Ngayong taon, sa loob ng maraming taong nakalipas, tila hindi masyadong tumatak ang pangyayari sa petsa Hulyo 4. May ribbon-cutting ba? May pinasinayaan bang marker? May bumisita bang upisyal ng gobyerno ng Estados Unidos (US)? Walang gaanong tumatak na pagdiriwang o pangyayari. Miminsan lang din yata ang ganoon, dahil tila nakalaan na ang petsa Hulyo 4 para sa pagdidiin ng pagkakaibigan ng Pilipinas at US, kung baka nga lang naman may makalimot sa inyo.
Babalikan ng lathalaing ito ang ilang mga saysay at petsa sa ating bayan hinggil sa relasyon ng US sa Pilipinas. Hindi madulas ang pagbabalik-aral at batik-batik ng mga panipi, pagsusubali, hibik at kirot, pero heto:
Tinataya ng mga aklat ng kasaysayan, gayundin ng mga babasahin sa internet, na naging direktang kolonya ng Estados Unidos (US) ang Pilipinas mula 1898. Disyembre 10, 1898 nang isinuko at ibinenta ng Espanya sa US ang Pilipinas, mula rin sa pagkatalo nito sa tatlong-buwang digmaang Kastila-Amerikano, sa halagang $ 20 milyon sa pamamagitan ng Treaty of Paris. Sa panahong iyon ay nasa bisperas na ng tagumpay ang dalawang-taong rebolusyong Pilipinong nagsimula noong 1896 at pinasimulan at pinamunuan ng Katipunan o KKK, ang Kaggalanggalangan Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Nagdeklara ng kalayaan ang mga Pilipino sa pamumuno ng noo’y (at hanggang ngayo’y) kinikikilang ‘unang pangulo’ ng republika ng Pilipinas na Emilio Aguinaldo noong Hulyo 12, 1898. Hindi ito kinilala ng mga Kastila at Amerikano. Bago muling napayukod sa bagong mananakop ay dumaan sa dalawang yugto ng paglaban sa mga Amerikano ang mga Pilipinong naghahangad pa rin ng tunay na kalayaan o iyong kawalan ng dayuhang amo sa sariling bayan (sa tinatawag na digmaang Pilipino-Amerikano)—sa una sa kumbensyunal na labanan (1899) at sumunod sa pakikidigmang gerilya (1899-1902 kung sa pagsasaysay ng mga Amerikano o 1936 kung at marapat isama ang paglaban ng mga Moro sa mga Amerikano).
Hindi lang ang istoryador na si E. San Juan ang naghalintulad as pananakop ng Amerikano sa Pilipinas bilang isang genocide. Nariyan din sina Howard Zinn, Gabriel Kolko, at iba pang manunuri at manunulat. Marami ring manunulat, maging sa US, ang nahindik sa laganap na pagtortyur at pagpatay ng mga Amerikano sa mga Pilipino gaya ng kilalang awtor na si Mark Twain. Matapos ang labanan, tinatayang higit isang milyong Pilipino o aabot sa 1.5 milyon Pilipino ang namatay sa 6 milyong populasyon o ikaanim hanggang ikaapat na bahagi ng populasyon, hindi pa kabilang ang libu-libong namatay na mga Moro sa Mindanao.Isang malaking kabalintunaang nasa pahinang Milestones ang digmaang Pilipino-Amerikano sa website ng Office of the Historian ng US, na maaaring tinutukoy ang pagkapanalo nila rito. At kung saan nakasaad din na nasa higit 200,000 sibilyan at sundalong Pilipino lamang ang namatay. Tugma itong mas maliit na bilang ng nasawi sa gera sa pinakapopular o pinasikat na akda hinggil sa pagpasok/panghihimasok ng US sa Pilipinas, ang In Our Image (1989) ni Stanley Karnow.






