Binigyang-parangal ang mag-asawang Gelacio at Alice Guillermo noong ika-13 ng Disyembre sa Bulwagang Bonifacio sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.

Sina Alice at Gelacio Guillermo ay mag-asawang manunulat. Sila ay kilala bilang mga higante sa larangan ng progresibo at rebolusyonaryong panitikan at kritisismo. Sa kabila ng mga samu’t saring gantimpala at pagkilala ng mga institusyon ay nanatili silang tahimik at namuhay nang payak.

“Hindi sila mahilig sa parangal,” sabi ni Dr. Ramon “Bomen” Guillermo, panganay na anak ng mag-asawang Alice at Gelacio Guillermo.

“Ang importante ay patuloy na basahin ang kanilang mga salita, tignan ang kanilang mga nagawa noong sila ay buhay pa,” dagdag niya.

Kausap ni Bomen ang mga nagsidalo sa parangal: mga kaibigang matalik ng mag-asawa, mga kapwa manunulat at visual artist,musikero, mga nakasalamuha sa kilusang masa, mga aktibista at kabataang estudyanteng tila doon pa lamang nakikilala ang pamana ng dalawa.

“Sa ating pagbabasa ng mga akda nina Alice at Gelacio, sila’y nagiging bahagi ng ating kamalayan at laman. At tayo ang magpapatuloy ng kanilang pag-iral sa daigdig na ito, na kailangan nating baguhin upang mas maging makatao,” madiin na sinabi ni Bomen bilang pangwakas sa kanyang mensahe.

Si Alice Guillermo ay pumanaw noong Hulyo 29, 2018 at si Gelacio Guillermo naman ay pumanaw noong Setyembre 6, 2019.

 

Gawad Inang Bayan 

Bilang pagkilala sa kanilang naging makabuluhang ambag sa sining at kultura, ginawaran sila ng Gawad Inang Bayan ng PUP.

Mataas diumano ang pamantayan sa pagbibigay ng karangalang Gawad Inang Bayan.

“Una, kailangan mong maging mahusay. Hindi ka lamang dapat mahusay, mas malamang, ikaw yung pinakamahusay. Pangalawa, may prinispyo ka. May pinanandigan ka na higit sa iyong sarili. Pangatlo, may integridad,” sabi ni Prof. Jun Cruz Reyes.

“Si Alice ang nag-umpisa ng tradisyon ng socialist realism sa Pilipinas. Ang kanyang libro na Social Realism in the Philippines, naging school of thought ito mula 1970’s hanggang ngayon. Kapag sinabing kasali ka sa pangkat na ito, marangal ka,” dagdag ng batikang manunulat na si Jun Cruz Reyes.

“Sa pamantayan ng artist, ang magandang painting ay hindi derocative lang. Ang painting ay hindi usapin ng husay ng komposisyon at tamang kumbinasyon ng kulay. Sa madaling salita, ang art ay nagtatala rin ng kanyang panahon,” ani Reyes.

Ayon kay Reyes, pinanindigan at tinanganan ng mag-asawa ang prinsipyong makabayan hanggang sa dulo ng kanilang buhay.

 

Makata ng Bayan: Gelacio Guillermo

 Si Gelacio Guillermo ay mula sa Hacienda Luisita sa Tarlac at nagtrabaho bilang manggagawa. Lumuwas sa Unibersidad ng Pilipinas at naging myembro ng Student Cultural Association of the Philippines o SCAUP, kung saan pinangunahan nila ang pagbabasa ng mga rebolusyonaryong aklat at bumuo ng mga study circle upang talakayin ang mga isyung panlipunan. Nakasama niya sa SCAUP si Jose Maria Sison at ang kanyang magiging kabiyak, si Alice Guerrero. Ang mga miyembro SCAUP ang naging binhi ng Kabataang Makabayan, na itinatag noong 1964.

Kalaunan ay naging guro sa wikang Ingles si Gelacio sa UP Los Banos kung saan naging founding member siya ng balangay ng Kabataang Makabayan doon. Bumalik siya sa Maynila upang ipagpatuloy ang pagtuturo sa UP Diliman.

Sa pagdeklara ng Martial Law ng diktador na Pangulong Ferdinand Marcos noong Setyembre 1972, nagpasiya si Gelacio na gumampan ng gawain sa lihim na kilusan upang iwasan ang pagkadakip. Habang nasa kilusang lihim, susi ang naging papel ni Ka Gelacio sa mga rebolusyaryong publikasyon. Kabilang na rito ang Dare to Struggle, Dare to Win, Ulos, at ang pahayagang Ang Bayan.

Naikulumpon niya rin ang rebolusyonaryong literatura mula sa iba’t ibang rehiyon sa kanayunan at inilithala ito sa mga libro ng iba’t ibang libro noong dekada 80.

 

Alice Guillermo: Rebolusyonaryong Kritiko

Nakatamo ng maraming napakaraming karangalan si Alice Guillermo. Bilang guro, siya ay nagturo ng Art History at Art Theory at Humanities mula 1973 hanggang 2003. Siya itinalaga bilang Professor Emiritus ng UP Board of Regents noong 2004. Naging chairperson ng College of Arts and Letters noong 2004.

Nakatamasa siya ng Art Criticism Award ng Art Association of the Philippines 1976 at Centennial Honoree for the Arts for Art Criticism ng Cultural Center of the Philippines at Palanca Award for Essay noong 1979.

Ilan sa mga librong nasulat ni Alice Guillermo ay mga sumusunod: Covert Presence, Social Realism in the Philippines, Image to Meaning: Essays on Philippine Art and Protest/Revolutionary Art in The Philippines.

Ayon kay Jose Maria Sison sa kanyang mensahe na isinulat noong Hulyo 29, 2018, si Alice Guillermo ay sumali sa progresibong organisasyong SCAUP noong 1959. Muling nagkita si Joma Sison at Alice Guillermo sa International Seminar on Mao Zedong Thought na ginanap sa Germany noong 1993. Dito ibinahagi ni Alice Guillermo ang kanyang isinulat na sanaysay na pinamagatang Mao Zedong´s Revolutionary Aesthetics and Its Influence on the Philippine struggle.

 

Pagpapatuloy ng nasimulan

Kabilang sa mga dumalo at nagbahagi ng kanilang kwento tungkol sa mag-asawa ay ang anthropologist na si Arnold Azurin, manunulat na si Levy Balgos De la Cruz, Stum Casia ng KM64, at visual artist na si Jose Tence Ruiz.

Dumalo rin sa pagtitipon ang kinatawan ng Sining Bugkos, Musicians for Peace at Ugatlahi Artist Collective.

Nag-alay ng awitin si Federico “Boy D” Dominguez at Mary Jane Alejo.

“Sa panghuli, ang mga parangal ay parangal lamang. Ang mga ito ay makakalimutan natin. Sana sa mga estudyante natin may napakilala akong mga artisa ng bayan,” ani Reyes.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here