Maaga pa lang ay nagsimula nang magtipon ang mga drayber ng tricycle, kuliglig at pedicab sa iba’t ibang bahagi ng Maynila—sa Malate, Vito Cruz, Harison Plaza, Tondo at Sampaloc—hindi para mamasada kundi para magprotesta. Iisa ang pupuntahan nila, patungong City Hall ng Maynila para irehistro ang pagtutol sa napabalitang phase out sa mga tri-wheel para ipalit ang electronic tricycle.

tri-wheels-protest-4
Nagtipon ang mga drayber ng tri-wheels para tutulan ang nakaambang phase out. (Litrato ng Manila Today)

 

“Tinututulan namin ang e-trike dahil masyadong mahal ang hulog nito, ang iba nga ay halos hindi na makapagbayad ng boundary,” ayon kay Manny Morales, isang drayber ng tricycle sa Malate.

Sapat lang para makaraos sa araw-araw ang kinikita niya sa pagpasada ng tricycle pero hindi sapat para makaipon, dagdag pa ni Morales. Aniya, nasa P100-150 ang boundary ng tricycle at umaabot lang sa P500 ang kinikita tuwing Lunes hanggang Biyernes, pero pag walang pasok ay P100 lang ang kita.

“Nananawagan kami na irespeto ang aming kabuhayan,” ayon kay Arthur Padayao, Tagapangulo ng Castro Tricycle Operators and Drivers Association.

tri-wheels-protest-3
Panawagan ng mga drayber ng tri-wheels ay kabuhayan, hindi negosyo. (Litrato ng Manila Today)

 

Pabiro pa niyang binanggit na kapag mawalan sila ng kabuhayan ay wala na silang maiuuwing kita sa kanyang asawa at baka iwanan sila ng kanilang mga asawa.

Nangangamba naman si Edgardo Moreno, Pangalawang Tagapangulo ng Taft Pedicab Operators and Drivers Association, na ang pagpatay sa kanilang kabuhayan ay maaaring magdulot na mapilitang magnanakaw o mamalimos ang mawawalan ng pagkakakitaan na ayaw naman nilang mangyari.

tri-wheels-protest-8
Hinarap ni Konsehal Dennis Alcoreza ang mga lider ng mga drayber ng tri-wheel. (Litrato ng Manila Today)

Nang makaharap ng mga lider ng mga drayber ng tri-wheel si Dennis Alcoreza, Konsehal ng Maynila na siya ring may hawak sa Manila Tricycle Regulatory Office, tiniyak niya na walang mangyayaring phase out.

Banggit pa niya, aabot lang sa P200 ang hulog-boundary sa mga e-trike na huhulugan ng apat na taon. Dagdag pa niya, prayoridad na mabigyan ng e-trike ang mga walang sariling tricycle at kuliglig. Hindi rin umano planong palitan ng e-trike ang mga pedicab.

Pero nang tinanong ng mga drayber kung ano ang pangmatagalang plano para sa mga tri-wheel, lalo na ang tricycle at kuliglig, bagama’t walang eksaktong target kung kalian ay kinumpirma ni Alcoreza na papalitan ng e-trike ang lahat ng pinapatakbo ng gasolina.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 280 e-trike sa Maynila na handa nang ipamigay sa mga drayber na pumayag na gamitin na ito.

Ayon pa kay Alcoreza, aabot sa 5,000 na e-trike ang planong mailagay sa Maynila bago matapos ang panunungkulan ni Mayor Joseph Estrada.

Ang kumpanyang BEMAC Electric Transportation Philippines Inc., na isang Hapon na kumpanya ang mayor na namumuhunan, ang nagmanupaktura ng mga e-trike na gagamitin sa Maynila.

Nakakuha ng pagtitiyak mula kay Alcoreza ang mga drayber na magtatakda ng pampublikong dayalogo kasama ang Alkalde ng Maynila hinggil sa usapin.

Mananatili naman umanong magbabantay ang mga drayber ng tri-wheel at patuloy na magpapalakas ng hanay para mapigilan ang anumang banta ng pagwasak sa kanilang kabuhayan.

tri-wheels-protest
Litrato ng Manila Today