Pila

Tula ni MJ Rafal

0
620

Pumila si nanay sa pampublikong ospital upang maianak ako
Pumila si tatay sa tanggapan ng PCSO upang makahingi ng tulong
Pumila si nanay sa registration office upang mapangalanan at maitala ako
Pumila si tatay sa simbahan upang mabasbasan ako

Pumila ako sa pampublikong paaralan upang makapag-aral
Pumila ako sa tarangkahan ng paaralan upang makapasok
Pumila ako sa silid-akalatan upang makahiram ng aklat
Pumila ako sa graduation

Pumila ako sa pag-igib ng tubig Pumila ako upang makapagpabunot ng ngipin

Pumila ako sa pampublikong ospital upang maianak si bunso

Pumila ang aking asawa sa tanggapan ng PCSO upang makahingi ng tulong
Pumila ako sa registration office upang mapangalanan at maitala si bunso
Pumila ang aking asawa sa simbahan upang mabasbasan si bunso

Pumila si bunso sa pampublikong paaralan upang makapag-aral
Pumila si bunso sa tarangkahan ng paaralan upang makapasok
Pumila si bunso sa silid-akalatan upang makahiram ng aklat
Pumila si bunso sa graduation

Pumila siya sa pag-igib ng tubig
Pumila siya upang makapagpabunot ng ngipin

Hindi na nakapila si bunso upang makapasok dahil walang pang-matrikula
Hindi na nakapila si nanay at tatay dahil sa katandaan
Hindi na nakapila ang aking asawa dahil sa kanyang karamdaman

Pumila ako sa employment agency upang magkatrabaho sa Maynila
Pumila ako sa barangay upang magka-clearance Pumila ako sa istasyon ng pulis upang magka-clearance
Pumila ako sa NBI upang magka-clearance
Pumila ako sa NSO upang magkaroon ng authenticated birth certificate
Pumila ako sa diagnostic center upang magka-medical clearance

Hindi pa rin makapila si bunso upang makapasok dahil kulang ang pang-matrikula
Hindi pa rin makapila si nanay at tatay dahil mas matanda na sila
Hindi pa rin makapila ang aking asawa dahil sa kanyang karamdamang di pa rin gumagaling

Pumila ako sa employment agency upang makapagtrabaho sa ibang bansa
Pumila ako sa barangay upang magka-clearance
Pumila ako sa istasyon ng pulis upang magka-clearance
Pumila ako sa NBI upang magka-clearance
Pumila ako sa NSO upang magkaroon ng authenticated na birth certificate
Pumila ako sa diagnostic center upang magka-medical clearance
Pumila ako sa DFA, POEA at OWWA upang maayos at legal na makapagtrabaho sa ibang bansa

Pumila ako sa NAIA

Ngayon, nakapila pa rin ako
Hindi ko pa rin talaga alam kung bakit at paano
Kung sa Pilipinas, may sapat lamang na trabaho
Iyong makabubuhay nang maayos sa isang pamilya
Hindi sana ako pumila upang mangibang-bansa

Hindi sana ako nakapila Sa Death Row

[ultimate_spacer height=”150″]

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here