At nasaan ang pag-unlad?

Kung meron man sinong pinalad?

Ikaw ba’y naghahanap ng lunas?

Magsama tayo upang lumakas.

           -Mag-Alay sa Bayan-

Inilunsad ng LAPIS (League of Authors of Public Interest Songs), organisasyon ng mga manlilikha ng awiting sumasalamin sa kalagayan at adhikain ng bayan, ang kauna-unahan nilang koleksyon ng mga kanta o album na pinamagatang Mag-Alay sa Bayan noong Marso 19, 2016. Napuno ang 70’s Bistro sa Anonas Avenue ng mga tumatangkilik sa musikang may saysay sa buhay ng ordinayong mamamayan.

Sapagkat hindi lang sila mga musikero’t, kompositor na nagtipon upang lumikha ng album, aktibo ang LAPIS na nakiisa sa mga isyung dinadaing ng mga ordinaryong mamamayan.

Sinuportahan ng LAPIS ang paglalantad sa tunay na SONA ng bayan, pagtatanggal ng pork barrel ng mga kongresista, pagpapanagot kay PNoy sa Disbursement Accelaration Program o pork barrel ng pangulo, pagsuporta sa mga Lumad at laban sa militarisayon ng kanilang mga eskwelahan at komunidad  at paglaban sa panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan.

Ayon sa tagapagtatag ng LAPIS na si Gary Granada, layunin din nila ang magsanay at mag-organisa ng mga artista para sa adhikain ng grupo bukod sa paglikha ng awitin para sa bayan.

Si Monet Silvestre, miyembro ng LAPIS at musical director ng naturang pagtitipon ay isinaayos ang pagkakasunod-sunod ng mga awiting itatanghal na halos kahalintulad ng pagkakasunud-sunod ng mga kanta sa album para sa madaling asosasyon ng alaala ng mga dumalo sa paglulunsad sa mga pagkakataong pribado na nilang pinakikinggan ang CD.

 

 

Ang estilo ng pagtatanghal ay nakapakete rin para kilalanin ang mga artista bilang LAPIS at hindi lamang bilang indibidwal na mga artista’t musikero.

Kinanta at ni-rap ni Jimmy Melendrez ang Tambay Prototype. Dito’y ipinapakita ang mabilis na paglaho ng pag-asa ng kabataan dahil sa hirap makahanap ng trabaho ilang buwan mula nang makapagtapos ng pag-aaral. 

Isang pagkwestiyon sa konteksto ng kalayaang meron sa ngayon ang kantang Anyare? ni Monet Silvestre. Mahusay na nagamit ang elemento ng blues music sa kantang ito na nababagay sa damdamin ng tanong o kolokyal na ekspresyong ito.

Sunod na kumanta ang Tres Marias na sina Bayang Barrios, Lolita Carbon, at Cooky Chua. Tunay na pagbibigaypugay sa guro at kababaihan ang mahusay na pagkanta ng tatlo sa Kababaihan Makapangyarihan at Guro. Ang mga kanta ay kumikilala sa malaking ambag ng kababaihan at ng mga guro sa pagbabago ng lipunan.

Sinundan ito ng pagkanta ni Bayang Barrios ng Katribo Ko. Isinalaysay sa kanta ang kinalakihang diskriminasyon nararanasan ng mga katutubong tulad niya. Si Bayang Barrios ay isang Lumad. Ayon nga sa kanta, ang “tribong [dati’y] ayaw angkinin, ngayo’y nagbigay-karangyaan.” Isang ethnic music na hinaluan ng elementong pop ang awiting Katribo Ko.

Isang testamento ang kantang Mabait na Bata na magpapatuloy sa susunod na henerasyon ang ganitong tipo ng pakikisangkot sa interes ng publiko na inawit ng batang si Elian Ramirez(anak ng isa pang artista ng LAPIS na si Karl Ramirez) at Ada Tayao. Sa isa pang gig ng LAPIS noong nakarang buwan, tumugtog ng tambol para sa kantang Rage ng The Jerks ang walong-taong gulang na si Elian.

Panlipunang hustisya para sa matagalang kapayapaan naman ang nais iparating ng awit ni Xandra Bisenio na Kapayapaan Ngayon Na. Simple at madaling sundan ang melodiya ng kanta na madaling makikanta lalu na sa koro.

