Nagpiket sa labas ng punong tanggapan  ng National Housing Authority (NHA) sa Lungsod Quezon ang mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) dahil sa marahas na dispersal sa mga maralitang nagbarikada sa Manggahan Floodway sa Pasig City. Kinalampag ng mga miyembro ng Kadamay ang gate ng NHA at hinamon ang mga opisyal nito na harapin ang mga maralita.

“Overkill” ang ginawang dispersal, ani Estrelieta Bagasbas, Pangalawang Pangulo ng Kadamay San Roque.

“Walang kwenta ang NHA. Wala silang ginagawa para tiyakin ang paninirahan ng mga maralita. Wala silang ginagawa kapag dinadahas ang mga maralita ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa usapin ng pabahay,” sabi ni Bagasbas.

Nagbarikada ang mga residente ng Manggahan Floodway na nangangambang ma-demolish sa araw na ito. Ilang linggo lang ang nakakaraan, nagkalat ang mga paskil sa komunidad na dapat nang lisanin ng mga residente ang kanilang bahay pagdating ng Agosto 31, kung hindi ay sapilitang maggigiba pagdating ng takdang petsa.

Gabi bago ang inaasahang demolisyon, namataan na ng mga residente ang ilang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) SWAT na nakakubli sa katapat na gusali ng kubol na sentruhan ng mga nagpoprotesta at paulit-ulit na nagroronda ang mobil ng pulis sa komunidad.

Sinabi ng kapulisan na walang demolisyon na ipapatupad ngayong araw. Humingi ng dayalogo sa mayor ng Pasig ang mga residente para makatiyak na walang demolisyon at upang mailabas ang kanilang mga hinaing.

Katanghalian, nagdayalogo ang mga residente at mga pulis at nagkasundong parehong aatras. Walang pag-atras na nangyari. Isinulong ng mga pulis ang trak ng bumbero sa harapan ng barikada ng mga maralita at binomba ng tubig ang mga nakabarikada. Nang mabuwag ang harapan ng barikada ay hinabol at hinuli ang nasa 29 katao.

Nananawagan ang Kadamay na palayain ang mga hinuli na sinasabi nilang lehitimo ang isinagawang paglaban para sa kanilang karapatan.

Naglabas naman ng pahayag ang Bayan Muna Partylist na kumukundena sa ginawa ng mga pulis na marahas na dispersal sa mga nagbabarikadang residente.

“Ang mahirap kasi ang default ng police ay mamalo na lang at mandisperse kahit nagpapahayag lamang ang mga residente ng kanilang karapatan at kahilingan na huwag silang sapilitang palayasin sa kanilang mga tirahan at ipagkaloob na sa kanila ang lupa. Kapag ganito talaga ang manera ng PNP na nauuna ang pandarahas ay talagang tataas ang mga insidente ng paglabag sa karapatang pantao at karapat dapat na singilin sila ng mamamayan,” sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, na nagsabi ring maghahain siya ng resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para imbestigahan ang insidente.

Sinabi rin ni Zarate na simple lang ang hinihiling na dayalogo ng mga maralita sa alkalde ng lungsod na si Maribel Eusebio.

Higit apat na dekada nang naninirahan ang mga maralita sa Manggahan Floodway. Matapos ang bagyong Ondoy noong 2009 ay pinaalis ang mga residente at dinala sa relokasyon sa Calauan, Laguna sa pagsasabing danger zone ang lugar na nasa tabi ng Ilog Pasig. Kasabay nito, nalaman ng mga tao na may proyektong balak itayo sa kanilang lugar. Marami sa mga na-relocate ay nagsibalikan. Inaasahan sana ng mga residente na sa halip na palayasin muli ay i-award na sa kanila ang kinatitirikan ng kanilang bahay.

“Inutil ang NHA. Ang NHA, ang gobyerno ang nagtuturo sa maralita na lumaban para sa kanilang mga karapatan,” sabi ni Bagasbas.

Ang komunidad naman ni Bagasbas sa San Roque sa Quezon City ay aabot na sa pitong taong unti-unting dine-demolish para sa Quezon City Central Business District na proyektong pangkaunlaran ng pambansang pamahalaan. Nagsimula pa ang mga sapilitang pagpapalayas at demolisyon sa komunidad noon Setyembre 2010, nakakatatlong buwan pa lang sa pagkakapangulo si Benigno Aquino III, kahit pa pumirma ito noong kumakandidato pa lamang ng “Covenant of the Urban Poor” na nagsasabing walang demolisyon sa kanyang panunungkulan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here