Anim na araw bago ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagprotesta ang mga grupo ng progresibong kabataan at maralitang lungsod sa tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) – NAPOLCOM.

Ang protesta anila ay upang singilin ang kasalukuyang administrasyon sa mga pandarahas, pagpapahirap, at lumolobong bilang ng paglabag sa karapatang pantao, marami sa mga ito sa Metro Manila ay isinagawa sa pamamagitan ng mga operasyon ng kapulisan, na pinamumunuan ng DILG.

“Kriminal” ang hatol ng mga grupo kay Pang. Duterte kasama ang kanyang kapulisan at militar maging ang National Task Force to End Local Communist ang Armed Conflict sa kabila ng patuloy na red-tagging, pamamaslang, at militaristikong tugon sa pandemya.

“Ito ang tunay na terorismo na ipinalalaganap mismo ng pasista, pabaya, at palpak na rehimeng Duterte. Kung bibilangin ang mga araw sa limang taong panunungkulan ni Duterte ay higit na mas marami ang bilang ng inhustisya,” ani Sebastian Tuerez ng Anakbayan Metro Manila.

Dagdag ni Tuerez, umakyat na sa 715 ang bilang ng mga bilanggong pulitikal, kung saan 487 o lampas pa sa kalahati ang inaresto sa ilalim ng administrasyong Duterte. Madalas, aniya, ang mga inaaresto ay sinisilbihan ng mga pulis o pinagsamang puwersa ng pulis at militar ng search o arrest warrant ng mga gawa-gawang kaso.

Ayon sa tala ng Karapatan, simula Hunyo 2016 hanggang sa Hunyo ngayong taon ay umabot na sa 414 ang extrajudicial killings at halos 4,000 na ang iligal na inaresto.

Giit din ng Anakbayan Quezon City na patuloy ang gera kontra droga ni Duterte, habang walang napapanagot sa marami sa libu-libong napaslang sa programang ito na pinangunahan ng Philippine National Police. Hindi pa rin naman umano natapos ang problema sa droga, batikos nila, ngunit maraming buhay kasama na ng maraming kabataan ang kinitil ng programa ni Duterte.

Binatikos din ng mga kabataan si DILG Secretary Eduardo Año na humiling pang dagdagan ng P40 bilyong pondo ang NTF-ELCAC para sa taong 2022 na doble nakuha nitong P19 billion na pondo ngayong 2021.

“Itong berdugong DILG Secretary na si Eduardo Año ay humihiling pa nga ng 40 billion pondo para sa NTF-ELCAC habang ang mamamayang Pilipino ay nagugutom at nangangayupapa sa kahirapan. Kitang-kita natin kung paano tuwang tuwa ang mga pulitiko na kurakot at berdugo sa anumang pondo at ipagpatuloy ang militarisasyon sa kalunsuran at kanayunan,” saad ni Kej Andres, pambansang tagapagsalita ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).

Ilalaan umano ang dagdag na pondo ng NTF-ELCAC para magbigay ng P20 milyon sa halos 2,000 barangay sa ilalim ng tinatawag na Barangay Development Program.

Para sa mga grupo ng kabataan na nagprotesta, ito ang “pork-barrel” ni Duterte na gagamiting pansuhol sa mga barangay para suportahan ang pinaigting na programang kontra-insurhensiya sa kanayunan at para sa pangangampanya nito sa eleksyon sa susunod na taon.

Banggit din nila, kalakhan ng pondo na aabot sa P16.4 bilyon ang ibinuhos sa Davao City kung saan namamayagpag sa larangan ng pulitika si Duterte at anak nitong kasalukuyang Davao Mayor na si Sara Duterte-Carpio.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here