“Sa araw na ito pitong taon na ang nakalilipas, kinitil ng 16 na taong gulang na si Kristel Tejada ang sariling buhay matapos siyang mapilitan na magsumite ng LOA (leave of absence) matapos makiusap sa pamantasan na payagan siyang makapagpatuloy na mag-aral sa kabila ng kaniyang PHP 10,000 na pagkakautang. Ito ay alinsunod sa di-makatarungang “no late payment policy” na ipinatutupad noon sa UP Manila,” nagkakaisang pahayag ng mga Freshmen Student Councils (FSCs) sa iba’t ibang kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Si Kristel ay estudyante sa unang taon ng Behavioral Science sa UP Manila noong 2013.

“Inaalala natin ngayong araw kung paano hindi pinakinggan noon ni Vice Chancellor for Academic Affairs Josephine de Luna ang pagsusumamo at pakikiusap nina Kristel kasama ang kanyang tatay na siya ay hayaang magpatuloy na mag-aral sa unibersidad ngunit ang naging tugon sa kanila ay “From the Office of Vice Chancellor. Final decision: File LOA.” na nakasulat sa maliit na piraso ng papel. Inaalala natin ngayong araw kung paano nagmanikluhod ang ina ni Kristel, kay Manuel Agulto na noon ay UP Manila Chancellor upang payagan ang natatanging hiling ni Kristel na makapag-aral sa kabila ng kanilang estado sa buhay,” pagpapatuloy ng pahayag.

Natanggal noon sa trabaho sa kalagitnaan ng taon ang tatay ni Kristel at nakiusap ang mga magulang niya sa administrasyon ng UP Manila na patuluyin siyang mag-aral, kundi ay hayaang mag-sit in sa mga klase. Nawala na si Kristel dalawang araw lang mula nang sapilitang pinagsumite ng ‘leave of absence’ si Kristel dahil hindi makabayad sa matrikula sa pangalawang semester.

Nasa bracket D si Kristel sa Socialized Tuition System (STS) ng UP, na ikinadismaya ng kanyang pamilya.. Naniniwala silang batay sa pang-ekonomyang kalagayan nila ay dapat nasa bracket E2 si Kristel, kung saan libre ang kanyang matrikula at makakatanggap siya ng stipend na P2,400 kada buwan o P12,000 kada semestre. Ang mga nasa bracket D ay nagbabayad ng P300 kada unit, o ang matrikula bago ang 300% na pagtaas, at aabot sa P2,000 na lab fees o sa kabuuan ay nasa P8,000 pataas kada semestre.

Inaprubahan noong 2013 ang STS sa UP kasunod ng 300% pagtaas ng matrikula mula P300 kada unit tungong P1,000 sa UP Diliman, Manila at Los Baños. Ang STS ang nagtatakda sa matrikulang babayaran ng isang Iskolar ng Bayan sa UP kada semestre.

“Pitong taon na ang nakalilipas matapos ang kalunos-lunos na trahedyang ito subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ang hustisya sa pagkamatay ni Kristel,” pag-alala ng Kabataan Partylist UP Manila kay Kristel.

Dagdag nila, “ang mga naging hinaing ni Kristel noon ay hinaing pa rin ng mga kabataan ngayon. Huwag natin hayaang makalimutan si Kristel ng kasalukuyang henerasyon. Huwag na nating hayaan pang madagdagan ang mga biktima ng bulok na sistema ng edukasyon.”

Taun-taong ginugunita ng mga mag-aaral ang araw ng kamatayan ni Kristel, Marso 15. Ang malungkot na pangyayari ang nagtulak noon sa UP Manila na ibasura ang ‘no late payment policy’ at sa Commission on Higher Education (CHED) na maglabas ng memo na nagdidiin laban sa patakarang ‘no permit, no exam’ at paghimok sa mga paaralan sa pleksibilidad sa pagbabayad ng matrikula.

 

Kita mula sa estudyante sa pampublikong unibersidad

Bago ang STS, ipinatupad ng UP ang Student Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) mula 1989. Mula sa zero o walang matrikula, naging P40 kada unit, at naging P300 kada unit ang matrikula sa UP sa pagpapatupad ng STFAP.

