Kinundena ng grupong Hustisya, grupo ng mga kaanak o supporter ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) ng gobyerno, ang pag-alok ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pabuyang P 2 milyon sa sinumang makahuli o makapatay sa mga lider ng komunistang grupo, pero sa kabila nito ay sinabi namang kung sa ayuda ay paubos na ang pera ng bayan at hindi na kakayanin kung magkakaroon pa ng “second wave of infections” o muling pagdami ng COVID-19. Sinabi ito ni Duterte sa kanyang talumpati na nirekord nang mas maaga pero inere lamang noong Mayo 12.

“Sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bayan — ang hindi pa rin maampat na pagtaas ng bilang ng nahahawaan ng COVID-19, gayundin ang patuloy na bilang ng namamatay dahil dito — ang inaatupag ni Presidente Duterte ay ang panghaharas, pagbabanta ng paghuli at pagpatay sa kanyang itinuturing na mga kaaway, pangunahin ang mga rebeldeng komunista sampu ng armadong grupo nito ang New People’s Army (NPA),” anang Hustisya sa pahayag nito.

Sabi ng grupo, iyon ang pangunahing laman ng kanyang talumpati. Ito ay sa kabila nang ilang araw na hinihintay ng mga tao ang desisyon kung palalawigin ang ECQ sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar na dapat magtapos ngayong Mayo 15.

“Inaabangan ng mamamayan ang prescon na ito sa pag-asang ihahayagniya ang mga susunod na hakbang sa pagsugpo sa nakamamatay na COVID-19 pagkatapos ng ilang linggong paglalagay sa NCR at buong Luzon sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), na walang dudang nagpatindi sa paghihirap at pagkagutom ng maraming mamamayang mahirap sa kabila ng pakonsuelong pamimigay ng pondo mula sa social amelioration program (SAP) nito,” saad ng Hustisya.

Walang nilaman ang talumpati ni Duterte hinggil sa desisyon ng gobyerno sa ECQ at inanunsyo na lamang ito ng kanyang tagapagsalita na si Harry Roque matapos ang ilang oras.

“Lubhang nakababahala ang asta na ito ng Pangulo na paulit-ulit na naglilitanya sa usaping kontra-insurhensiya na walang kaugnayan sa paano mapatigil ang pagkalat ng nakamamatay na virus. Lalong nakababahala ang hakbang niya sa pagbibigay ng pabuya sa mga makahuli at o makapatay ng mga rebelde,” anang grupo.

Dagdaga nila, ang hakbang na pag-aalok ng pabuya ay napatunayan nang pinagmumulan ng korapsyon sa hanay ng militar sa hangad na makakuha ng pabuya. Anila, magdudulot din ito ng malubha at malawakang paglabag ng karapatang pantao sa pamamagitan ng “red-tagging” at pag-uugnay ng mga sibilyan sa armadong grupo.

“Walang pinag-iba ito sa ipinatutupad na Executive Order 70 at Memorandum Order 32 na nakatuon ‘di umano sa pagsugpo sa tinawag nilang “lawlessness and violence and acts of terror” sa rehiyon ng Bicol at mga probinsya ng Samar, Negros Oriental at Occidental. Subalit sa aktwal umaabot sa daan ang pinatay na karamihan ay ordinaryong magsasaka at mga sibilyan. Isinasagawa rin ito ng lahat ng ahensiya ng militar at mga ahensya ng gobyerno,” paglalahad ng grupo.

Giit nila, dapat na sa panahong ito ay mas pagtuunan ng pamahalaan ang mabilis na pagpapatigil sa paglawak ng mahahawaan ng COVID-19. Dapat ding isagawa ang mabilis na mass testing, mas episyente at mabilis na contact tracing, at pamimigay ng sapat na PPEs sa lahat ng mga frontliners maging para sa mamamayan, na bahagi ng mga panawagan ng mamamayan para mabisang masugpo ang pandemya.

Sa halip, anila, “lalong lumalala ang kalagayan ng bansa at mamamayan sa patuloy na paghahari at pamamalakad ni Duterte.’

“Unti-unting nakikita ng mamamayan ang kawalang kakayahan ni Duterte na mag-isip at magdesisyon para sa kapakanan ng mamamayan. Unti-unting nakikita ng mamamayan na kontra-mamayan ang kanyang ipinatutupad kasama ang mga alipures niya sa gobyerno at military,” giit ng grupo.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here