Nakahiligan na ni John Ace Castro, 30, ang pagbibisikleta kung kaya’t hindi naging mahirap para sa kanya ang pumasok bilang delivery rider ng GrabFood. 

Magtatatlong taon na Castro sa nasabing kumpanya. Aniya, nakasanayan na niyang bumuno ng halos sampung oras sa pagdedeliver sa isang araw. 

John Ace Castro, 30

Kada araw, umaabot ng P800-P1000 ang malinis na kita ni Castro. Bagaman tumutuwang siya sa ibang gastusin ng kanyang magulang at sa piyesa para sa pagmantini ng kanyang bike, masasabi niyang sapat na para sa kanya ang naiuuwi matapos ang isang araw ng pagtatrabaho. 

Magkaiba naman ang kanyang kinikita tuwing panahon ng tag-ulan. Sa kanyang karanasan, maituturing niyang malakas ang demand para sa serbisyo ng delivery riders sa ganitong tipo ng panahon. 

“Mas mataas [ang order kapag tag-ulan]. Kasi, ganitong maaraw, lagi kaming tinutumal. Kasi ‘yung ibang tao nasa mall. ‘Pag tag-ulan kaasi, nasa bahay lang. So order na lang sila nang order,” pagbabahagi ni Castro. 

May luwag din ang pag-deliver para sa tulad niyang naka-bisikleta. Dahil walang iniintinding makina, kahit baha ay kaya niyang lusungin para makapag-deliver. Sa Muntinlupa, kung saan siya madalas nagdedeliver, nagkakaroon siya ng tatlo hanggang apat na booking kumpara sa isang booking lang kapag maalwan ang panahon. 

Ayon sa fare structure ng GrabFood, ang kita ng isang rider ay karaniwang binubuo ng base fare na P45, dagdag na P15 kada kilometro, P2 bawat minutong biyahe, at surge fee na maaaring umabot sa doble ng normal na presyo kapag mataas ang demand na kadalasan ay nangyayari tuwing malakas ang ulan o bumabaha. Halimbawa, sa isang 10 km delivery na tumagal ng 30 minuto ay maaaring kumita ng P255 sa regular na rate, ngunit kapag may surge price na 1.5× ay aabot ito sa humigit-kumulang P382.50. 

Para sa maraming riders, gaya ni Castro, malaking bagay ang dagdag na halagang ito para sa kanilang pamilya sa kabila ng pagod at peligro.

“Pagod. Pero masaya kasi mas gusto namin [yung ganito] kasi kahit sobrang lakas ng ulan ay malaki yung kita, malaki yung [pera na] maiuuwi ko,” dagdag niya. 

Ngunit kasabay ng dagdag kita ay dumadami rin ang hamon sa kalsada, lalo na kapag masama ang panahon. 

High risk, high reward? 

Kalkuladong panganib na maituturing ang pagsuong sa madudulas na daan at posibleng baha tuwing masama ang panahon. Tulad kay Castro, hindi rin iba para kay Peter Aspilla, 35, na nagsabing maganda pa ring bumyahe kapag tag-ulan dahil mas malakas ang kita. 

Peter Aspilla, 35

Pitong taon nang nagtatrabaho si Aspilla bilang delivery rider, matapos mawalan ng trabaho kasagsagan ng pandemya. Bagaman malakas ang posibleng maging kita sa pagbyahe sa tag-ulan, higit na kinakailangan ang tiyaga para makatagal sa ganitong larangan ng trabaho. 

Madalas niyang hinaharap sa ganitong mga pagkakataon ang pagkakaroon ng double o triple-booking.

“Pinakamahirap talaga ay yung pag nag-deliver ka ng marami. Kunyari, triple book ka ganiyan. Syempre, sobrang dami ng ide-deliver mo eh. Lalo’t pag may pizza [order]. Kase tulad niyan, wala kaming [lalagyan], mababasa. Talagang mahirap bitbitin, naulan pa, magsusuot ka pa ng kapote,” saad ni Aspilla.

Sila rin ang pangunahing sumasalo ng galit ng mga customer, pagbabahagi niya. 

“Ang sinasabi lang namin, hindi naman namin ‘yan kontrolado kase tanggap lang kami nang tanggap. Kase si GRAB naman ang nagbibigay sa amin ng booking. Lalo kapag ang order ng isa, mababa lang o kaunti lang. Tapos yung isa, ang dami, syempre hihintayin mo pa yun. Eh ilang oras yung pag-iintay akala ng customer siya lang mag-isa yung de-deliver-an. Kaya minsan, paliwanag kang din, pero minsan may mag customer na talagang hindi nakakaintindi. Alangan namang iwan mo yung order, hindi mo naman pwedeng iwanan yung order kase booking mo ‘yan eh. Pagka-ganon, wala, magpapasensya ka na lang,” ani Aspilla. 

