Nagsagawa ng clean-up ang mga residente sa komunidad ng Baseco kasama ng Nilad Metro Manila Environmental Network (Nilad) at ng PAMALAKAYA sa taunang International Coastal Clean-up Day tuwing Setyembre 19.

Nagsagawa naman ang Nilad ng pagsisiyasat sa basura sa baybayin ng Manila Bay mula Setyembre 12 to 18 na tinawag na Dampa Alert.

Sa mga pinuntahan nitong baybayin ng Manila Bay sa Paranaque, Manila, Navotas at Muntinlupa, nakita nito ang mahihirap na komunida sa baybayin ng Manila Bay kung saan umaasa sa pangingisda ang mga nakatira dito.

Anang Nilad, ang mga isinasagawang clean-up ng mga komunidad ay dapat tambalan ng pagtulong ng gobyerno iangat ang buhay ng mga nakatira sa baybayin nito.

Patuloy na tinututulan ng grupo ang pagtatambak ng dolomite ‘white sand’ sa Manila Bay at nananawagan para sa tunay na rehabilitasyon nito.

Anang grupo ng mangingisdang PAMALAKAYA, ang primaryang nagsusulong sa kalinisan ng Manila Bay ay ang mga komunidad na nakatira malapit dito at ang mga mangingisda, taliwas sa sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno laban sa mga kritiko ng pagtatambak ng white sand sa Manila Bay na tahimik umano sa isyu ng basurang itinatapon sa Manila Bay.

“Lagi kaming nasa unahan ng pagbabantay sa mga tradisyunal na pangisdaan laban sa mga mapanirang proyekto ng gobyerno at mga korporasyon. Nilabanan namin ang mga dating proyekto ng reklamasyon gaya ng dumpsite sa Navotas noong 2004, na siyang dahilan sa tone-toneladang basura na nagpaparumi sa Manila Bay,” ani Fernando Hicap, Pambansang Tagapangulo ng PAMALAKAYA.

Ayon sa PAMALAKAYA, may kabuuang 547 ektarya ng mga proyektong reklamasyon sa mga baybayin ng Maynila. Kasama na rin ang 50-ektaryang pagpapalawak sa Manila Harbour Centre proposed by R-II Builders Inc., ang 50-ektaryang Baseco Rehabilitation and Development Inc. (BRADI) proyektong reklamasyon, ang 40-ektaryang reklamasyon ng Philippine Reclamation, at ang pinakamalaking 407-ektaryang City of Pearl ng UAA Kinming Development Corporation.

Lahat ng mga nasabing proyekto ay inaprubahan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Sa tantya ng PAMALAKAYA, may 45,000 mangingisda at maralitang lungsod sa Baseco ang maaaring mapaalis sa kanilang komunidad kung magpatuloy ang mga proyektong reklamasyon.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here