Nagdaos ng maikling program at nagsindi ng kandila para sa mga biktima ng mga nakaraang malalakas na bagyong sumalanta sa halos buong Luzon ang mga boluntir ng Tulong Kabataan Metro Manila sa Marikina Clock Tower Arch. Anila, ito rin ay pasiyam para sa mga biktima ng kriminal na kapabayaan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Protesta ng mga grupo, siyam na araw mula nang lumabas sa bansa ang bagyong Ulysses ay salat na salat pa rin ang aksyon ng pambansang pamahalaan at tila nahayaan na ang mga tao at ang lokal na pamahalaan na bumangon sa sarili nitong kakayahan.

Isang linggo nang nagsasagawa ang Tulong Kabataan Metro Manila ng mga relief operations, clean up at community kitchen para sa mga nasalantang komunidad ng bagyong Ulysses sa Marikina. Sa kanilang tala, may 9 sa 16 barangay sa lungsod ang lubhang naapektuhan, kung saan nangailangan ng rescue ang mga residente sa kasagsagan ng bagyo, nalubog ang mga kabahayan at na-wash out ang kagamitan. Kinakaya naman ng kanilang community kitchen ang nasa 150 – 200 ‘hot meals’ kada araw. Bago ang pagsisindi ng kandila sa sentro ng lungsod, nagsagawa pa ang grupo ng relief operations sa isang komunidad sa Brgy. Nangka.

Nananawagan naman ng donasyon ang grupo para sa pagpapatuloy nila ng community kitchen.

Ani Lorevie Caalaman, nakakatulong ang pagdadala ng hot meals sa mga komunidad na nasalanta dahil sa nakita nila sa kanilang nakasalamuha, “minsan nauubusan sila ng oras sa paglilinis kaya hindi pa nakapaghanda ng pagkain, o ‘yung iba nasira o natangay ng baha ‘yung mga gamit nila sa kusina, habang meron din iyong wala pa talagang sapat na ayuda na natatanggap, tapos kalakhan ay mula sa lokal na pamahalaan o mga pribadong tumutulong.”

Ayon naman sa lokal na pamahalaan, nasa 12,000 na indibidwal o 3,000 pamilya ang nasa evacuation center, at nasa 50,000 pamilya ang naapektuhan ng baha. Nananawagan si Mayor Marcelino Teodoro ng medical mission sa kanilang mga komunidad.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here