Hindi ko na nabati ang nanay ko ng Happy Mother’s Day. Eksaktong isang buwan bago ang Mother’s Day ay binawian siya ng buhay dahil sa COVID-19. Mas minarapat kong hindi ibunyag iyon sa social media, sa publiko. Nabanggit ko lang ito sa iilang kaibigan at kasamahan na malalapit sa akin.

Isa akong editorial cartoonist sa Manila Today, myembro din ng political art group na Ugatlahi. Sa buwang nagdaan, malimit akong magpost ng meme at editorial cartoon sa sariling Facebook account. Minsan may kamag-anak ako na nagsabing tumigil muna ako at magluksa dahil sa pagkamatay ng aking ina. Ang tanging nasabi ko lang noon ay hindi porke’t nagpost ako ng ganun ay hindi mabigat ang aking nararamdaman. Paano nga ba magluksa sa panahon ng lockdown? Ni hindi nga ako makatawid sa katabing siyudad, sa ibang bansa pa kaya?

Bagkus lalo pa nga dapat maningil dahil nawalan ako ng mahal sa buhay dahil sa kapabayaan ng pamahalaan sa ibang bansa. Isang tinaguriang First World country pa man din ang bansang US pero  tila parang Third World. Parang Pilipinas din ang galawan sa pagharap sa pandemya. Ito na ang bansa kung saan pinakamarami na ang namatay, nasa 79,645 na patay at 1.34 milyon na ang kumpirmadong may kaso.

Namatay ang aking ina sa isang nursing home sa Amerika. Dahil kumalat na ang virus sa US, ipinagbawal ang pagbisita sa nursing home na tinutuluyan niya. Maging ang malapit na kamag-anak ay hindi pinahihintulutang dumalaw. Kaya kahit papaano naging panatag ako. Laking gulat na lamang nang tumawag ang aking kapatid isang umaga. Patay na raw si Ma. ‘Yun pala ay kumalat na sa nursing home ang COVID-19. Kulang daw ang testing sa Amerika kaya hindi naagapan. Isinugod sya ospital sa umaga ng April 10 at bandang ala-una ay binawian na ng buhay. Wala na akong nagawa kundi tanggapin ang katotohanan. Unti-unting bumalik ang mga alaala.

 

Hindi siya maituturing na tipikal na ina. Una sa lahat ay dahil isa siyang visual artist. Bukod doon ay may kahusayan ding tumugtog ng piano. Lumaki siyang relihiyoso at ito rin kadalasan ang kanyang pinipinta, mga imahe ni Hesus at Maria. Kung kayamanan ang pamantayan ng pagiging successful sa visual arts, isa ang nanay ko sa napakaraming hindi nagtagumpay. Minsan lang siya nakapag-exhibit sa gallery, hindi na ito nasundan. Dumalang din ang kanyang pagpinta sa paglipas ng panahon. Ang pangarap niya sana para sa akin ay maging successful na artist para makabenta ng mamahaling painting.  Lagi niyang pinagmamalaki na nagmana ako sa kanya sa pagiging artist. At binibida na kamukha ko siya. Kamakailan napapatingin ako sa salamin. Siyanga pala, malabo din ang mata ng nanay ko.

Malaking bahagi ng aking pagkamulat ay bunga rin marahil sa aking ina. Lumaki siya sa isang konserbatibo at tradisyonal na pamilyang medyo nakakaginhawa. Ang kanyang ama ay dating mayor sa kanilang lalawigan. Lumaki din kaming magkapatid na relihiyoso. Noong bata kami’y laging mahigpit ang hawak niya sa aming kamay tuwing pupunta ng simbahan. Hindi niya ako pinigilan sa kagustuhang maging artist. Sinama nya ako minsan sa sketching sessions sa Intramuros kasama ang ibang tanyag na artist. Doon ko rin nakita na maging sa sining, may diskriminasyon. May diskriminasyon kung bagito ka. Gayundin kapag babae ka. Kapag hindi ka sikat o wala ka pang napatutunayan, hindi papansinin ang gawa mo ng mga mayayamang patron.

 

Noong kolehiyo, nagsimula na akong mamulat sa realidad ng lipunan. Hindi ko makakalimutan ang mga walang katapusang debate namin ni Ma halos gabi-gabi, mahigit dalawang dekada na ang nakalipas. Mainam pa ang aking ama, may panindigang anti-Marcos. Ang aking ina, ayaw lang talaga sumangkot sa pulitika. Sa likod nito’y batid ko na nagaalala lang siya na baka kung ano ang mangyari sa akin.

Kinatawan niya ang ideya’t paniniwala ng makalumang lipunan.  Ako naman itong ‘matigas na ulo’ na teenager na naniniwalang maaari pang magbago ang ganitong kaayusan. May mga pagkakataong nauwi rin sa iyakan.

Tingin niya, phase lang itong pagiging aktibista. Pinatingin niya rin ako sa kanyang psychiatrist, sa paniniwalang makakatulong itong ‘gamutin’ itong sakit na aktibismo. Na sa kalaunan ay mawawala din na parang virus. Parang trangkaso.

Sa paglipas ng mga taon, nagmigrate na rin siya sa ibang bansa. Nagdeteriorate na rin ang kanyang mental health. Na-diagnose na may dementia bunga ng katandaan. Kahit papaano’y nakapagreunion din silang mag-asawa, (ang aking ama na nauna nang pumanaw). Nakapagusap kami din via video call pero maikli lang. Hindi na nagkaroon ng pagkakataon na makapagusap ng matagal bunga ng kanyang kundisyon.

Kung nagkaroon man ng pagkakataon magpaalam sa huling pagkakataon, ito na marahil ang nais kong sabihin:

Ma, pasensya na hindi ko na sinabi na nagpatuloy ako sa paghangad ng mas maayos na lipunan. Ayaw ko lang umiyak ka muli at makadagdag sa alalahanin mo. Napapanot na ako rin tulad ni Ding (Tatay) pero aktibista pa rin ako. Paumanhin hindi na ako nakapagpaalam ng maayos.  Malungkot man isipin, pero hindi na talaga mabubuo ang ating pamilya. Hindi naman nalalayo ang ating sinapit sa napakaraming pamilyang Pilipino, na winawasak at ipinaghihiwalay dahil sa kasalatan.

Darating ang araw, hindi na kailangang lumisan ang ating kababayan. Hindi na mawawatak ang mga pamilya. Hindi na magiging bulnerable ang mga may edad, may sakit at may kapansanan. Ma, pasensya na kung hindi ko natupad ang mga pangarap mo para sa akin. Ang pangarap ko’y hindi na pansarili lamang.  Napakahalaga ng sining, Ma, at hindi pera ang sukatan ng halaga nito, kundi ang kapangyarihan nitong pumukaw sa damdamin ng mamamayan.

Ma, darating ang araw, magagamot din itong sakit na bumabalot sa mundo. Hindi lamang ang COVID-19 ang tinutukoy ko, kundi ang sistemang mas pinapahalagan ang salapi kaysa buhay ng tao.  Matagal man ‘yun makakamit ay hindi kami nawawalan ng pag-asa.

Naalala ko ang kwento mo. Yung hirap ng panganganak sa akin. Lumabas kasi akong premature at napakaliit, mas malaki pa ang kuting. Pero heto ako ngayon, Ma, buhay na buhay pa.

Salamat Ma.  Kung hindi dahil sa iyo, hindi ako magiging tao.

Mahal kita, Ma, Paalam.

 

Marietta Baluyut Santiago
March 24, 1944 – April 10, 2020

 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here