Ang mga ‘socialized tuition scheme’ ay para umano sa ‘pagdemokratisa sa akses sa edukasyon sa UP’ at ‘para tustusan ng mga mayayamang estudyante ng UP ang mga mahihirap na estudyante.’

Pero ayon sa mga ulat ng Philippine Collegian, isa lang kada limang estudyante ng UP Diliman ang nakatamasa ng libreng matrikula sa ilalim ng STFAP noong 2001. Pagdating ng 2010, isa na lang kada 100 estudyante ang libre ang matrikula. Noong 2012, nasa 74 lamang sa 3,823 na aplikante ng STFAP na ang magulang ay kumikita ng mas mababa sa minimum wage sa National Capital Region (NCR) ang nakatamasa ng libreng edukasyon at may buwanang stipend.

Pinuna ito ng mga grupo ng estudyante bilang ‘smokescreen ng tuition increase’ at ‘income generating scheme’ sa loob ng pampublikong unibersidad sapagkat mula nang naipatupad ito ay tumaas ang matrikula sa UP at kumonti ang libre o walang binabayarang matrikula.

Sa loob ng STS, mas mataas pa ang tuition kada unit kaysa sa nakaulat na P 1,000 kada unit sa UP Diliman, Manila at Los Baños. Nasa P1,500 kada unit ang binabayaran ng estudyante sa bracket A o ang tinatawag ding ‘millionaire’s bracket,’ P1,000 kada unit ang bracket B, P900 kada unit sa bracket C, P600 kada unit ang bracket D habang libre sa bracket E1 at E2 (kaibahan ng dalawa ay may stipend ang huli).

Bago ang pagpapatupad ng ‘free tuition program’ noong 2017, nagbabayad ng tuition na P33,000 hanggang P55,000 ang mga estudyante sa UP Manila, pinakamahal sa kursong Medisina.

Bukod dito, kasalukuyang may mga estudyante sa mga pampublikong unibersidad na nagbabayad pa rin ng matrikula dahil ‘exempted’ sa benepisyong ito, gaya ng mga estudyante ng Medisina at Abogasya, mga mas matagal na sa pinakamaikling panahong inaasahang matapos ang kurso at iba pang dahil na nagdidiskwalipika sa kanila para sa free tuition.

 

Libreng matrikula

Kasalukuyang may programang libreng matrikula o free tuition program sa mga state universities and colleges (SUCs) sa bansa sang-ayon sa Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Law na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017. Unang naipatupad ang libreng matrikula noong pang-akademikong taong 2018-2019.

Nagsimula ang pagbibigay ng libreng matrikula sa ilalim ni Duterte nang inilagay ng Senado ang P 8 bilyong pondo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao sa imprastraktura na tinuring na pondong ‘pork barrel’ noong 2017. Kasunod ng inisyatibang ito na nagmula sa deliberasyon ng pambansang badyet ng 2018 ay isinulong na ang batas para sa free tuition program sa mga pampublikong paaralan.

Para sa mga kabataang matagal ilang dekada nang nagsusulong ng karapatan sa edukasyon, isang tagumpay ang free tuition program. Patunay ito na pwede naman palang pondohan ng gobyerno ang edukasyon para ito’y maging libre.

Sa unang pagpapatupad noong 2018, ang lahat ng 112 State Universities and Collges (SUCs) ang nakatatamasa ng libreng matrikula, habang 78 sa 108 na Local Colleges and Universities (LUCs) na naaprubahan na magpatupad ng libreng matrikula.

Noong una’y wala pa itong mga panuntunan at hindi agad pinatupad sa mga SUC sa pagpasok ng mga mag-aaral noong 2018, pero nangampanya ang mga mag-aaral ng #BoykotBayad sa UP Manila kung kaya’t itinigil ang paniningil sa mga huling araw ng enrolment.

Sa mga nakapagbayad ng tuition naman ay muling nangampanya ng #TuitionRefund ang mga mag-aaral at nagsagawa ng petisyon para sa 500 mahigit na mag-aaral na nakapagbayad ng tuition at hindi napaabutan ng mabilis at hindi malaganap na panawagan ng unibersidad sa aplikasyon sa refund.

