Anang tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force (IATF) na si Cabinet Secretary Karlo Nograles, target ng gobyerno na itaas ang kapasidad sa testing sa 2,600 hanggang 7,000 matapos ang Mahal na Araw. Pagdating Abril 20, nasa 4,400 hanggang 9,800 ang test kada araw at 13,000 hanggang 20,000 pagsapit ng Abril 27 ang target aniya.

Hindi pa nasabi ang ‘breakdown’ kung paano nakuha ang target na binanggit ni Nograles.

Sa karanasan, mas malaki ang binabanggit na target kaysa sa mga lumalabas na aktwal na kapasidad kahit pa nadagdagan unti-unti ang mga laboratory, gaya ng sinabi ng DOH na 2,000 tests kada araw sa walong laboratoryo, pero nasa 1,710 pa lang pala sa 10 laboratoryo.

Mas mataas pa sa target ng DOH ang binanggit ni Nograles na target na kapasidad sa testing.

Anang DOH noong Abril 4, sa Abril 14 kung kailan tinatarget ng gobyerno na simulan ang “massive testing” ay target nitong kapasidad ay 3,000 kada araw at 8,000 hanggang 10,000 sa pagtatapos ng Abril.

Sa kaparehong pahayag, sinabi nitong sa walong laboratoryo sa bansa ay makagagawa ng maksimum na 2,000 tests kada araw.

Pero noong Abril 6, sa update nito na mayroon nang 10 laboratoryo sa bansa, nasa 1,710 pa lamang kada araw ang kapasidad ng mga ito:

  • Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City (900 tests kada araw)
  • Baguio General Hospital and Medical Center sa Baguio City (150 tests kada araw)
  • San Lazaro Hospital in Manila City (60 to 100 tests kada araw)
  • Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City (240 tests kada araw)
  • Southern Philippines Medical Center sa Davao City (100 tests kada araw)
  • UP National Institute of Health sa Maynila (80 tests kada araw)
  • Lung Center of the Philippines sa Quezon City (100 tests kada araw)
  • Western Visayas Medical Center sa Iloilo City (80 tests kada araw)
  • Bicol Public Health Laboratory sa Legazpi City
  • Luke’s Medical Center sa Quezon City

“Ang sinasabi ng mga eksperto para ma-manage nang husto ang COVID-19, kailangan iakyat pa lalo ang testing capacity na maabot ang 8,000 to 10,000 tests per day. Kailangan maabot iyan,” sabi ni Nograles sa kanyang arawang virtual press briefing noong Abril 7.

Inaasahan aniya na kapag nagawa ng gobyerno ang kanyang mga plano sa dalawang linggong timetable nito ay made-delay ang pag-abot ng ‘peak’ ng sakit hanggang sa katapusan ng taon o sa susunod pang taon, na sana pagdating ng panahong iyon ay mayroon nang bakuna.

Ito rin daw timetable ang isa sa dahilan sa pag-unawa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng IATF na pagpapahaba ng ‘enhanced community quarantine’ (ECQ) o total lockdown sa Luzon ng dalawa pang linggo. Para ito mas matasa pa ang naging epekto o bisa ng ECQ, gayundin ay pataasin ang “health capacity” ng bansa, kasama ang testing.

Gabi bago ang briefing ni Nograles ay nagsalita si Duterte sa publiko na kiling siya sa pagpapahaba ng lockdown hanggang katapusan ng buwan. Hindi sinabi ni Duterte kung kailan iaanunsyo ang desisyon kung pahahabain ang lockdown. Abril 12 na dapat magtatapos ang total lockdown sa Luzon.

Sa virtual press briefing din na ito inanunsyo ni Nograles na aprubado na ni Duterte ang ekstensyon ng lockdown. Sa Abril 30 matatapos ang dalawang linggong ekstensyon ng total lockdown sa Luzon.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here