Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong nito sa Inter-Agency Task Force (IATF) noong Hulyo 20 ang panukala ng Kagawaran ng Edukasyon na simulan ang limitadong face-to-face na klase sa mga lugar na itinuturing na low-risk o nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).

Ang panukalang ito ay tugon ng kawanihan sa utos ni Duterte na maghain ng pormal na panukula hinggil sa limitadong face-to-face classes, gayundin sa mga lokal na upisyal at mga international school sa bansa na humihiling na payagan ito.

Tuloy din ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, ani Briones.

“At this time, though limited only in areas where there is low risk assessment and where there is compliance with the requirements of the Department of Education [DepEd], as well as compliance with the minimum health requirements of the department. Only in this low risk places, not for everybody only for those which are considered low risk areas,” ani DepEd Secretary Leonor Briones sa pulong na ipinalabas sa publiko noong umage ng Hulyo 21.

Ilan sa hinalimbawa ang mga lugar na maaaring isagawa ang panukala ay iyong konti o wala pang kaso ng COVID-19 gaya ng isla ng Siquijor, Dinagat at Siargao.

Dagdag din ni Briones na ang face-to-face class na gagawin ay hindi buong lingo ngunit dalawang araw lang upang maiwasan ang pagsama sama ng mga estudyante sa eskwelahan.

Para naman maging kwalipikado ang paaralan, kailangan munang dumaan nito sa pag-aaral ng mga lokal na opisyal ng edukasyon sa kani-kaniyang syudad at probinsya at ipapasa ito sa regional office bago pagaralan ni secretary Briones

Nabanggit din ng kalihim na magisisimula ang limitadong face-to-face classes sa Enero 2021, at magsisimula lamang ito sa ilang lugar kung magkakasundo ang mga opisyal ng kalusugan at ang lokal na gobyerno kasama ang Kagawaran ng Edukasyon.

Magsasagawa rin ng inspeksyon ang Kagawaran ng Edukasyon at ang IATF sa mga eskwelahan. Kailangan din nilang magsagawa ng pilot testing at mahigpit na pamantayan ng kalusugan sa bawat paaralan.

May apat na kundisyon na inilatag si Briones para sa mga nais magsagawa ng limitadong face-to-face classes:

  1. Dapat na nasa low-risk erya o sa minimum ay MGCQ, pero kada kaso ay tatasahin pa rin
  2. Mainam para sa face-to-face classes ang mga paaralan, gaya ng may maluluwag na classrooms, pero kung maliit lang ay kailangan ng maliit na bilang ng mga estudyante ang papasok
  3. Nasa maayos na kalagayan ang mga pasilidad
  4. Susuportahan ng lokal na pamahalaan ang mga paaralang magbubukas gamit ang Special Education Fund nito

Ani Briones, matatagalan pa bago maisagawa ang maluwag na pamantayan ng kalusagan sa paaralan, kailangan din na ihanda ang bawat lugar sa loob ng paaralan at sundin ang social distancing protocol.

Sa kabila naman ng mga panukala, plano at pagsasabi ng DepEd na dapat matuloy ang pagkatuto ng kabataan ay nakaamba pa rin ang kawalan ng klase laluna sa pampublikong batayang edukasyon na magiging ligal na matapos maisabatas ang Republic Act 11480.

Pinirmahan ni Duterte noong Hulyo 17 ang nasabing batas na binibigyang kapangyarihan ang pangulo ng bansa na itakda ang pagbubukas ng pasukan kung nasa estado ng kalamidad o emergency. Sa dating batas, dapat na buksan ang pasukan sa pagitan ng unang Lunes ng Hunyo hanggang sa huling araw ng Agosto.

Binabanggit din mismo Briones at ng iba pang opisyal ng DepEd sa mga panayam sa kanila na bagaman handa na sila sa pagbubukas ng pasukan sa Agosto 24 ay depende pa rin sa pangulo kung matutuloy ang pagbubukas ng klase batay sa RA 11480.

 

Kawalang klase ay pananagutan ng gobyerno – Anakbayan NCR

Anang grupong Anakbayan NCR, anumang kawalang klase ay magiging bunga ng kapabayaan ng gobyerno at maglalarawan ng resulta ng tugon nito sa pandemya.

“Dapat tiyakin ng gobyerno ang pag-aaral ng mga kabataan at magagawa rin ito sa kabuuang pagresolba sa pandemya. Pero sa ngayon, kahit pa wala nang pisikal na klase simula Marso 9, apat na buwang lockdown o quarantine ay tumataas pa rin ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Bahagi ng recovery ang pagbabalik ng klase at iba pang dapat nang bumalik para maampatan ang gutom at kawalang katiyakan ng mamamayan, pero ‘yung gobyerno inaamba pa ang lockdown sa NCR sa Agosto kapag daw tumaas ang kaso. Wala pa rin tayo sa recovery,” ani Mark Fernando, Tagapangulo ng Anakbayan NCR.

Aniya, kabaliktaran ang naging resulta ng lockdown sa Pilipinas sa ibang mga bansang nagpatupad ng quarantine o lockdown gaya ng Cuba, Singapore o South Korea, kung saan napababa ang mga kaso o nakaranas ng ilang araw na zero cases bago nagawang subukang makabalik sa pasok ang mga manggagawa, maibalik ang biyahe ng pampublikong transportasyon at klase. Sa Pilipinas, aniya, nag-lockdown, tumaas ang kaso, tinanggal ang lockdown kahit walang pagbaba ng kaso, pinabalik ang mga manggagawa, tumaas ang mga kaso.

“Bumabalik tayo sa simula kung saan hindi ginawa ng gobyerno yung mass testing, isolation, atbp. Sa Pilipinas, wala pa ring mass testing tapos ngayon lang nagtitiyak ang gobyerno ng isolation at tracing samantalang umpisa pa lang inabiso na ng WHO ang testing, tracing, isolation at treatment laluna habang wal pang bakuna,” sabi ni Fernando.

Ani Fernando, bukod sa naghihirap na ang mga tao bunsod ng depektibong tugon ng gobyerno sa pandemya, sila rin ang sumasalo ng kapalpakan ng gobyerno na ngayo’y nagresulta na ng kawalang kabuhayan o maaari rin ang kawalan ng klase ‘pag tuluyan na itong sinuspindi ng gobyerno ay sinisi pa ang mga ito.

“’Pag nawalan ng pasok, kasalanan ‘yun ng gobyerno kasi wala silang nagawa para mabilis na resolbahin yung pandemya. Umaasa sila sa bakuna na wala pa naman, kaya parang umaasa sa walang katiyakan tapos sasabihin pa ni Duterte wala pang pondo para bumili ng bakuna. Mukhang matatagalan pa ngang walang pasok ‘pag ganon, kaya ‘yung mga bata at kabataan muna ang magdurusa sa kapalpakan ng gobyerno,” giit ni Fernando.

 

===

Mga dagdag na ulat mula kay Agatha Rabino

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here