Pagpasok ng pulis at paramilitary sa evacuation center ng mga Lumad, kinundena

0
162

Enero 25 ng umaga nang akyatin ang pader at sirain ng grupong paramilitar na Alamara ang alambreng bakod ng tanggapan ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) sa Haran sa Davao City. Kasama nila ang mga kapulisan ng syudad.

Ang UCCP Haran ang nagsisilbing tirahan ng nasa 500 na Lumad na nagbakwit doon dahil sa matinding militarisasyon sa kanilang komunidad.

Bilang pagkundena, nagprotesta ang mga estudayanteng Lumad na narito sa Maynila kasama ang mga iba’t ibang sumusuportang grupo sa kanila, ang tanggapan ng Department of Interior and Local Government.

“Nakakagalit ang ginawa ng mga pulis dahil kami po ay limang taon nang nasa bakwit. Ngayon ang gusto po na ipasara ang UCCP Haran kung saan doon kami namamalagi, doon kami nagpapatuloy sa pag-aaral,” salaysay ni Jinky Malibato, isang estudyanteng Lumad.

Ang nasabing pagpapasara sa UCCP Haran ay lumabas matapos maglabas ang Davao Regional Peace and Order council ng utos na ipasara ang UCCP Haran.

Umapela ang Save our School Network (SOS) sa publiko na tulungan sila na wag ipasara ang nagsilbing tahanan ng mga nagbakwit na Lumad, gayundin ay suportahan ang laban ng mga Lumad sa kanilang lupang ninuno.

Ani Rius Valle, tagapagsalita ng SOS Network, “Umaapela kami sa inyo dito sa Metro Manila, kailangan po namin ng inyong boses para mapakinggan ang boses ng lahat ng mga kabataang Lumad at ng mga katutubo doon sa Mindanao na sa ngayon ay nangangambang mawala hindi lang kanilang lupang ninuno kundi pati na rin ang kanilang kultura at kanilang buhay at ng kinabukasan ng susunod na saling lahi.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here