Halos isang linggo bago isuspinde ang klase noong Marso, nasa gitna ng laban ang mga estudyante ng Technological University of the Philippines (TUP) sa kanilang panawagang pang-akademikong kalayaan at pandemokratikong karapatan sa administrasyon. Ang isang linggong suspensyon ng klase ay naging isang buwan pagkapataw ng ‘community quarantine’ (na naging enhanced community quarantine o ECQ) sa NCR.

At ngayong nasa gitna ng krisis pangkalusugan at pangkabuhayan dahil sa pandemyang COVID-19, isa sa mga isinusulong ng Rise For Education Alliance ng TUP ang pagpapatupad ng “mass promotion”, o ang pagbibigay ng pasadong marka sa lahat ng estudyante at pagpapahinto sa pasahan ng requirements.

Lingid sa kaalaman ng marami, kalakhan sa mga kurso sa TUP ay kursong pang-industriyal, na kinakailangan ng pagsasapraktika ng teorya sa aktwal na makinarya. Isa ito sa mga inaalala ni Clark ng College of Industrial Technology (CIT).

Aniya, “Ang kurso ko ay more on actual, meaning dapat hinahawakan namin yung makina mismo. Kailangan namin ng experience sa ginagawa namin, pero paano namin maisasagawa nang mahusay at epektibo ang aktwal na gawain kung matutuloy ang online learning sa mga susunod na semestre?”.

Si Clark ay tumatayong presidente ng kanilang klase sa CIT, at bilang presidente, inaalam nya ang kalagayan ng kanyang mga kaklase at kapwa mag-aaral.

“May mga estudyante na kaya nag-aral sa isang state university tulad ng TUP, ay dahil sa kakapusang pinansyal”, dagdag pa nya.

Nabanggit ni Clark na may kamag-aral syang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ang 4Ps na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga pinakamahihirap na Pilipino upang matiyak ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng mga batang may edad 0-18 gulang. Ayon sa kanya, minsan lang mag-charge ng telepono ang kanyang kaklase dahil baka tumaas ang kanilang bayarin sa kuryente.

Isa rin sa mga inaalala ni Clark ang pagbubulag-bulagan ng administrasyon ng unibersidad. Makatwiran at makatao ang pagpapatupad ng mass promotion, at pagdinig sa boses ng mga estudyante at propesor. Aniya, ang mga nakaupo ang dapat mas nakaiintindi sa totoong kalagayan ng mga estudyante sa gitna ng krisis sa kalusugan at kabuhayan, lalo na ang mga nasa laylayan.

“Patuloy na nag-iingay ang mga estudyante ng TUP tungkol sa mass promotion, pero parang walang nakakarinig, tila wala kaming boses”, pagtatapos niya.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here