Dagdag pang alalahanin para sa kanila ang kondisyon ng mga daan dahil sa tumitinding pagbaha sa syudad. Katunayan, isa ang Muntinlupa sa matinding natamaan ng nagdaang bagyo at Habagat, dahilan para magdeklara ang lokal na pamahalaan ng state of calamity bunsod ng malawakang pagbaha. Sa ganitong sitwasyon, may mga pagkakataong hindi na maipagpatuloy ng rider ang biyahe kapag lubog sa tubig ang isang lugar na nagdudulot para sa kanila ng pagkaantala at pagkalugi. 

Bilang pagpapangibabaw sa kalagayan ng daan, ginagamit ng mga rider na gabay ang karanasan at kaalaman sa mga lugar upang umiwas sa mga rutang kilalang binabaha. Subalit minsan ay napipilitan pa rin silang lumusong para lamang maihatid ang ilang mga order. 

“Mahirap, lalo na kapag bagyo talaga, talagang zero ka. Hindi naman pwedeng isugal yung motor mo sa baha, eh magkano lang yung kikitain mo, tapos ipang-papagawa pa — talagang wala kang matitira diyan,” ani Aspilla. 

Karaingan para sa mas maayos na kalagayan, mas mataas na kita

Para sa mga rider, bahagi na ng trabaho ang pagsuong sa kung ano mang panahon. Subalit, aminado rin sila na kulang ang proteksyon at safety measures mula sa mismong kumpanya. 

“Merong warning [kapag masama ang panahon]. Pero sana, pag alam na ng Grab mismo na baha yung lugar ay wag nang patakbuhin sa malalayong lugar kaming mga riders, lalo na’t baha. Para hindi kami maaksidente,” ani Castro.

Dagdag niya, pangangailangan ang nagtutulak sa kanila para magpatuloy kahit mapanganib. “Gastusin sa bahay ang nagtutulak sa amin kahit delikado minsan,” saad ni Castro.

Para kay Castro at Aspilla, bukod sa mga alert na pinapadala sa kanila ng TNCs upang mataya nila lagay ng panahon sa pagbyahe, mas malaki ang maitutulong kung magpapapatupad na lamang ang kumpanya ng mas mataas na base fare sa tuwing may natatanggap silang order. 

“Mababa yung base fare ngayon eh, sobrang baba. Kulang na lang i-deliver namin ng libre. Sa mahal ng gasolina, mas mababa naman yung fare,” ani Aspilla. Hiling din ng rider na suportahan ng pamahalaan ang kanilang panawagan para sa pagtaas ng kanilang kita. 

Paliwanag ni Aspilla, naabutan pa niya ang panahon na mas mataas ang base fare na natatanggap nila kada order. Mula sa dating P59-P70 base fare, nanatili na lang sa P49 ito. 

“Kami na lang naman ang may kakayanan mag-deliver ng pagkain [kapag tag-ulan]. Taasan nila yung fare, o ibalik na lang nila sa dati. Minsan P40 na lang base fare eh. Kaya kahit itawid mo lang, yun na yung pamasahe talaga. Gasolina lugi, kapag nagmahal yung gasolina, tapos yung pamasahe hindi naman nataas,” saad niya. 

Nitong Hunyo, kinumpirma ng International Labor Conference (ILC) ang pagbubuo ng pandaigdigang pamantayan para sa mga platform workers, kung saan kabilang ang mga food delivery riders, na magtitiyak na makakamit ng mga manggagawa ang kanilang batayang pangangailangan at kasiguruhan sa trabaho.

Ayon sa mga Defend Jobs Philippines (DJP), isa itong tagumpay para sa mga manggagawa na malaon nang nangangampanya para sa kagalingan ng mga manggagawa sa nasabing sektor. 

Sa kabila nito, giniit ng grupo na nagpapatuloy pa rin ang hindi pantay na pagtrato sa mga manggagawa, lalo na sa panahon ng sakuna. Mayroong mang inilunsad na inisyatiba ang ibang malalaking Transportation Network Companies (TNCs) para sa partner-riders nito sa panahon ng kalamidad, hindi pa rin ito sapat upang tiyakin ang kabuhayan ng mga delivery rider. 

“Dapat lang na magsulong ng batas na nagpoprotekta sa mga manggagawa na nasa larangang ito. Nananatiling tali ang mga platform workers sa hindi ligtas na kondisyon sa paggawa. Kulang sa benepisyo, mababa na ang kita, at wala pang ligal na proteksyon. Dapat kilalanin ang karapatan nila, lalo at aktibo silang bahagi ng ekonomya at lipunan,” ani DJP. 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here