‘Ipinangakong muli ang napipintong kalayaan’ (diba’t parikala ang pariralang ito kaya’t may panipi) ng Pilipinas noong 1916, sa pamamagitan ng Jones Act at sa isang asambleyang kontrolado ng mga Amerikano. Pinalitan ng nagsasariling sampamahalaan (commonwealth) noong 1935 ang Insular Government of the Philippine Islands ng US (na may coat of arms na kawangis ng kasalukuyang logo ng Skyflakes, tanda lamang maaari ng tinagal-tagal ng Skyflakes sa merkado at maging ng kolonyal na mentalidad). Itinulak ng mga sumibol na teknokrata sa paghubog ng US ang ‘kalayaan’ ng Pilipinas sa gobyerno ng US. Ang misyong OsRox sa US noong 1932 ng tandem nina Sergio Osmeña at Manuel Roxas ay ‘humingi ng kalayaan’ sa US at naipasa ang Hare-Hawes-Cutting Act ng 1933 sa Kongreso ng US. Nakasaad sa Hare-Hawes-Cutting Act ang (1) pangako ng ‘paggawad ng kalayaan’ sa Pilipinas matapos ang 10 taon ngunit (2) magrereserba ng ilang baseng militar at nabal ng US sa Pilipinas, gayundin (3) ang pagpataw ng taripa at quota sa mga inaangkat ng Pilipinas. Ngunit ang bagong sibol na mga burukrata, mula sa linya ng mga ilustradong Pilipino sa panahon ng Kastila, ay nag-uungusan para bakasing ‘pamana nila ang kalayaan’ ng bansa. Tinutulan ng noo’y Pangulo ng Senado ng Pilipinas na si Manuel Quezon ang Hare-Hawes-Cutting Act at matapos ay naglunsad ng kanyang misyon tungong US at naipasa ang Tydings-McDuffie Act ng 1934 na may kahalintulad na laman sa hinalinhan nito. Bago pa man ‘kilalanin ng US ang kalayaan’, natiyak nang mananatiling nakaasa ang ekonomiya ng Pilipinas sa US sa pamamagitan ng Bell Trade Act ng 1946, kung saan ginawang kundisyon ng Kongreso ng US sa pagbibigay ng $ 800 milyon tulong sa pinsala ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang pagpapasa ng nasabing batas sa Kongreso ng Pilipinas. Dahil labag sa Konstitusyon ng Pilipinas 1935 ang ‘parity rights’ sa loob ng Bell Trade Act, kinailangan pang amyendahan ang Konstitusyon. Nakita na noon pa man ng mga kritiko na isang pagsuko sa pambansang soberanya ang Bell Trade Act, kaya’t sinundan ito ng mas maluwag na tratadong Laurel-Langley Agreement, kung saan hindi na kontrolado ng US ang exchange rate ng piso at nagbigay ng mas relatibong pantay na pribelehiyong parity, quota sa asukal, at pagbabawas ng quota at taripa sa mga produkto ng Pilipinas na iniluluwas sa US.
Matagal nang may kabig at suntok sa likod ng tanong na “tunay nga ba tayong malaya?” Dahil nga, kailan nga ba naman iginawad o kusang ibinigay ang kalayaan?
Mula 1946 hanggang 1964, ipinagdiriwang ng Pilipinas ang kanyang kalayaan sa petsa Hulyo 4, katulad ng petsa ng kalayaan ng US. Hulyo 4 ang itinakdang petsa ng paggawad ng kalayaan ng Pilipinas mula sa US sa Tydings-McDuffie Act. Agosto 1946, o isang buwan matapos ang huling paggunita sa Araw ng Kalayaan sa petsang Hulyo 4, binago ng noo’y pangulo ng bansa na si Diosdado Macapagal ang petsa nito sa Hulyo 12, 1898 o ang deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Kastila sa pangungulo ni Aguinaldo. Nagkabisa ito sa pamamagitan ng Republic Act 4166. Hulyo 4 din ng taong 1902 nang nagproklama ang noo’y presidente ng US na si Theodore Roosevelt ng general amnesty at nagdeklarang tapos na ang digmaang Pilipino-Amerikano. Kinikilala at ginugunita na ngayon na Filipino-American Friendship Day ang Hulyo 4.
Mas malapit nga sigurong totoo, katutubo o lokal ang petsang Hulyo 12, 1898 kaysa sa Hulyo 4 ng anumang taong ginawa itong signipikante ng mga Amerikano sa ating bayan at buhay (gaya ng 1902, 1946, at iba pa). Pero maaaring hindi rin eksakto, lalo na sa mga nagsusulong sa pagkilala ng unang gobyerno sa Pilipinas ng mga Pilipino, bagamat sa loob ng rebolusyon, ay buhat ng serye ng mga pangyayaring itinatag ang KKK noong Hulyo 7 (araw ding hinuli at ipinatapon si Jose Rizal sa Dapitan), na nakapagtatag ng pambansang armadong puwersa, ginagabayan ng iisang nakatitik na batas at paniniwala gaya ng isang konstitusyon. At sa pagkilala sa mga ito masasabing ang araw ng kalayaan ng Pilipinas ay ang araw na pinunit ng mga Pilipino ang kanilang mga sedula, ang pagtatala at pagbubuwis sa kanila ng Kastilang mananakop, noong Agosto 24, 1896. Ang pagpunit ng sedula ay tanda rin ng pagtakwil sa gobyernong kolonyal, paglalantad ng Haring Bayang Katagalugan at pagbubuklod ng bansa sa isang armadong rebolusyong pagpapalaya.
