Bilang unang zombie na pelikula ng Pilipinas, maayos ang pagkakagawa ng pelikulang Block Z na idinerehe ni Mikhail Red. Nakakagulat, nakakahabol-hininga, may mga nakakapangatal na eksena.

Sa pelikula, nakulong sa loob ng unibersidad ang grupo ng estudyante, ang tatay ng isa, ang batang anak ng unang bangkay na nabuhay at isang security guard dahil sa dami ng zombie at dahil imbis na sagipin ng mga militar ang mga ‘di pa nahawaan, inilagay sa lockdown ang paaralan at pinagbabaril nila ang mga gustong lumabas. May rescue na darating sa helipad sa ospital para sa anak ng heneral na pangulo ng student council at isa lang ang pwede niyang isama. Tila ang mga pangyayari sa loob ng paaralan ang nagsilbing maliit na mundo na sumasalamin sa mas malaking mundo.

Maayos ang build up sa umpisa. Kapani-paniwala at nakakaawa ang karakter ng unang bangkay na nabuhay. Bawat unang engkwentro ng bawat karakter ay may bagong natututunan sa mga zombie. Tila ito ang magagamit nila para magawa ang imposible at magiging kapani-paniwalang magagawa nila ito: ang makaligtas.

Hindi nga lang maiipon ang mga natutunang ito ng mga karakter para magamit para makaligtas. Mas pisikal na pwersa ang ginamit nila, kahit wala naman sa kanilang bihasa sa pakikipaglaban. Nakakagulat din sa dulo ang magiging dahilan ng pagkaligtas ng mag-amang karakter na tila doon na lang din sa dulo naipresenta.

Maaaring dahil din kaya dun sa pagiging Pinoy zombie na pelikula nito ay bitbit nito ‘yung mga nakasanayang elemento ng drama sa pelikula o telebisyon – pamilya, love team, at iba pa kaysa maging mapangahas na kwento ng pagsisikap makaligtas. Sa isang banda, puro habulan din ang nangyari na hindi na rin nakilala ang mga karakter sa pelikula. Parang nakaangkla ang pagkakilala ng mga manonood sa karakter sa billing ng mga artista sa pelikula – ang pinakabida makakaligtas, mayroong backstory konti, atbp.

Wala rin masyadong orihinal na ideya na napresenta ang pelikula hinggil sa tradisyunal na kaalaman sa zombie at paglalapat nito sa kultura ng bansa. Dito, may ibang virus na pinagmulan ng sakit, pero hindi na rin masyado naipaliwanag o napunto kung mayroon bang masisisi sa pangyayaring ganito na dahil sa kasakiman sa kapangyarihan gaya sa seryeng Kingdom sa Netflix o gaya sa eksperimentasyon, pagkaganid sa tubo at epekto nito sa kalikasan gaya sa Train to Busan? Parang ang mas magiging paki ng manonood ay mabuhay ang mga karakter kasi wala naman nang ibang ihinapag sa kanila.

Maraming ‘di nasarang ideya o linya ng kwento, tila dahil ‘yon ang mas kumbinyenteng paglalahad. Bakit inisip ni Myles na nakakapigil sa mga zombie ang fire extinguisher tapos sa susunod na eksena naisip na lang bigla na takot ang mga ito sa tubig? Kailan sila nagdesisyon na hayaan na lang kahit isa makaligtas at makasama sa rescue? Anong nangyari sa guard na si Bebeng? Bakit wala ‘yung mga zombie pagdating sa labas? Paano nabuhay ang isang karakter na tumalon mula sa ikalimang palapag o higit pa – hindi dahil sa pilay, kundi sa uhaw at gutom? Nasaan ang mga zombie, bakit ‘di siya nilapitan noong ‘di siya nakakalaban?

Mahuhulaan ang dulo ng pelikula. Alam na natin ang mangyayari sa bidang love team. May mangyayari na tila hindi ito magiging predictable, at ginawa ng pelikula na magsakrispisyo ng mayor na tauhan, pero sa dulo ay maliligtas pa rin sila. Tapos lumalabas mayroong sequel ang pelikula, kaya imbis na maramdamang natapos o nabuo ang kwento sa isang saklaw, parang ang kapapanood pa lamang ay tila nasa gitna o ikatlong bahagi ng kwento.

Pero dahil zombie na pelikula, pwedeng magpaaliw na lang din sa panonood.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here