinatawan ng PIRMA Kapamilya sa legislative district kung saan kabilang ang barangay ng mga pumirma para sa mas madali at mabilis na beripikasyon.

Panoorin ang talakayan dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here