Nagdadalamhati sa loob at labas ng akademya sa pagpanaw nng Pambansang Alagad sa Sining sa Panitikan na si Dr. Bienvenido Lumbera. Bagamat nagluluksa ang buong bayan sa pagkawala niya, mananatiling buhay ang kanyang aral na babaunin ng bawat nagmamahal at gumagalang sa dakilang artista ng bayan.

Kinilala ang kanyang husay sa larangan ng sining at panitikan ng prestiyosong Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and Creative Communications. Nagwagi rin ang kanyang mga akdang pampanitikan sa National Book Awards from the National Book Foundation at Carlos Palanca Memorial Awards. Tunay na hindi maitatanggi ang kanyang kontribusyon lalo na sa larangan ng wika, kultura, at panitikan.

Maswerte ang mga naging mag-aaral, nakadaupang palad, kasama, kaibigan at nakabasa ng mga akda ni Ka Bien dahil sa nagpamulat ang mga ito sa kalagayang panlipunan mula sa iba’t ibang lente tulad ng pelikula, kasaysayan, kritisismo, kulturang popular at iba pa.

Sa pagkawala ni Ka Bien, nangangailangan ang bayan ng mga bagong sibol na manlilikha at artista ng bayan. Napatunayan ni Ka Bien ang kapangyarihan ng panulat at sining upang mamulat ang bayan at manindigan sa mga isyung panlipunan.

Sa panahon ng pandemya, ang papel ng manlilikha ng bayan ay may malaking papel para sa pagbabago. May kakayahan ang mga artista ng bayan na mapakilos ang sambayanan para labanan ang maling pamamalakad, inhustisya at pang-aabuso mula sa may kapangyarihan.

Ang pisikal na paglisan ni Ka Bien ay simula o indikasyon lamang sa pagpapatuloy ng kanyang mga nasimulan. Nilisan man niya ang bayan, nag-ambag naman siya nsa kasaysayan na magsisilbing pananda at ningas upang ipagpatuloy ang pakikipaglaban para sa bayang nangungulila sa paraan ng sining, panulat, at protesta.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here