Kritisismong masiste naman sa kasalukuyang sistemang pangkalusugan ng bansa ang ipinagsisigawan ni Pol Torrente ng Plagpul sa kantang Cancer na inawit sa paraang galit ngunit mapagbirong tipo ng Pinoy Rakenrol.

Unang pinlano ng LAPIS na ilabas ang album noong Nobyembre 2015. Sa koleksyon ay may dalawang kantang may tema ng Pasko, ang Pangarap Ko Ngayong Pasko na kinanta ni Bayang Barrios at ang Paskong Biyaya ni Chikoy Pura.

Ikinwento ni Chikoy Pura, tagapangulo ng LAPIS ang kahalagahan ng kolaborasyong nabuo sa paglikha ng kantang Sandugo. Ang kanta aniya ay isang kolaborasyon niya, ni Gary Granada at ng Tres Marias alay sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban na naging daan sa pagtatatag ng LAPIS.

Gaya ng kantang Sandugo, ang pangingibabaw sa hagupit ng sakuna sa pamamagitan ng bayanihan ng mga Pilipino ang mensahe ng Bangon Pilipino ni Karl Ramirez.

Kung noon, prutas, troso at iba pang hilaw na materyales ang pangunahing export ng Pilipinas, ngayon ay mamamayan na ang pangunahing ini-export ng bansa. Ito ang maikling paliwanag ni Lolita Carbon at Cooky Chua bago awitin ng Tres Marias at ni Gary Granada at Chikoy Pura ang Migranteng Manggagawa.

Hindi eleksyon bagkus sama-samang pagkilos tungo sa pagbabago naman ang diwang ikinikintal sa diwa ng kantang Mamamayan Mamamayani na itinanghal ni Karl Ramirez at Ada Tayao.

Sumunod namang inawit ang kantang pinaghanguan ng pamagat ng album, ang Mag-Alay sa Bayan na inawit ni Karl Ramirez. Isinalaysay ni Karl Ramirez ang inspirasyon ng awitin na si Willem Geertman, isang Dutch na NGO worker na tumutulong sa mga magsasaka ng Central Luzon. Siya ay walang awang pinaslang ng mga di-kilalang salarin noong 2013. Pinili ni Geertman na manilbihan sa mamamayang naghihirap.

Sa kanta ring ito mabubuod ang panawagan ng grupong LAPIS. Ayon nga kay Karl Ramirez, executive director ng LAPIS, “karapatan ng artista gumawa ng kanta tungkol pag-ibig ngunit sa LAPIS, hinihikayat namin [ang mga artista’t musikero] na magsulat hinggil sa pag-ibig sa bayan.”

Sama-sama namang inawit ng buong kolektibo ng LAPIS ang Bayan Muna, ang sagot ng LAPIS sa tanong ni Heneral Luna na “Bayan o sarili?”  Inimbitahan ni Gary Granada ang kaibigan nito na ngayo’y congressman ng Bayan Muna at kandidato sa pagkasenador ng Makabayan Bloc na si Neri Colmenares upang sumabay sa pag-awit. Hindi na nakatanggi si Neri Colmenares nang paulit-ulit na isigaw ng mga tao sa loob ng 70’s Bistro ang kanyang pangalan.

Sa ikalawang bahagi ng programa ay ang jamming ng mga musiko. Dito inawit nila Lolita Carbon, Cooky Chua, Bayang Barrios, Gary Granada, at Chikoy Pura ang ilan sa mga popular nilang kanta tulad ng mga awiting mula sa grupong Asin, The Jerks at mga kanta nila Gary Granada, Bayang Barrios at Cooky Chua.

Nagtapos ang paglulunsad sa pagkanta ni Chikoy Pura ng Rage, dahil ang pag-ibig at pag-aalay sa bayan ay nagsisimula sa pagkagalit sa hindi makatwirang kairalan.

Sa unang koleksyon ng grupong LAPIS, maaaninag ang pagsisikap na iangkop/salaminin ng kanilang mga awitin ang tunay na kalagayan ng publiko. Kung kaya’t kaabang-abang ang mga susunod pang mga koleksyon. Sa ngayon, ating damhin ang pag-aalay sa bayan ng LAPIS.

Panoorin ang buong pagtatanghal ng LAPIS:

 

InterServer Web Hosting and VPS