Kotong sa mga tri-wheel laganap umano sa Maynila

0
698

“Maraming walang prangkisa ng tri-wheel dahil sa simbolo ng korapsyon na ito,” pahayag ni Arthur Fidelis, tagapagsalita ng Pagkakaisa ng mga Tri-wheel Organization para sa Kabuhayan (PATOK), sa isang press conference sabay pakita ng papel na may mga litrato ng umano’y mga marka sa mga tri-wheel.

Arthur Fidelis
Ipinakita ni Arthur Fidelis, tagapagsalita ng PATOK, ang umano’y mga simbolo ng korapsyon na pinapatupad sa mga tri-wheel. (Litrato ng Manila Today)

Ayon kay Fidelis, marami umano ang hindi nahihikayat kumuha ng prangkisa at ordinansa para sa terminal dahil sa matinding korapsyon.

Paglalahad pa niya, kapag nag-operasyon umano ang mga tauhan ng Manila Tricycle Regulatory Office (MTRO), ang una nilang hinahanap ay ang mga marka o ‘tara’ sa kanilang sasakyan, kapag mayroon ay hindi huhulihin kahit may paglabag sa batas trapiko. Umaabot umano sa P50 hanggang P100 bawat drayber ang nakokotong ng mga tauhan ng MTRO.

Sa isang panayam, sinabi ni “Jepoy”, na hiniling na ikubli ang kanyang tunay na pangalan, 20 taon nang nagmamaneho ng pedicab sa Malate, na nagbabayad siya ng P30 bawat linggo sa naniningil sa kanilang pilahan na umano’y ‘tao’ ng MTRO.

Ang 'JP' na tatak ay isa diumano sa mga mapagkikilanlan na nagbabayad ang mga drayber tri-wheel linggo-linggo para hindi mahuli ng MTRO.
Ang ‘JP’ na tatak ay isa diumano sa mga mapagkikilanlan na nagbabayad ang mga drayber tri-wheel linggo-linggo para hindi mahuli ng MTRO.

“Hindi naman namin gusto ang ganito pero wala kaming magawa…ayaw kong maperwisyo sa hanapbuhay dahil laging nahuhuli,” pag-amin ni Jepoy.

Dagdag pa ni Jepoy, wala pa sa P200 bawat araw ang kinikita niya sa pagmamaneho ng pedicab at magbabayad pa siya ng P60 na boundary. Kapag nanghuli raw ang MTRO ay kailangang magbayad ng P300 hanggang P500 para matubos ang pedicab.

Ayon pa kay Jepoy, lahat sila sa kanilang pilahan ay pumasok sa ganitong sistema.

Para naman sa mga hindi pumailalim sa lingguhang pagbayad para makaiwas sa panghuhuli, ‘pag-areglo’ naman ang ginagawa ng ibang drayber ng tri-wheel katulad ni Manny Morales na namamasada ng tricycle.

Paglalahad ni Morales, habang namamasada ay pinara siya ng tauhan ng MTRO. Pinakita naman umano niya ang kanyang lisensya pero hinuli pa rin at hindi binigyan ng tiket at sinabi kung ano ang kanyang paglabag. Nang ma-impound ang kanyang tricycle, binulungan siya ng isang tauhan ng MTRO at sinabihang ‘aregluhin’ na lang umano para hindi na matagalan pa. Napilitan siyang magbigay ng P500 para makuha kaagad ang tricycle dahil wala siyang pagkakakitaan dahil aabot daw ng isang linggo bago niya matubos ito. Nangyari ang insidente noong nakaraang taon.

Sa ibang pagkakataon naman ay nasa pilahan lang umano siya habang nag-aabang ng pasahero nang tinangka siyang hulihin ng isang tauhan ng MTRO na hindi sinasabi kung ano ang kanyang paglabag. Para hindi na maabala, napilitan daw siyang magbigay ng P300.

Idinulog ng PATOK ang naturang isyu kay Konsehal Dennis Alcoreza na siya ring namamahala ng MTRO noong Oktubre 17 nang sila ay magprotesta laban sa nakaambang phase out ng tri-wheel para ipalit ang e-trike.

Nakipagdayalogo ang mga drayber na myembro ng PATOK kay konsehal Dennis Alcoreza. (Litrato ng Manila Today)
Nakipagdayalogo ang mga drayber na myembro ng PATOK kay konsehal Dennis Alcoreza. (Litrato ng Manila Today)

Itinanggi ni Alcoreza na may direktang kautusan mula sa kanilang opisina ang pagpapatupad ng iniulat ng mga drayber na korapsyon.

“Kapag may naningil, banggitin niyo sa amin ang pangalan ng mga involved at kahit sa harap niyo mismo ay ipapahuli ko,” pagdidiin ni Alcoreza.

Ayon naman kay Julius Galang, Direktor ng MTRO, pinalitan na nila ang lahat ng kanilang mga tauhan at hinihiling ang pakikipagtulungan ng mga drayber na iulat ang mga insidente ng kotong para maimbestigahan nila.

Nilinaw naman ni Fidelis na kaya napipilitang magpailalim sa sistemang ganoon ang mga drayber dahil sa mabagal na proseso ng pag-apruba ng prangkisa at ordinansa para sa terminal at hindi ituring na iligal ang kanilang hanapbuhay.

Nangako naman si Alcoreza na papabilisin ang proseso ng pagbigay ng prangkisa at hindi muna huhulihin ang mga walang prangkisa at ordinansa para sa terminal maliban sa mga walang lisensya at lumalabag sa batas trapiko.