Tuloy ang pagpaparehistro ng mga botante ng Commission on Elections (COMELEC) ngayong Setyembre. Ang mga magrerehistro ay makakaboto sa darating na pambansang eleksyon at paghahalal sa pangulo ng bansa sa 2022.

Nagpatuloy ang pagpaparehistro ng mga botante mula Setyembre 1, 2020 hanggang Setyembre 30, 2021.

Dahil sa mga health protocol at limitasyon sa paggalaw ng mga tao, ang mga magpaparehistro at tumutungo sa Opisina ng Election Officer ng kanilang distrito ay kinakailangan pa ring may quarantine pass, sumusunod sa social distancing, nakasuot ng mask at face shield, at iba pa.

Sinarado naman ang tanggapan ng COMELEC sa Parañaque District 1 at 2 para sa ‘emergency disinfection’ mula Setyembre 1 at magpapatuloy ang pagpaparehistro ng mga residente nito sa Setyembre 9.

Sinarado rin ang tanggapan ng COMELEC sa lahat ng distrito ng Quezon City noong Seytembre 1 para rin sa ‘emergency disinfection’ at nagbukas din kinabukasan, liban sa District 5 na magbubukas sa Setyembre 5.

Bukas ang tanggapang ng Election Officer tuwing Martes hanggang Sabado, maging sa mga holiday, mula ika-8 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon sa buong bansa, liban na lang sa mga lugar na nakapailalim sa enhanced community quarantine o modified enhanced community quarantine.

Nag-abiso ang COMELEC sa hakbang-hakbang na pagpaparehistro sa panahong may mga quarantine protocol na umiiral sa nagpapatuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Ang mga tuntunin ay alinsunod sa COMELEC Resolution 10764 na inilabas noong Agosto 12.

Inaabisuhan ang mga bagong magpaparehistro o magpapalipat ng rehistro sa ibang lugar na magdala ng isa o higit pang ‘valid ID’, karaniwa’y ID na inisyu ng isang opisina ng gobyerno o ID sa paaralan o pinapasukang trabaho. Mainam din kung ang ID na dala ay nakasaad ang kasalukuyang tirahan. Kung hindi ay may kukumpletuhing dokumento na makukuha sa Election Officer sa opisina ng distrito ng COMELEC kung nasaan ang tirahan ng magpaparehistro.

Kung papalitan naman ang nakasaad sa rehistro dahil sa kasal, kautusan ng korte o iba pa, kailangang magdala ng sertipikasyon o kontrata ng kasal o utos ng Civil Registrar o Consul General.

Suspendido naman ang pagtatayo ng mga satellite at special satellite registration, na nakasaad sa COMELEC Resolution 10549, liban na lang kung sa mga lugar na walang bagong kaso ng COVID-19 sa huling 14 araw at ilan pang mga kundisyon na dapat tupdin.

Nilathala naman ng COMELEC ang listahan ng mga opisina nito kada distrito sa National Capital Region para makontak ang magpaparehistro at makapag-iskedyul ng pagpunta sa karampatang opisina ng COMELEC.

Nagsimula ang pagpaparehistro noong Enero 20, ngunit nasuspindi mula Marso 9 hanggang 31 dahil sa pandemya. Pinahaba ang suspension hanggang Abril 30, kasabay ng pagpapahaba ng lockdown, at muling sinuspindi hanggang Hunyo 30, matapos ay sinuspinde ulit hanggang Agosto 31.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here