Mas malapit nga sigurong totoo, katutubo o lokal ang petsang Hulyo 12, 1898 kaysa sa Hulyo 4, at ito rin ang mas maamong paggunita kaysa sa petsa Agosto 24 na rebolusyunaryong higit ang katangian, lalo’t habang ang taunang selebrasyon ng kalayaan ay nagsisilbing tabing lamang sa nagpapatuloy na pagkubabaw ng US sa bansa.
Hindi rin agad nawala ang pisikal na pamamalagi ng mga Amerikano sa Pilipinas matapos mang maibigay ang ating kalayaan. Buhat ng Military Bases Agreement ng 1947, nanatili ang mga baseng militar ng mga ‘Kano sa Clark Air Base hanggang 1991 at sa Subic Bay Naval Complex hanggang 1992. Bumoto ang Senado laban sa pag-ratipika sa bagong kasunduan sa baseng militar na “Treaty of Peace, Friendship and Cooperation” na sinusulong at pinagkasunduan ng noo’y presidente ng US na si George Bush at ng presidente ng Pilipinas na si Corazon Aquino. Malaganap noon ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao sa mga base ng ‘Kano at ang malawak na damdaming anti-US ng mamamayan. Noong nakaraang taon lamang ay nakipagkasundo ang noo’y pangulo na si Benigno Aquino III na magtayong muli na base sa Subic Bay, isang deep-water naval base.
Napawalang-bisa man ang tratado sa baseng militar ay nananatiling mahigpit ang kapit ng US sa Pilipinas. May bisa hanggang sa kasalukuyan ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, na nagsasabing susuportahan ng isa’t isa ang bawat isa kapag may panlabas na puwersang umatake rito. Pinagtibay itong muli sa pagpirma ng dalawang bansa sa Manila Declaration noong Nobyembre 2011, 60 taon ang nakaraan. Ngunit sa ilang taong hinarap ng Pilipinas ang agresyon ng Tsina sa pagtatayo ng mga baseng militar sa mga dagat at islang sakop pa ng teritoryo natin, hindi nagbitiw ng depinidong salita ang US at presidente nitong si Barack Obama na dedepensahan ng US ang Pilipinas laban sa Tsina.


Hindi pa rin matagal na napaalis ang mga baseng militar ay muli nang nakabalik ang mga barkong pandigma at sundalong ‘Kano sa Pilipinas sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement ng 1998. Bagamat isang tratado, maraming hindi masasaklawan ng Pilipinas sa mga bibisitang puwersang ‘Kano, gaya ng inspeksyon sa barkong pandigma o custody ng mga sundalong ‘Kano sakaling may labagin silang batas ng Pilipinas. At iyon na nga ang nangyari sa kaso ng panggagahasa ng mga ‘Kano sa Pilipina na si Nicole noong 2006. At sa brutal na pagpatay ng isang ‘Kano sa isang transwoman na si Jennifer Laude noong 2014.
Higit pang pinalawig ang MDT sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, isang kasunduang pinirmahan ni Aquino at Obama noong 2014, na nagpapahintulot sa pagbabase ng mas maraming sundalong Amerikano saanmang baseng militar ng Pilipinas sa imbitasyon ng Pilipinas at pagtustos ng Pilipinas sa mga gastusin kaugnay nito.
Paano nga ba masasabing kooperasyon ang namamagitan sa dalawang hindi naman pantay ang kapangyarihan at pakinabang sa isa’t isa?
Maihahambing daw ang relasyon ng US sa Pilipinas bilang Special Relationship. Ang US daw ang pinakamalapit ng alyado ng Pilipinas sa mundo at Pilipinas naman ang ang pinakamatagal na partner ng US sa Asya. Paborito daw na bansa ng mga Pilipino ang US at isa na ang Pilipinas sa mga pinakapabor sa US sa buong mundo noong 2013-2015. ‘Di na rin mapapasubalian na nanunuot at kinukubabawan ng US ang kultura at buhay ng ating bansa. Kaya marami nang naipalunok na anestisya at gayuma sa mga henerasyon matapos ang simula ng pananakop ng US sa atin at maging sa patuloy na panghuhuthot sa bansa.
At bilang huling pagninilay, paano nga ba matatawag na kaibigan, kung lagi’t lagi sa loob ng sandaantaon, ang isa ay laging higit na nakalalamang? Nakapanyurak pa nga, hindi lang minsan. Kung sa isang pagbabalik-aral na puno ng hibik at kirot ay hindi natin maitatanggi, kahit pilit na binubura at binabaon sa limot, na ang noo’y manlulupig na pumatay sa ating lahi ay patuloy tayong nililinlang sa katuwiran ng mga salitang kaibigan at kalayaan.



