Sa NCR, may higit 17 LUC pero dalawa lamang ang aprubado sa libreng matrikula sa unang taon ng free tuition program–ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.  Nasa 218,540 ang mag-aaral sa walong (8) SUC sa NCR noong 2018.

Noong nakaraang taon, ibinalita ng Tagapangulo ng CHED na si Prospero De Vera mayroon nang 214 HEIs—103 LUC at 111 SUC—na saklaw ng free tuition. Kasama na rin ang mga LUC sa NCR na Dr. Filemon C. Aguilar Memorial College of Las Piñas, Navotas Polytechnic College, City of Malabon University, Pamantasan ng Lungsod ng Pasig, Valenzuela City Polytechnic College, Pateros Technological College, Taguig City University

Ang mga estudyante ng SUC o LUC na ‘di kwalipikado o hindi saklaw ng libreng matrikula ay nagbabayad ng ‘subsidized’ na halaga ng matrikula batay sa halaga nito kada unit o kung sa UP ay batay sa kanilang bracket sa STS.

 

Talaan ng matrikula at halaga ng edukasyon sa mga SUC sa NCR

Tuition per unit Estimated cost of education

(personnel services + MOOE budget / weighted enrolment)

Eulogio ‘Amang’ Rodriguez Institute of Science and Technology P 100 P 9,953
Marikina Polytechnic College P 100 P 17,457
Philippine Normal University P 35 P 74,537
Philippine State College of Aeronautics P 200 P 16,029
Polytechnic University of the Philippines P 12 P 23,004
Rizal Technological University P 200 P 16,288
Technological University of the Philippines P 150 P 34,513
University of the Philippines P 2,000 P 227,518

 

May P 36 bilyong badyet ang free tuition program para sa taong 2020. Bumaba ito ng P6 bilyon mula sa badyet noong 2019.

 

Sistemang Return Service Agreement sa UP Manila

“Sa Unibersidad ng Pilipinas Maynila, umiiral pa rin ang polisiyang Return Service Agreement (RSA) kung saan mas dumarami pa ang nasadlak sa sitwasyong kagaya ni Kristel. Ang pagpirma sa kontratang ito ay isang rekisito para makapasok sa white colleges sa pamantasan kung saan kinakailangan ng mga estudyanteng maglingkod nang hindi bababa sa dalawang taon sa loob ng bansa. Sila ay mapapasailalim sa mga mapaniil na probisyon kung sila ay makakuha na ng 60 units sa kanilang mga kurso. Kung ang isang estudyante ay lilipat ng kurso o kaya naman ay disqualified na rito ay kailangan na niyang magbayad ng doble sa “ginastos ng gobyerno” para sa kanyang edukasyon, kasama pa ang interes,” pagbabahagi ng Kabataan Partylist UP Manila.

Nagsimula ang RSA sa pagpapapirma sa mga estudyante ng Medisina sa UP Manila noong 2009 na manatili sa bansa dalawang taon matapos sa pag-aaral at magsilbi sa ‘underserved communities.

Sa sumunod na mga taon ay sinaklaw na nito ang lahat ng ‘white colleges’ sa UP Manila, o ang mga health sciences na 6 sa 7 kolehiyo sa unibersidad. Tanging College of Arts and Sciences lang ang walang RSA. Taong 2013 naman ay ipinasok sa kontrata ang ‘payback’ kung saan pinagbabayad ang mga estudyante ng ‘cost of education’ na umaabot na sa P600,000 kapag nasa Third year na o nakakuha na ng 60 units ang estudyante. Hindi na rin required sa RSA na magsilbi sa ‘underserved communities’ at pwede namang kahit sa pribado, multinasyunal na korporasyon o iba pa basta nasa bansa. Noong 2018, matapos amyendahan ng UP Manila ang RSA, napabalita naman na pinapataw na ang ‘payback’ kung hindi matapos ng estudyante ang orihinal na kursong pinasukan sa UP Manila at lilipat sa ibang kurso.

“May mga estudyanteng hindi kaya magbayad in cash kaya sinisingil sa kanila ay kolateral na minsan ay nasa anyo ng sariling ari-arian tulad ng bahay o kotse,” ayon sa Kabataan Partylist UP Manila.

