Patuloy na nanawagan ang mga grupong Anakpawis, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Pamalakaya sa pagpapalaya kay Paolo Colabres, ang paralegal na nagbantay sa labi ng pinaslang na lider-pesanteng si Randall Echanis. Hinuli si Colabres ng mga myembro ng Quezon City Police District (QCPD) bandang ika-2 ng madaling-araw ng Agosto 11 sa labas ng Pink Petals Memorial Homes, kung saan nagbabantay si Colabres sa labi ni Echanis na binawi ng QCPD mula sa pamilya nito.

“Sigaw namin na palayain na si Ka Pao, dahil basura ang kasong obstruction of justice na ibinibintang sa kanya.  Kailan pa naging tagapagtaguyod ng justice ang QCPD, na notoryus sa tokhang at ang mass killing ng pekeng ‘war on drugs’ ni Duterte ay iniimbestigahan na nga ng United Nations?  Mismong pulis ang guilty sa obstruction of justice, at ang pagbabantay ni Ka Pao laban sa mga iligal na aksyon sa bangkay ni Ka Randy ay obstruction of injustice,” Fernando “Ka Pando” Hicap, Pamalakaya National Chairperson at dating kinatawan ng Anakpawis Party-list sa ika-16 Kongreso.

Si Colabres ay staff ng Pamalakaya na nag-oorganisa sa mga mangingisda sa Navotas na maaaring mawalan ng kabuhayan sa 650-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project.

Dinala si Colabres sa headquarters ng QCPD sa Camp Karingal.

Ayon naman sa KMP, dapat napalaya na si Colabres dahil wala nang basehan ang kinakaso sa kanyang “obstruction of justice” dahil napirmi na ng QCPD ang identidad ng labi ni Echanis. Una nang sinabi ng QCPD na kaya nila kinuha ang bangkay sa pamilya ni Echanis ay dahil wala itong release order at kailangan pang kumpirmahin ang pagkakilanlan sa bangkay sapagkat ang natagpuang ID sa pinangyarihan ng krimen ay isang “Manuel Santiago.”

Nag-aalala rin ang KMP na sa pinahabang detensyon kay Colabres ay maaari siyang mahawa si Colabres sa COVID-19 sa loob ng piitan.  Ni-lockdown ang kampo noong Mayo dahil sa tumataas na insidente ng COVID-19 sa hanay ng kapulisan mula rito.

Anang Pamalakaya, si Colabres ay dating seminarista ng Don Bosco Technical College Mandaluyong at nagtrabaho sa mga grupo ng simbahan sa gawaing pagsuporta sa panawagan ng mga magsasaka na magkaroon ng lupang binubungkal sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa.

Sumama si Colabres sa pagproseso ng labi ni Echanis na makuha ng pamilya, kasama ang grupo ng abogado ng Anakpawis, ang Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo (SENTRA). Na-release na ito sa pamilya, ngunit binawi ang pulisya noon ding kaparehong araw. Nakuha lamang ng pamilya ang mga labi matapos ang dalawang araw.

Anang Pamalakaya, ninakaw ng kapulisan ang bangkay ni Echanis, dahil labag ito sa kagustuhan at karapatan ng pamilya.

Giit din ng SENTRA, walang batas na nagbibigay awtoridad sa pulis na kunin ang labi ni Echanis, lalupa’t nakasaad sa Article 306 ng Civil Code na ang asawa ang may karapatan sa pag-aayos ng lamay at libing ng isang pumanaw.

Kung magpapatuloy ang detensyon kay Colabres, maaaring magsampa ng kaso ang Pamalakaya sa mga sangkot na pulis at anila’y kakuntsaba sa prosecutor’s office.

Pinaslang si Echanis, 72, kasama ang kanyang kapitbahay na si Louie Tagapia, 48, sa kanyang inuupahang tirahan sa Novaliches sa Quezon City madaling-araw ng Agosto 10. Kilalang aktibista si Echanis, pambansang tagapangulo ng Anakpawis at peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here