Inulat ng Department of Labor of Employment (DOLE) sa isang sesyon ng Senado na aabot sa limang milyong manggagawa ang mawawalan ng trabaho sa pagtatapos ng lockdown o Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Kamaynilaan. Ipinatupad ang ECQ sa National Capital Region (NCR) mula Marso 15 hanggang Mayo 31, at nakapailalim na ito sa General Community Quarantine (GCQ) o “new normal” mula Hunyo 1 sa tiyak na dalawang linggong tagal, bago tatasahin muli ng gobyerno kung ibabalik sa modified ECQ o mapupunta sa mas maluwag pang lockdown na modified GCQ.

Ayon sa 2018 Labor Force Survey, nasa 4.02 milyong manggagawa ang nasa konstrukyon na tipo ng trabaho. Sa pagpapatupad ng ECQ, nagpatigil sa pampublikong transportasyon, at nagpatigil sa mga ‘di itinuring na esensyal na trabaho kasama rito ang kalakhan ng operasyon ng mga manggagawa sa konstruksyon.

Kalakhan din sa mga manggagawa natin sa industriya ng konstruksyon ay mga kontraktwal, project-based at mga kabilang sa iskemang no work-no pay. Kaya sa pagsasailalim ng buong Luzon sa lockdown ang sektor nila ang isa sa pinakabulnerableng naapektuhan nito.

 

Si Severino

Nakatira si Severino sa komunidad sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon sa Village C. Dahil sa kanyang edad, hindi na raw siya tinatanggap sa mabibigat na trabaho sa konstruksyon pero pinagbibigyan pa rin siyang pumasok, minsan bilang tagabantay na lamang ng mismong ginagawa. Arawan ang sweldo na natatanggap niya na P350 sa isang araw, hindi nakakatanggap ng overtime ngunit halos buong araw siyang nasa site. Mas mababa ito sa minimum wage sa NCR na P537.

Nang magsimula ang lockdown, natigil na rin ang operasyon ng kanyang kompanya kaya nawalan na rin siya ng trabaho. Sinubukan niya pang ilakad ang Social Security System (SSS) niya para sana ay makakuha ng pension ngunit hindi na rin umabot.

“Wala rin, ‘di ko naabutan, gusto ko sanang asikasuhin yung SSS ko para may matanggap akong pension, pero naabutan rin ng lockdown,” ani Severino.

May asawa at dalawang anak si Severino. Mayroon na rin siyang mga apo na kasama niya sa kanilang bahay. Ang asawa ng mga anak niya ay nawalan din ng mga trabaho.

“Ang asawa ko nagmamanicure, ‘yun na lang inaasahan namin. Sa Tondo pa siya nagmamanicure tuwing Sabado siya umaalis ta’s Linggo ng madaling araw bumabalik. Minsan kapos, minsan sakto, minsan hindi mo na alam ‘san ka pa kukuha, nababaon ka na sa utang,” paglalahad ni Severino.

Ayon pa sa kanya talagang lalong humirap ang kanilang kalagayan buhat nang magkaroon ng lockdown dahil hindi na nila alam kung san sila kukuha ng pagkain at pagkakakitaan. Nakakain lamang sila kung may magbibigay daw ng ayuda sa kanila na hindi lahat ay galing sa kanilang barangay dahil kinakapos ito at napupunan lamang ng mga estudyante o ibang nagbibigay sa kanila.

“Minsan nagtatapon ako ng basura, hinahakot ko yung mga basura tas iniipon ko, kesa naman itapon kung saan-saan ta’s kung daraan na ang truck saka ko nilalagay ta’s aabutan nila ako kahit magkano, iyon pinangdagdag ko sa pangkain,” paglalahad niya sa kung ano pa ang kaniyang ginagawa sa kasalukuyan upang magkaroon ng kita na maipangbibili dahil sa kapos nilang mga natatanggap na ayuda.

 

Si Sebastian

Si Sebastian ay 43 taong gulang, nagtatrabaho bilang isang construction worker sa isang kompanya sa Katipunan, Quezon City. Noong naglockdown ay awtomatikong nawalan sila ng trabaho dahil sa walang transportasyon at hindi rin itinuring na esensyal na sektor ito.

Napilitan silang mamalimos na lamang sa kahabaan ng Mindanao Extension sa may Fairview, Quezon City upang maipangtustos sa kanilang pang-araw-araw.

“Kaya napilitin kami dito kahit papano may nag-aabot samin dito. Kasi yung may ayuda naman sa barangay eh bihira lang naman din. dito kahit papano may nagbibigay samin. Nagpapabalik balik lang kami dito araw araw. Pero swertihan lang talaga,” ani Sebastian.

Hiling ni Severino na maibalik na ang transportasyon para makabalik na sila sa kanilang mga trabaho dahil mahirap na ang kanilang kalagayan at kailangang pa nilang magbayad ng kanilang upa sa bahay.

 

Si Allan

Nanggaling pa si Allan sa Zamboanga Del Norte. Lumuwas lamang sa Maynila upang makapaghanap ng trabaho na tutulong sa kaniyang pamilya sa probinsya. Ngunit naabutan ng lockdown at walang kakayahang makabalik sa kaniyang probinsya dahil sa biglaang anunsiyo ng pamahalaan.

Lagpas 50 silang naiwan sa kanilang barracks sa Taft Avenue, Manila. Pare-parehong malalayo pa ang uuwian kaya hindi na nilang sinubukan pang umuwi. Sama-sama sila ritong umaasang tutulungan sila ng kanilang kompanya.

Ngunit sila ay kabilang sa iskemang no work, no pay at natigil ang operasyon ng kanilang kompanya magmula noong pagpapatupad ng ECQ. Kaya naman, halos tatlong buwan na rin silang walang sinusweldo na nagtulak sa kanilang mamalimos na lamang sa kalsada para ipangtawid sa buong araw na gutom sa barracks.

“Dalawang beses na po kaming hinuli ng pulis kasi namamalimos po kami sa stop light. Dahil po sa kagipitan po namin dito kasi po wala kaming nakuhang ayuda mula sa gobyerno kahit piso mula lockdown,” giit ni Allan.

Mahirap ang naging buhay nila Allan sa loob ng tatlong buwan. Kinuwento niya ring bukod sa walang makain ay naliligo rin sila nang walang sabon o kahit ano, tubig lang. Wala ring mga batayang panglinis sa katawan tulad ng tootpaste at iba pa. Sobrang init rin ng kanilang tinutulugan kaya madalas ay wala sila sa loob ng mga barracks. Dahil sa ganitong praktika ay mas nagiging bulnerable sila virus.

“Kami malalaki na kami, matatanda na kami, matitiis namin ang gutom, pero ‘yung pamilya namin naiwan dun sa probinsya, ‘yung mga anak namig, hindi po nila matitiis yung gutom eh wala naman po talaga kaming mapapadala kasing walang trabaho dito,” ani Allan.

Maraming beses silang pumunta sa DOLE upang magpasa sana ng mga kinakailangan para sa cash assistance, ngunit hindi sila pumapasa.

“Umaasa na lamang kami sa kapalan ng mukha. Ang katuwiran lang naming ay wala naman talaga sir e, alangang magnakaw kami eh masama naman talaga yun,” pagtatapos ni Allan.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here