“Dagdag pa [sa RSA], ang patuloy na pagkakaltas ng badyet na nararanasan ng sektor ng edukasyon. Sa katunayan, ngayong taon ay mayroong P11.7-billion budget cut sa CHED sa kabila ng halos 100% pagtaas sa pondo na inilaan para sa confidential and intelligence funds, mula P2.5 billion to P4.5 billion,” anang pahayag ng FSCs.

 

Mataas na matrikula sa pribadong paaralan

“Sa kabila ng pagkakaroon ng libreng tuition sa iba’t ibang SUC, sa kabuuan ang mga SUCs ay bumubo lamang sa 6% ng kabuuang higher education institutions sa bansa at 1 lamang sa bawat 10 pamantasan at unibersidad sa bansa ang pampubliko kung kaya’t iilan lang din ang mga mag-aaral na nakatatamasa ng free tuition,” paliwanag ng pahayag ng FSCs.

Noong 2018, naitala ang 111 SUC at 1,721 pribadong paaralan sa bansa—aabot pa nga ang panumbasang ito sa 1 SUC kada 15 pribadong paaralan. Ang mga SUC ay pinopondohan ng pambansang pamahalaan at kasama sa taunang pambansang budget nito.

Kung isasama lahat ng pampublikong paaralan gaya ng mga LUC na pinopondohan ng mga lokal na pamahalaan, nasa 10% lamang sa mga Higher Education Institutions (HEIs) ang pampubliko, habang ang natitirang 90% ay mga pribadong paaralan, ayon sa estatistika ng CHED.

“Taon-taon pa rin ang pagtaas ng matrikula sa mga pribadong pamantasan. Dinadaan ng maraming pamantasan at unibersidad sa mga huwad na konsultasyon o kaya naman ay mga teknikalidad upang maitaas ang matrikula nang walang pag-aatubili. Dagdag pa rito ang mga mapaniil na polisiya gaya ng “no permit, no exam policy” o kaya ay “no late enrollment” na pinapalitan lang ng pangalan. Tiyak na maraming estudyante pa rin ang nasa kaparehong sitwasyon ni Kristel,” sabi ng Kabataan Partylist UP Manila.

Dahil sa Education Act of 1982, malayang nakakapagtaas ng tuition ang mga pribadong paaralan sa bansa. Sa Section 42 ng batas, sinasabi na “Each private school shall determine its rate of tuition and other school fees or charges… subject to rules and regulations promulgated by the Ministry of Education, Culture and Sports” (kasalukuyang DEPED, TESDA and CHED). Tinatanggap ng CHED ang mga aplikasyon sa pagtaas ng matrikula ng mga pribadong unibersidad at kalauna’y inaaprubahan din ito. Sapagkat tali naman ang kamay sa batas ng deregulasyon sa edukasyon na nagmula pa kay Ferdinand Marcos, Sr. III kaya’t tinutuligsa ng mga grupo ng kabataan ang CHED bilang ‘rubber stamp’ sa taunang pagtataas ng matrikula.

Inaprubahan ng CHED ang 268 aplikasyon sa pagtaas ng matrikula para sa taong 2017, habang 248 ang nag-apply noong 2018 pero hindi na naglabas ng listahan ng naaprubahang pagtaas.

Pumapalo ang matrikula sa mga pribadong paaralan sa NCR sa P 60,000 hanggang P330,000 kada taon.

 

Edukasyon ay karapatan

Panawagan ng FSCs na magsilbi nawang paalala ang buhay ni Kristel Tejada sa bawat isa sa atin na hindi natatapos ang paglaban upang masiguro ang edukasyon bilang karapatan ay natatamasa ng bawat isa.

“Ang pagkakaloob ng edukasyon ay hindi oportunidad para makagalansiya ang mga kapitalista. Ang edukasyon ay hindi dapat pinagmamakaawang ibigay kaninuman. Ang edukasyon ay karapatan na nararapat lamang tinatatamasa ng lahat!” pagtatapos ng pahayag ng FSCs.

Kasama sa mga pahayag ng FSCs ang Voice of the Freshies UP Manila, UP Diliman University Freshie Council, UPLB University Freshman Council, UP Diliman College of Arts and Letters FST Council, CSSP Freshie Council, UP CMC FST Konse, UP Diliman College of Science FST Council, CSWCD FST Council, at UP Engineering Freshie Council.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here